Pandaigdigang Isyu

Sa ulat: Nukleyar ng China pinalalakas, Russia hirap sa mga palyadong missile

Umabot sa 12,241 ang kabuuang bilang ng nuclear warhead sa buong mundo noong Enero, kung saan 9,614 dito ay nasa mga military stockpile at handa para sa posibleng paggamit.

Nagmamartsa ang mga Chinese security personnel sa harap ng isang Dongfeng-17 medium-range ballistic missile at mobile launcher nito na naka-display sa Beijing Exhibition Center noong Oktubre 2022. Tumaas sa 600 ang nuclear arsenal ng China ngayong 2025 mula 500 noong nakaraang taon, at inaasahang lalo pa itong dadami. [Noel Celis/AFP]
Nagmamartsa ang mga Chinese security personnel sa harap ng isang Dongfeng-17 medium-range ballistic missile at mobile launcher nito na naka-display sa Beijing Exhibition Center noong Oktubre 2022. Tumaas sa 600 ang nuclear arsenal ng China ngayong 2025 mula 500 noong nakaraang taon, at inaasahang lalo pa itong dadami. [Noel Celis/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Tumaas sa 600 ang nuclear arsenal ng China ngayong 2025 mula 500 noong nakaraang taon at inaasahang mas bibilis pa ang pagdami nito, ayon sa Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI).

Mas marami na ngayon ang mga nuclear warhead ng Beijing kaysa sa pinagsamang arsenal ng United Kingdom at France. Ito rin ang may pinakamabilis na pagdami ng arsenal sa buong mundo. Ang mabilis na pagdami ng mga warhead ay itinuturing na isang makabuluhang hakbang sa kakayahang nukleyar ng China, ayon sa ulat ng SIPRI nitong Hunyo.

"Patuloy na lumalaki ang nuclear force ng China," ayon kay SIPRI Director Dan Smith. "Maaaring umabot ito sa 1,000 warhead sa loob ng pito o walong taon."

Bagamat mas maliit pa rin ito kumpara sa arsenal ng United States at Russia, magiging "mas malaking player" ang China sa pandaigdigang arena, dagdag ni Smith.

Umabot sa 12,241 ang kabuuang bilang ng mga nuclear warhead sa buong mundo noong Enero. Sa bilang na ito, 9,614 ay nasa mga military stockpile at handa para sa posibleng paggamit. Ayon sa SIPRI, nagbabago na ang dating trend ng disarmament mula Cold War dahil sa patuloy na pamumuhunan ng mga estado sa mga bagong sandata at sistema ng pagpapadala.

"Ang nakikita natin ngayon, una sa lahat, ay nagsisimulang tumaas ang bilang ng mga operational nuclear warhead," ayon kay Smith sa panayam ng AFP.

Mga pumalyang missile test ng Russia

Bagama’t hawak pa rin ng Russia at United States ang halos 90% ng global arsenal, pareho silang may malawakang programang isinasagawa para imodernisa at palitan ang kanilang mga nuclear warhead, ayon sa ulat.

Gayunman, ang nuclear modernization program ng Russia ay "humaharap sa mga hamonna kinabibilangan ng pagpalya sa test noong 2024, karagdagang pagkaantala sa Sarmat intercontinental ballistic missile (ICBM), at ang mabagal na pag-upgrade ng iba pang sistema," ayon sa pagsusuri.

Ang mga pumalyang test ng RS-28 Sarmat -- tinawag na "Satan II" ng Western media -- ay nagpapakita na may krisis ang Moscow sa larangan ng strategic weapons, ayon kay Timothy Wright, isang missile analyst sa International Institute for Strategic Studies.

Pumapalya sa mga test ang missile, paulit-ulit na naaantala ang mga deadline, at nawala rin ang access ng Russia sa mahalagang teknolohiya at expertise mula Ukraine -- mga kakayahang dating ibinibigay noong panahon ng Soviet at sa mga unang taon matapos iyon. Ito ay nagdulot ng krisis sa paggawa ng missile ng Moscow, ayon kay Wright.

"Batay sa kasaysayan, maraming mga planta ng paggawa ng ICBM at personnel ang nakabase sa Ukraine," aniya sa isang artikulo ng Business Insider na inilathala noong Enero.

Bukod pa rito, "limitado rin ang pondo" ng Russia para tugunan ang mga problema sa kanilang mga missile system, ayon kay Fabian Hoffmann, isang missile specialist sa Oslo Nuclear Project.

Ayon kay Alexander Kovalenko, analyst mula sa website na InfoResist, lalong humihina ang industriya ng depensa ng Russia dahil sa mga sanctions mula sa international community, ang walang patumanggang paggasta sa digmaan sa Ukraine, at ang isolation nito sa mga Western technology.

'Malapit na ang katapusan ng lahat'

"Dahil sa mga ipinataw na sanction, hindi kayang paunlarin ng Russia ang industriya ng paggawa ng mga missile," ani Kovalenko.

Samantala, nananatiling "sentro ng national security strategy" ng North Korea ang kanilang weapon program, na may mga tinatayang 50 warhead at sapat na fissile material para dumami ito hanggang 90, ayon sa ulat.

Ayon kay Smith, maaaring pumapasok na ang mundo sa isang panibagong uri ng labanan ng armas -- hindi lang batay sa dami ng mga warhead kundi pati sa mga emerging technologies.

“Isa itong labanan ng armas na magiging lubhang technological,” aniya, “na magaganap sa outer space at cyberspace.”

Inaasahang gaganap ng mas malaking papel ang artificial intelligence sa hinaharap ng nuclear warfare.

“Ang susunod na hakbang ay ang paglipat sa full automation. Ito ay isang hakbang na kailanman ay hindi dapat tahakin,” babala ni Smith. “Kung ang ating pag-asa na makaiwas sa panganib ng digmaang nukleyar ay ilalagay sa kamay ng artificial intelligence, sa tingin ko malapit na tayo sa katapusan ng lahat.”

Habang patuloy ang kaguluhang geopolitical, pagwawakas ni Smith: “Nakikita natin ang mga babala ng paparating na bagong labanan sa nukleyar na armas.”

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *