Pandaigdigang Isyu

Sundalong North Korean para sa Moscow: Ano ang kapalit?

Namamatay ang mga sundalong North Korean sa Russia laban sa mga Ukrainian, bagamat walang banta sa sariling bansa, at ginagawang puhunan ni Kim Jong Un ang kanilang kamatayan.

Lumahok ang mga sundalong North Korean sa isang commemorative march sa Pyongyang noong Abril 25 bilang pag-alala sa ika-93 anibersaryo ng Korean People's Revolutionary Army. [Kim Won Jin/AFP]
Lumahok ang mga sundalong North Korean sa isang commemorative march sa Pyongyang noong Abril 25 bilang pag-alala sa ika-93 anibersaryo ng Korean People's Revolutionary Army. [Kim Won Jin/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Sa isang concert noong Hunyo sa Pyongyang, ipinakita sa malaking screen ang isang notebook na may bakas ng dugo.

Pag-aari ito ng isang sundalong North Korean na nasawi libu-libong milya ang layo mula sa kanyang tahanan, sa Kursk province, Russia. Napahiran ng putik at shrapnel ang mga pahina, ngunit malinaw pa rin ang kanyang sulat-kamay: isang huling mensahe na pumupuri sa "supreme leader" Kim Jong Un at nangangakong "lalaban para sa dakilang layunin."

Nagpalakpakan ang mga manonood. Lumakas ang tugtog ng state orchestra.

Naganap ang dramatikong eksenang ito sa isang paggunita na pinangasiwaan ng bansa para sa daan-daang sundalong North Korean na nasawi sa pakikipaglaban para sa Russia, na nagpapahiwatig na marami pa ang susunod.

Nagpost si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy noong Enero 20 ng video ng isang bihag na sundalong North Korean na nakaupo sa kama, na nagsabing marami ang nasawi nang pumasok siya sa pakikipaglaban sa mga puwersang Ukrainian noong Enero 3. [t.me/V_Zelenskiy_official]
Nagpost si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy noong Enero 20 ng video ng isang bihag na sundalong North Korean na nakaupo sa kama, na nagsabing marami ang nasawi nang pumasok siya sa pakikipaglaban sa mga puwersang Ukrainian noong Enero 3. [t.me/V_Zelenskiy_official]

Ang Pyongyang ay inaasahang magpapadala pa ng libu-libong sundalo at manggagawang militar sa digmaan sa Russia sa Hulyo o Agosto, ayon sa South Korean National Intelligence Service.

"Matapos magpadala ng 11,000 tauhan noong Oktubre ng nakaraang taon, inihayag na ng Russia ang pangalawang pagpapadala ng 4,000 sundalo, pati na rin ang karagdagang 6,000 manggagawang militar upang tumulong sa rehabilitasyon ng Kursk [Russia]," sinabi ni lawmaker Lee Seong-kweun sa mga mamamahayag noong Hunyo, ayon sa AFP.

Ginulat ng mga pwersang Ukrainian ang Russia noong nakaraang Agosto sa pagsalakay ng teritoryo sa Kursk province, dahilan para magpadala ng mga sundalo ang North Korea doon noong Oktubre. Hawak ng mga Ukrainian ang malaking bahagi ng lalawigan sa loob ng pitong buwan.

Noong unang bahagi ng Hulyo, isang ulat ng CNN na kumukuha ng impormasyon mula sa mga opisyal ng Ukraine ang nagsabing plano ng North Korea na magpadala ng hanggang 30,000 sundalo upang suportahan ang kampanya ng Kremlin.

"May malaking posibilidad" na ilang mga North Korean ang makikipaglaban sa Ukraine, hindi lamang sa mga bahagi ng Russia na hawak ng Ukraine, prediksyon ng intelihensiya ng Ukraine, ayon sa CNN.

Humigit-kumulang 15,000 tauhang mula sa North Korea ang ipinadala na sa Russia, ilan sa kanila ay nakatalaga sa labanan habang ang iba ay nasa yunit ng konstruksyon o pag-aalis ng mga mina, ayon sa mga ulat ng intelihensiya.

Hindi bababa sa 600 ang nasawi habang libu-libo ang sugatan.

At sa kabila nito, sa halip na bawasan,tila pinalalawak pa ng North Korea ang kanilang pakikilahok.

Buhay kapalit ng kapangyarihan

Ang digmaan ay nagbibigay sa Pyongyang ng isang bagay na matagal nang wala sila mula pa noong Korean War: tunay na karanasan sa digmaan at ang pampulitikang impluwensyang kaakibat nito.

"Sa ngayon, natututo ang mga mandirigma na gumamit ng mga FPV [first-person view] drone, fiber-optic drone, at mga Mavic dito -- at bukas, babalik sila sa kanilang bansa upang ituro ang bagong kasanayan sa 10,000 pang sundalo,” sinabj ni Vladimir Sapunov, isang Russian military analyst, sa panayam ng Svobodnaya Pressa na inilathala noong Hulyo 5.

Ang labanan, sa Russia man o Ukraine, ay nagsisilbing aktwal na pagsasanay sa putukan para sa mga sundalong dati ay nagpapatrolya lamang sa Demilitarized Zone. Nagbibigay ito kay Kim ng pagkakataong ipagpalit ang mga sundalo at bala kapalit ng drone technology, mga electronic warfare system at satellite-launch assistance -- mga kakayahang matagal na niyang inaasam.

Ayon sa intelihensiya ng South Korea, nagsimula na ang Russia sa paglilipat ng mahahalagang teknolohiyang militar sa North Korea kapalit ng mga bala, sundalo at tauhan.

Ngunit mahirap at nakamamatay ang pagdaraanan para matuto. Bagamat dsiplinado ang mga sundalong North Korean, lipas na ang kanilang pamamaraan, gumagamit sila ng taktikang mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig tulad ng sabayang paglusob, na kadalasan ay hindi handa sa mga banta ng makabagong teknolohiyang militar gaya ng mga drone, ayon sa mga Ukrainian commander.

Inamin ng dalawang sundalong North Korean na nahuli noong unang bahagi ng taon na inakala nilang ipinadala sila sa Russia para sa mga pagsasanay, hindi sa frontline ng digmaan.

"Dahil sa dami na ng nangamatay at malupit na pagtrato na naranasan ng mga sundalong North Korean, maaaring mas pipiliin ni Kim Jong-un na mapabilis ang pagbabalik ng kanyang mga sundalo kaysa magpadala pa ng karagdagang sundalo para lumaban sa Russia, ayon kay Jennifer Mathers, isang senior lecturer sa international politics sa Aberystwyth University, sa isinulat niya sa The Conversation noong Pebrero.

"Ngunit tila handang maging kabayaran ng pangulo ng North Korea ang mataas na bilang ng namamatay sa digmaan para sa karanasan sa labanan na maaaring magbigay sa kanyang hukbo ng lamang sa mga susunod na digmaan para sa sariling interes."

Paglikha ng mito sa kasalukuyan

Sa kabila ng mga pagkamatay -- o marahil bunga nito -- ginamit ni Kim ang mga ito bilang oportunidad sa propaganda.

Noong Abril, unang beses na inihayag ng North Korea sa publiko ang kanilang papel sa labanan sa Russia at agad nitong isinama ang mga nasawi sa kanilang pambansang mitolohiya.

Sa commemorative concert sa Pyongyang, ipinakita sa malalaking screen ang mga larawan ng mga sundalong nasawi sa labanan, kasabay ng tugtog ng orchestra. Isang litrato ang nagpakita kay Kim na inilalagay ang kamay sa ibabaw ng kabaong na tinakpan ng pambansang bandila. Ang concert ay ginanap kasabay ng anibersaryo ng 2024 North Korea-Russia strategic partnership pact, na may nilalamang mutual defense clause.

Hindi lamang sa mga pagtatanghal umiikot ang kampanya para parangalan ang mga nasawi. Inihayag na ng Moscow at Pyongyang ang mga plano na magtayo ng mga permanenteng memorial para sa mga sundalong North Korean na “nagpalaya” sa lalawigan ng Kursk, Russia.

Sa mga opisyal na pahayag, tinawag ni Kim ang mga nasawi na "mga bayani ng ating bansa" at nangakong "panatilihin ang kanilang alaala."

Sa gitna ng lumalaking bilang ng mga nasawi sa sariling hanay sa digmaan, bukas ang Russia sa mga tulong. Mabilis na pinagtitibay ng Kremlin ang ugnayan nito sa North Korea.

Si Russian Foreign Minister Sergey Lavrov ay lumipad patungong Pyongyang para sa ikalawang yugto ng mga estratehikong talakayan noong kalagitnaan ng Hulyo. Ang talakayan ay sinundan ng ilang pagbisita ni Security Council chief Sergei Shoigu, na nag-anunsyo ng bagong pagpapadala ng mga North Korean na mga construction worker at eksperto sa pampasabog sa one-day summit kamakailan.

Dalawang beses sa isang linggo na ang biyahe ng eroplano sa pagitan ng dalawang kabisera. Pabalik-balik din ang mga delegasyon sa pangkultura. At mismong si Kim ay inaasahang bibisita muli sa Russia para sa isang summit kasama si President Vladimir Putin, na posibleng magpatibay pa sa ugnayang tila naging pormal nang pagpapadala ng armas, manggagawa, at mga nasawi sa digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *