Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

UK at France isusulong ang pinag-ugnay na pananggang nukleyar

Ayon sa kasunduan, maglalabas ng karagdagang order ang London at Paris ng mas maraming Storm Shadow cruise missile -- mga long-range, air-launched na armas na magkasamang binuo ng dalawang bansa.

Nagkamayan sina British Prime Minister Keir Starmer (kaliwa) at French President Emmanuel Macron sa joint news conference pagkatapos ng pulong ng Coalition of the Willing sa London noong Hulyo 10. [Leon Neal/AFP]
Nagkamayan sina British Prime Minister Keir Starmer (kaliwa) at French President Emmanuel Macron sa joint news conference pagkatapos ng pulong ng Coalition of the Willing sa London noong Hulyo 10. [Leon Neal/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Nagdeklara ang United Kingdom at France na ang kanilang mga pananggang sandatang nukleyar ay maaaring pag-ugnayin at magkasama silang tutugon sa anumang “matinding banta sa Europe.”

Ang deklarasyong pinirmahan noong Hulyo 10 ay nagsasaad na ang mga pananggang sandata ng bawat bansa ay mananatiling nasa ilalim ng kontrol ng kani-kanilang gobyerno, "pero maaaring pag-ugnayin at walang matinding banta sa Europe na hindi tutugunan ng dalawang bansa," ayon sa pahayag ng UK Ministry of Defense (MoD) at ng French presidency.

Nilagdaan ni French President Emmanuel Macron ang kasunduan habang tinatapos ang kanyang tatlong araw na state visit sa United Kingdom sa pamamagitan ng isang summit, kung saan nangako ang mga kaalyado na "muling pasisiglahin" ang ugnayang pangdepensa na nakapokus sa sabayang paggawa ng mga missile at kooperasyong nukleyar.

Pinangunahan nina Macron at UK Prime Minister Keir Starmer ang summit sa London, kung saan tinalakay nila ang pagpapatuloy ng suporta sa Ukraine at at pagpigil sa ilegal na pagtawid ng mga migrante sa English Channel.

Bago ang pagpupulong, na kasunod ng dalawang araw ng mga kaganapan na may temang seremonya, pulitika, kalakalan, at kultura, inanunsyo ng France at Britain na muling “pasisiglahin” ang kanilang “ugnayang pangdepensa.”

‘Depensa bilang makina sa pag-unlad’

Maglalabas ng karagdagang order ang London at Paris ng mas maraming Storm Shadow cruise missile -- mga long-range, air-launched na armas na magkasamang binuo ng dalawang bansa at tinatawag na SCALP ng mga French -- habang pinabibilis ang trabaho sa isang kapalit na sistema.

Maraming mga missile ang ipinadala sa Ukraine nitong mga nagdaang taon upang suportahan ang Kyiv sa digmaan nito laban sa Russia.

May plano na ang Britain na muling gamitin ang mga fighter jet na kayang magdala ng mga atomic weapon upang suportahan ang misyon ng NATO, ayon sa opisina ni Starmer.

Bibili ang bansa ng 12 F-35A fighter jet na kayang magdala ng mga sandatang nukleyar, na magpapalawak sa kanilang arsenal ng mga pananggang sandata, na kasalukuyang limitado sa submarine-launched missiles.

“Ang mga F-35 na dual capable aircraft na ito ay maghuhudyat ng bagong yugto para sa ating world-leading Royal Air Force at magsisilbing panangga laban sa mga banta sa UK at sa aming mga kaalyado,” ayon kay Starmer noong Hunyo 24.

Sinabi ni NATO Secretary General Mark Rutte sa pahayag na "lubos" niyang tinanggap ang anunsyo, at tinawag itong "isa pang matibay na kontribusyon ng Britain sa NATO."

Inilarawan ng Downing Street ito bilang ang “pinakamalaking pagpapalakas ng puwersang nukleyar ng UK sa loob ng isang henerasyon.”

Ang bagong partnership ng France at Britain ay hudyat ng bagong “Entente Industrielle” kung saan “ang depensa ay magiging makina sa pag-unlad,” ayon sa MoD.

"Bilang malapit na katuwang at kaalyado sa NATO, ang UK at France ay may malalim na kasaysayan ng kolaborasyon sa depensa at ang mga kasunduan ngayon ay nagdadala ng aming partnership sa susunod na antas," sabi ni Starmer sa pahayag.

Noong Hulyo 10, sabay na sumali sina Starmer at Macron sa pagpupulong ng “coalition of the willing” para sa Ukraine — isang grupo ng mga bansang sumusuporta sa nakikipaglabang Ukraine.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *