Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

UK ibabalik ang eroplanong may kakayahang-nukleyar sa ilalim ng NATO laban sa banta ng Russia

Inilarawan ng Downing Street (opisina ng British Prime Minister) ang hakbang bilang 'pinakamakabuluhang pagpapalakas ng estratehiyang nukleyar ng UK sa loob ng isang henerasyon.'

Isang screenshot mula sa video ng lumilipad na F-35 Lightning II. Bibili ang United Kingdom ng 12 F-35A fighters na may kakayahang-nukleyar, na magpapalawak sa kapasidad ng depensa ng bansa na kasalukuyang limitado lamang sa mga missile na inilulunsad mula sa submarino. [Lockheed Martin]
Isang screenshot mula sa video ng lumilipad na F-35 Lightning II. Bibili ang United Kingdom ng 12 F-35A fighters na may kakayahang-nukleyar, na magpapalawak sa kapasidad ng depensa ng bansa na kasalukuyang limitado lamang sa mga missile na inilulunsad mula sa submarino. [Lockheed Martin]

Ayon sa AFP |

Ibabalik ng Britain ang mga fighter jet na may kakayahang magdala ng sandatang nukleyar upang suportahan ang misyong nukleyar ng NATO, ayon sa opisina ni Prime Minister Keir Starmer kamakailan.

Bibili ang bansa ng 12 F-35A fighters na may kakayahang-nukleyar, na magpapalawak sa kapasidad ng depensa ng bansa na kasalukuyang limitado lamang sa mga missile na inilulunsad mula sa submarino.

"Itong mga F-35 na may dalawahang kapabilidad ay maghuhudyat ng bagong yugto para sa Royal Air Force na kilala sa kanilang kahusayan at magsisilbing panlaban sa mga banta sa UK at sa ating mga kaalyado,” ayon kay Starmer sa isang pahayag noong Hunyo 24.

Ayon sa pahayag ni NATO Secretary General Mark Rutte: "Lubos kong ikinagagalak ang anunsyo ngayong araw," at inilarawan ito bilang "isa pang makabuluhang kontribusyon ng Britain sa NATO."

Inilarawan ng Downing Street ang hakbang bilang 'pinakamakabuluhang pagpapalakas ng estratehiyang nukleyar ng UK sa loob ng isang henerasyon.'

Mula nang matapos ang Cold War, ang panlaban sa nukleyar ng Britain sa loob ng Atlantic alliance ay sa pamamagitan lamang sa mga missile na nasa mga submarino ng Royal Navy.

Sinabi ni Heloise Fayet, isang dalubhasa sa usaping nukleyar sa French Institute of International Relations (Ifri), sa AFP na ipinakita ng anunsyo "ang pagpapatuloy ng Europe sa paggamit ng mga sandatang nukleyar, muling pangangailangan ng sandatang nukleyar, at pagpapalakas ng depensa ng NATO bilang tugon sa kalabang Russia."

Ang F-35A, na binuo ng kumpanyang US na Lockheed Martin, ay isang bersyon ng F-35B na ginagamit ng United Kingdom, na may kakayahang magdala ng sandatang nukleyar bukod sa karaniwang armas.

Ang pagbili ng mga ito ay matagal nang kahilingan ng Royal Air Force.

Inaasahang ilalagay ang mga eroplanong ito sa Marham Air Force Base sa eastern England.

'Bagong banta'

Nagtipon ang mga pinuno ng mga bansa ng NATO sa The Hague noong Hunyo, kung saan nangako silang ilalaan ang 5% ng kanilang GDP para sa depensa pagsapit ng 2035.

Nangako na ang United Kingdom noong Hunyo 23 na kaya nitong abutin ang itinakdang halaga para sa depensa.

Ipinahayag ng London noong Pebrero na itataas nito ang pondo para sa depensa hanggang 2.5% ng GDP pagsapit ng 2027 at magiging 3% naman pagkatapos ng 2029.

Nagbabala si British Defense Secretary John Healey noong Hunyo 24 na humaharap ang United Kingdom sa “mga bagong banta sa larangan ng nukleyar, habang ang ibang mga bansa ay pinalalawak, pinauunlad, at pinalalaki ang saklaw ng kanilang mga arsenal ng sandatang nukleyar.”

Pitong miyembro ng NATO, kabilang ang United States, Germany at Italy, ang kasalukuyang may mga eroplanong may dalawahang kapabilidad na pinananatili sa teritoryo ng Europe na kayang magdala ng mga sandatang nukleyar na American B61 -- ang parehong uri na inaasahang gagamitin ng Britain.

Noong Hunyo, inanunsyo ng Britain na magtatayo ito ng hanggang 12 bagong submarinong pandigma at anim na pabrika ng armas bilang bahagi ng pagsusumikap na palakasin ang depensa ng bansasa harap ng mga banta, lalo na mula sa Russia.

Ang dosenang submarinong pinapatakbo gamit ng nukleyar na enerhiya ay lalagyan ng mga karaniwang armas at magiging bahagi ng alyansang militar na AUKUS sa pagitan ng United Kingdom, United States at Australia.

Kinumpirma ni Starmer na maglalaan ang London ng £15 bilyon ($20.4 bilyon) para sa programa nito sa mga sandatang nukleyar.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *