Pandaigdigang Isyu

EU chief, French president: Kahinaan ng Europa, nalantad sa digmaan sa Gitnang Silangan

Itinutulak ng mga lider ng Europa na muling pagtuunan ng pansin ang enerhiyang nukleyar, dahil ipinakita ng digmaan sa Gitnang Silangan ang panganib ng labis na pagdepende sa inaangkat na fossil fuel.

Isang aktibista ng Greenpeace ang may hawak ng banner na may nakasulat na “Nuclear power fuels Russia's war” bilang protesta sa panahon ng Nuclear Energy Summit sa Seine Musicale sa Boulogne-Billancourt, sa labas ng Paris, noong Marso 10. [Abdul Saboor/POOL/AFP]
Isang aktibista ng Greenpeace ang may hawak ng banner na may nakasulat na “Nuclear power fuels Russia's war” bilang protesta sa panahon ng Nuclear Energy Summit sa Seine Musicale sa Boulogne-Billancourt, sa labas ng Paris, noong Marso 10. [Abdul Saboor/POOL/AFP]

Ayon sa AFP |

Nanawagan noong Marso 10 sina EU chief Ursula von der Leyen at French President Emmanuel Macron sa mga bansa sa Europa na palakasin ang paggamit ng sibilyang enerhiyang nukleyar, upang hindi na umasa ang kontinente sa enerhiya mula sa ibang bansa, at sinabing inilantad ng digmaan sa Gitnang Silangan ang kahinaan ng Europa.

Nagtalumpati sila sa isang summit tungkol sa enerhiyang nukleyar, ngunit sandaling naantala ang programa nang magprotesta ang mga aktibista ng Greenpeace, habang nasa ikalawang linggo na ang digmaan ng US at Israel laban sa Iran.

Sinabi ni Ursula von der Leyen na ang pag-iwas ng Europa sa paggamit ng sibilyang enerhiyang nukleyar ay naglantad sa "kahinaan" ng kontinente dahil sa pagdepende sa fossil fuel.

“Isang malaking pagkakamali para sa Europa ang pag-iwas sa paggamit ng isang maaasahan at abot-kayang mapagkukunan ng kuryenteng may mababang emisyon,” sabi niya sa pagbubukas ng ikalawang Nuclear Energy Summit malapit lamang sa Paris.

Nagbigay ng talumpati si French President Emmanuel Macron sa Nuclear Energy Summit na ginanap sa Seine Musicale sa Boulogne-Billancourt, sa labas ng Paris, noong Marso 10. [Abdul Saboor/POOL/AFP]
Nagbigay ng talumpati si French President Emmanuel Macron sa Nuclear Energy Summit na ginanap sa Seine Musicale sa Boulogne-Billancourt, sa labas ng Paris, noong Marso 10. [Abdul Saboor/POOL/AFP]

“Pagdating sa fossil fuel, masyado tayong umaasa sa mahal at hindi siguradong suplay mula sa ibang bansa. Dahil dito, napag-iwanan tayo kumpara sa ibang rehiyon,” aniya.

“Ang kasalukuyang krisis sa Gitnang Silangan ay malinaw na paalala ng kahinaang nilikha nito,” dagdag niya.

“Mayroon naman tayong sariling pinagkukunan ng mababang-carbon na enerhiya: enerhiyang nukleyar at renewable. At makatutulong ang mga ito upang hindi umasa sa iba ang Europa sa enerhiya, matiyak ang tuluy-tuloy na suplay, at mapanatiling kompetitibo ang ekonomiya -- kung maayos itong mapamamahalaan."

Soberanya sa enerhiya

Sinabi ni Macron na nakatutulong ang sibilyang enerhiyang nukleyar upang makamit ang soberanya ng isang bansa sa suplay ng enerhiya.

“Ang enerhiyang nukleyar ay susi upang mapagsabay ang kalayaan -- ang soberanya sa enerhiya -- at ang pagbabawas ng carbon, kaya sa huli, magiging carbon-neutral ang kontinente,” sabi ni Macron.

“Nakikita natin ito sa kasalukuyang heopolitikal na sitwasyon: kapag masyado tayong umaasa sa langis at gas, maaari itong gamitin bilang instrumento ng panggigipit, o maging ng destabilisasyon,” dagdag niya.

Sinabi ni Von der Leyen na “noong 1990, 33% ng kuryente sa Europa ay nagmumula sa nukleyar, ngayon, halos 15% na lamang ito.”

“Sa mga nakaraang taon, nakikita nating muling tumataas ang interes sa enerhiyang nukleyar sa buong mundo, at nais ng Europa na maging bahagi nito,” dagdag niya.

Ayon sa kanya, maglalaan ang EU ng €200-milyong ($230-milyong) garantiya upang suportahan ang pamumuhunan sa mga makabagong teknolohiya sa nuclear, kasabay ng paglulunsad ng bagong plano para sa small modular reactors.

“Nais naming mapakinabangan ang bagong teknolohiyang ito sa Europa pagsapit ng unang bahagi ng 2030.”

Ang small modular reactors ay mga makabagong nuclear reactor na may kakayahang makabuo ng hanggang 300 megawatts ng kuryente kada unit, o humigit-kumulang isang katlo ng kapasidad ng tradisyunal na nuclear power reactor.

Simple lamang ang mga itong buuin, kaya mas mura ang mga ito kumpara sa malalaking power reactor.

Lakas nukleyar, ginagamit sa digmaan

Nasadlak sa krisis ang enerhiyang nukleyar matapos ang sakuna sa Fukushima Daiichi noong 2011 sa Japan, na lalong nagpalala sa pangamba dahil sa trahedya sa Chernobyl noong 1986.

Ngunit ang lumalaking pokus sa soberanya sa enerhiya at paghahanap ng malinis na pinagkukunan ng enerhiya upang labanan ang global warming ay muling nagpanumbalik ng interes sa atomic energy.

Ang paggamit ng enerhiyang nukleyar bilang alternatibo sa mga fossil fuel ay lubhang kontrobersyal, dahil maraming grupong pangkalikasan ang nagbababala tungkol sa mga panganib sa kaligtasan at sa pagtatapon ng nuclear waste.

Sandaling naantala ang simula ng summit nang umakyat ang dalawang aktibista ng Greenpeace sa entablado habang binabati ni Emmanuel Macron ang mga dumalo at nagladlad ng banner na may nakasulat na “Nuclear power fuels Russia's war.”

Isa sa mga aktibista ang sumigaw ng, “Bakit tayo bumibili ng uranium sa Russia?” dahil dito, kapwa silang inilabas ng mga tauhan ng seguridad.

Inakusahan ng Greenpeace ang France ng pagpapanatili ng ugnayan sa state nuclear corporation ng Russia, ang Rosatom, sa kabila ng pananakop ng Moscow sa Ukraine, na ngayo’y nasa ikalimang taon na.

Noong 2018, lumagda ang EDF ng France sa isang milyun-milyong kontrata sa Tenex, isang subsidiary ng Rosatom, para sa uranium na dumaan na sa proseso mula sa mga nuclear power plant ng France na ipadadala sa Russia upang muling iproseso at muling pataasin ang konsentrasyon bago muling gamitin sa produksyon ng kuryente.

Ayon sa Greenpeace, humigit-kumulang 15 aktibista ang nakaabala sa pagdating ng mga opisyal sa kaganapan.

“Ang pandaigdigang summit na ito tungkol sa enerhiyang nukleyar ay hindi tumutugma sa kasalukuyang sitwasyon sa mundo, lalo na sa usapin ng tensyong heopolitikal, armadong tunggalian, at sa pagtugon sa climate change,” ayon sa Greenpeace.

Gusto mo ba ang artikulong ito?