Mga Istratehikong Usapin
Russia target ang mga Francophone sa Africa gamit ang AI na propaganda, babala ng France
Habang kinakaharap ng Moscow ang mga sanction at pagkakahiwalay sa ugnayang diplomatiko sa Kanluran dahil sa pananakop nito sa Ukraine, agresibo itong naghahanap ng impluwensiya sa Africa.
![Ipinakikita sa litratong ito noong Pebrero 8 ang mga AI chatbot application. Ang mga pro-Russian na online operation ay tinarget ang mga nagsasalita ng French sa Africa gamit ang 'mapanlinlang' na AI-generated na mga post sa isang kampanya na malamang ay pinamunuan ng Moscow. [Jonathan Raa/NurPhoto via AFP]](/gc7/images/2025/06/18/50811-ai-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Isang lihim na pro-Russian na online operation ang tumarget sa mga nagsasalita ng French sa Africa gamit ang mga "mapanlinlang" na mga post na nilikha gamit ang artificial intelligence (AI), ayon sa isang ahensiya ng French government noong Hunyo 12.
Sinisikap ng Moscow na palawakin ang impluwensiya nito sa Africa sa mga nagdaang taon, kabilang ang mga dating kolonya ng France, sa pamamagitan ng mga kampanyang gumagamit ng mga aktibistang mula sa masa at social media.
Malaki ang papel ng Wagner Group, isang pwersa ng mga bayarang sundalo. Ngunit matapos itong buwagin at ayusing muli kasunod ng pagkamatay ni Prigozhin noong 2023, tila kinonsolida ng Moscow ang kontrol sa mga operasyon ng impormasyon.
Habang kinakaharap ng Moscow ang mga sanctions at pagkakahiwalay sa ugnayang diplomatiko sa Kanluran dahil sa pananakop nito sa Ukraine, agresibo itong naghahanap ng impluwensiya sa Africa. Bukod sa mga tulong sa ekonomiya, nagbibigay rin ito ng suporta sa diplomasya sa mga forum tulad ng United Nations.
Ayon sa Africa Center for Strategic Studies, halos 40% ng lahat ng disinformation campaigns sa Africa ay mula sa mga propaganda operations na pinopondohan ng estado ng Russia -- hiwalay sa presensiya ng Wagner -- kung saan ang Mali ay lumilitaw bilang pangunahing sentro ng mga operasyon.
'Mga lihim na aktibidad sa internet'
Ayon sa bagong ulat ng Robert Lansing Institute noong Mayo 16, “lalo nang ginagamit ng Russia ang ideolohiya bilang sandata -- hindi lamang sa disinformation kundi sa paglikha ng mga alternatibong salaysay upang kontrahin ang impormasyong magkakatuwang na pinagsikapan na pinangungunahan ng Kanluran."
"Sa Africa, nagsasagawa ang Russia ng mga eksperimento sa malalim na mga operasyong psngkultura, pang-media at sikolohikal upang baguhin ang katapatan ng mga lokal," dagdag nito.
Ayon sa Viginum, isang ahensiyang French na lumalaban sa mga banyagang disinformation campaign, may kaugnayan ang “lihim na mga aktibidad sa internet” ng Moscow sa isang Russian news agency na hayagang aktibo sa Africa na tinatawag na African Initiative.
Ayon sa ulat, ang African Initiative ay may "pangunahing papel sa muling pagbubuo at pagpapatupad ng istratehiya ng impormasyon at impluwensiya ng Russia sa Africa" matapos ang pagkamatay ni Prigozhin.
Ayon sa Viginum, "malamang na ang mga aktibidad nito ay pinapatakbo ng mismong estado ng Russia, lalo na ng mga intelligence services ng Russia."
Hindi pa nagbigay ng pahayag ang Russian news agency sa kahilingan para sa komento.
Nakabase sa Moscow, ang African Initiative ay naglalathala sa limang wika kabilang ang Ingles at French, at nagsasagawa ng mga kurso sa pamamahayag at mga press trip sa Africa.
Sinasabi nilang isa silang independent publication, ngunit kabilang sa kanilang mga reporter ang dating tagapagsalita ng opisina ng Wagner sa St. Petersburg.
Paghahanap ng links
Ayon sa Viginum, lumilitaw na nagsagawa ng isang “mapanlinlang” na operasyon ang news agency, na gumagamit ng AI-generated na mga imahe, teksto, at video, pati na rin ng “malisyosong teknik” para pataasin ang views.
Ayon sa ulat, ang operasyon gamit ang mga pekeng media outlet ay "malamang" na pinatatakbo ng isang web marketing company na subcontractor ng African Initiative.
Naglabas ang mga website ng libu-libong artikulo, karamihan ay hindi politikal gaya ng sa sine, sports at musika -- tila para lang mang-udyok na i-link sila sa ibang media, ayon sa ulat.
Dose-dosenang automated accounts ang nagpalaganap ng mga link sa mga site sa mga blog, na may mga post na tila AI-generated at kung minsan ay isinalin mula sa Russian, ayon sa Viginum.
Sa kabila ng komplikadong estruktura, hindi ito nakakuha ng maraming views at tila naging inactive na ang mga site mula pa noong Disyembre, ayon sa ahensiyang French.
Inilabas ng Viginum ang kanilang mga natuklasan matapos sabihin ng Meta noong Agosto na tinanggal nila ang mga Facebook account na tumarget sa mga bansang nagsasalita ng French sa Africa na nagpo-promote ng papel ng Russia sa rehiyon at bumabatikos sa France.
Sinabi ng OpenAI, ang kumpanyang nasa likod ng ChatGPT, na kanilang ipinagbawal ang mga account na nagmula sa Russia na gumagamit ng kanilang language models para gumawa ng mga larawan, komento, at artikulo sa Ingles at French na ipino-post sa mga site na nagpapanggap bilang news media sa Africa.