Pandaigdigang Isyu
Balik sa panunupil: Media ng Russia muling kinontrol ng Kremlin
Mula sa pagiging simbolo ng marupok na kalayaan, ang pamamahayag sa Russia ay ginagamit na ngayon para sa kapangyarihang politikal sa ilalim ng pamumuno ni Vladimir Putin.
![Mga tauhan ng NTV channel habang naghahanda ng balitang ipalalabas sa kanilang news room sa Moscow noong Setyembre 20, 2000. [Alexander Nemenov/AFP]](/gc7/images/2025/07/02/50958-history_3-370_237.webp)
Ayon kay Olha Chepil |
Sa mga sandali ng pagiging bukas, nabago ng katotohanan ang takbo ng mga bansa. Sa mga huling taon ng Soviet Union, isang bugso ng malayang pamamahayag ang nagbigay sa publiko ng bagong pananaw tungkol sa kanilang bansa at naging tulay sa pagbagsak ng isang rehimen.
Sa kasalukuyan, ang kapangyarihan ng katotohanan ay patuloy na nagiging hamon sa Russia sa ilalim ni Vladimir Putin, kung saan nagsusumikap ang bansang kontrolin ang mga impormasyong nakararating sa publiko.
Sistematikong pagpapakalat ng maling impormasyon
Kahit matapos ang pagbagsak ng Soviet, nanatili ang mga taktika ng maling impormasyon. Nagpatuloy ang mga pamamaraan ng Soviet noong dekada 1990, sa loob at labas ng Russia, ayon kay Tatiana Yankelevich, dating direktor ng Sakharov Program on Human Rights sa Harvard University.
Ang kanyang amain, si Andrei Sakharov, isang physicist, dissident at Nobel Peace Prize laureate, ay mariing kinondena ang pang-aapi ng Soviet, ang digmaan sa Afghanistan at ang mismong sistemang totalitaryanismo.
![Isang empleyado habang nagbubuhat ng kahon sa Andrei Sakharov Museum and Public Center sa Moscow noong Abril 14, 2023. [Kirill Kudryavtsev/AFP]](/gc7/images/2025/07/02/50959-history_2-370_237.webp)
Ang kampanya laban kay Sakharov ay isang pangunahing halimbawa ng sistematikong maling impormasyon sa panahon ng Soviet. Noong dekada 1980, nakipagtulungan ang mga ahensya ng intelihensya sa mga tapat na mamamahayag upang bumuo ng mga pekeng video at dokumento na naglalayong sirain ang kanyang reputasyon sa ibang bansa.
"Ang mga liham, video, at sulat ay pineke. In-edit lahat, pinagsama-sama mula sa iba't ibang konteksto at ibinenta sa press ng Kanluranin, hindi para sa pera kung hindi para pahinain ang mga pagsisikap na ipagtanggol si Sakharov" sinabi ni Yankelevich sa Global Watch.
Sa Gorky, na ngayon ay tinatawag na Nizhny Novgorod, kung saan ipinatapon si Sakharov, palihim siyang kinukunan ng video ng mga doktor at ipinapasa ang mga ito sa KGB.
"Hindi ito basta propaganda lamang -- isa itong sistematikong pagpapalit ng katotohanan,” ani Yankelevich.
Nilalayon nitong ihiwalay si Sakharov at patahimikin ang mas malawak na kilusan para sa karapatang pantao. Kalaunan, ang mga taktika ay naging bahagi ng sistemang propaganda matapos ang panahon ng Soviet Union.
"Laganap ang maling impormasyon, isang malinaw na patunay ng kapangyarihan ng propaganda ng Soviet," ani Yankelevich.
Katotohanan bilang pamukaw ng pagbabago
Hanggang sa huling bahagi ng dekada 1980, ang mga media ng Soviet ay naglalahad lamang ng opisyal na panig ng estado. Ang mga pahayagan, telebisyon, at radyo ay nagsisilbing boses ng pamahalaan, nang walang puwang para sa pagtutol.
"Bago ang perestroika (muling pagsasaayos), dalawa lamang ang channel sa telebisyon ng Soviet Union. Nagpalabas sila ng mga programang nakakaantok -- tulad ng 'The Rural Hour' at 'I Serve the Soviet Union,'" ayon kay Igor Eidman, isang Russian sociologist at mamamahayag na itinuring na "dayuhang ahente" at kasalukuyang naninirahan sa Berlin, sinabi niya sa Global Watch.
Nagsimulang magbago ang panunupil na iyon nang ipinatupad ang glasnost, o pagiging bukas, isang patakarang inilunsad ni Mikhail Gorbachev na pinaluwag ang censorship at hinikayat ang transparency. Ang programang Vzglyad ("Viewpoint") sa telebisyon ay lumihis mula sa istilong Soviet sa pamamagitan ng mabilisang format. Ang magasin na Ogoniok, na dati’y konserbatibo, ay nagsimulang maglathala ng matatapang na komentaryang pampulitika at mga malalim na imbestigasyon.
"Nang magsimula ang perestroika, unti-unting lumuwag ang censorship hanggang tuluyan itong nawala. Nagbukas ito ng mga pintuan at nagbigay ng malayang kapangyarihan sa matatalas at mga makabuluhang programa," ani Eidman.
Sa unang pagkakataon, naipakilala sa mga mamamayan ng Soviet ang mga alternatibong pananaw -- at ibang bersyon ng kasaysayan ng kanilang bansa.
Ang mga pahayagan ng Kanluranin, kabilang ang CNN, ay may mahalagang papel sa pag-uulat ng tangkang kudeta noong Agosto 1991 sa Moscow. Ang mga litrato ni Boris Yeltsin na nakatayo sa isang tangke sa labas ng Russian White House na kumalat sa buong mundo, ay pasimula ng isang malaking pagbabago: sa unang pagkakataon sa loob ng maraming dekada, hindi na kontrolado ng Kremlin ang naratibo.
"Isang malaya -- o medyo malayang -- pamamahayag sa Russia ang nagsimulang umusbong, kabilang na dito ang pamamahayag sa telebisyon,” ani Eidman sa kanyang paggunita.
Ngunit ang katotohanan ay may kapalit. Ang pagbagsak ng lumang sistema ay nagdulot ng kaguluhang pang-ekonomiya, kawalan ng ideolohiya, at lumalalang hindi pagkakapantay-pantay. Pinalitan ang elitistang komunista ng bagong pangkat ng mga oligarko.
"Ang pag-usbong ng mga oligarko ay bunga ng tinatawag na shock therapy. Itong ‘predatory capitalism’ ay nagdulot ng social Darwinism at kahirapan," sinabi ni Gregor Razumovsky, isang Austrian political analyst na higit tatlong dekada nang pinag-aaralan ang Russia-Ukraine relations, sa panayam ng Global Watch.
Winasak nito ang mga pundasyong pang-ekonomiya ng mga mamamayan mula sa panahon ng Soviet at lumikha ng isang bagong realidad. Lumawak ang kahirapan at kawalan ng hanapbuhay na kabaligtaran nang biglang pagyaman ng bagong elitista, ayon kay Razumovsky.
"Ang pagbagsak ng voucher system ay nagbigay-daan sa mga kaunting elitista sa pagmomonopolyo sa mga ari-arian ng estado," aniya, na tumutukoy sa malawakang binatikos na pagsasapribado ng mga yamang pang-ekonomiya ng Soviet Union.
Ang mga mamamayan na maaaring kulang sa kaalaman o nangangailangan ng pera ay nagbenta ng kanilang mga share sa mga negosyong Soviet sa murang halaga sa mga umuusbong na oligarko.
Ang pagsasapribado "ay lumikha ng mga milyonaryo at bilyonaryo na madalas ay walang sapat na karanasan o hangaring paunlarin ang mga negosyong kanilang natanggap," ani Razumovsky.
Mula kalayaan hanggang sa monopolyo
Pagkatapos ng 1991, naging larangan ng labanan ang telebisyon. Sumibol ang malayang pagpapahayag, subalit panandalian lamang. Binili ng mga oligarko ang mga istasyon upang mapalawak ang kanilang impluwensiya. Ang NTV, sa pamumuno ng magnate sa media na si Vladimir Gusinsky, ay nanatiling may malayang editorial line. Samantalang ang ORT, na konektado sa negosyanteng si Boris Berezovsky at kilala sa larangan ng politika, ay maingat na minamaniobra ang pamamahayag at interes ng pamahalaan.
"Mas malaya noong dekada 1990, pero hindi ganap na malaya ang mga media -- mayroon silang pinagsisilbihan," ani Eidman.
Ang naganap noong unang Chechen war (1994–96) ay pasimula ng isang malaking pagbabago, nang makita ng mga Russian ang litrato ng mga wasak na lungsod, mga nasawing sundalo, at mga nagpoprotestang ina. Maging ang mga istasyong pag-aari ng estado ay nagpalabas ng matapang na kritisismo laban sa pamahalaan.
"Hindi pa kontrolado ng estado ang telebisyon noon. Mariing kinundena ng NTV at malayang mamamahayag ang digmaan," ani Eidman.
Ngunit hindi ito nagtagal. Pagsapit ng ikalawang digmaang Chechen noong 1999, halos ipinagbawal na ang mga mamamahayag sa mga digmaan.
"Nagkaroon ng paghihigpit sa media, at lalo itong tumindi nang agad na pinatigil ni Putin ang NTV pag-upo niya sa kapangyarihan," ani Eidman.
Nang maupo sa kapangyarihan si Putin noong 2000, nagsimula ang pagbawi ng kalayaan sa pamamahayag.
"Pagkatapos ng dekada 2000, ganap nang monopolyo ng estado ang telebisyon sa Russia. Giniba nito ang NTV at pinatalsik sina Gusinsky at Berezovsky. Isa na lamang ang natitirang may kapangyarihan: ang Kremlin," ani Eidman.
Mula noon, aniya, halos tuluyang naglaho ang kalayaan sa pagpapahayag. Ang mga batas laban sa mga tinaguriang “dayuhang ahente,” mga kasong kriminal, at censorship ay muling nagpatuloy ng pang-aaping laganap noong panahon ng Soviet.
"Ang natira na lang ay ang mga taong naglilingkod kay Putin. Yung iba, umalis na ng bansa o pinipiling manahimik na lang," ani Eidman.
Ngayon, mas marami nang kagamitan ang Kremlin: digital surveillance, censorship sa internet, pagbabawal sa malayang media, at kontrol sa mga social platform.
Tinawag ni Yankelevich na krimen ang mga ginawa ng pamahalaan, lalo na sa Ukraine.
"Ang mga taong sangkot dito ay nawala na ang pagiging makatao, pero ayoko silang sabihan na demonyo. Kapag itinuring nating demonyo ang mga tao, parang pinapawalang-sala natin ang kanilang mga ginawa. Pero ayokong patawarin ang mga ginawa nila -- mga kriminal sila," aniya.