Mga Umuusbong na Krisis

Paglalantad sa mga taktika ng propaganda ng Russia

Isang matibay na bagong balangkas na may tatlong haligi ang nagbibigay-daan ngayon upang matunton, mailantad, at malabanan ang lumalawak na mga operasyon ng pagpapalaganap ng maling impormasyon ng Russia.

Isang ulat ng NATO ngayong 2026 ang naglantad sa lawak at mga taktika ng mga operasyon ng pagpapalaganap ng maling impormasyon ng Russia [NATO/nato.int]
Isang ulat ng NATO ngayong 2026 ang naglantad sa lawak at mga taktika ng mga operasyon ng pagpapalaganap ng maling impormasyon ng Russia [NATO/nato.int]

Ayon sa Global Watch |

Mula sa mga pekeng iskandalo tungkol sa Cartier hanggang sa mga organisadong grupo sa Telegram at mga pinalabas na alegasyon ng korapsyon, binabaha ng mga network ng Russia ang Kanluran ng maling impormasyon.

Ginagawa na ngayong posible ng isang matibay na bagong balangkas na may tatlong haligi ang matunton, mailantad, at malabanan ang mga operasyong ito.

Ang propaganda ng Russia ay nagbago na at naging isang sopistikadong pangunahing bahagi ng estratehiya ng Kremlin, na layuning manipulahin ang pananaw ng publiko, guluhin ang mga demokrasya, at pahinain ang tiwala sa mga institusyon sa buong mundo.

Isang mahalagang magkasanib na ulat noong Pebrero 2026 mula sa NATO Strategic Communications Centre of Excellence (StratCom COE) at Centre for Strategic Communications ng Ukraine ang naglantad sa lawak at mga taktika ng mga operasyong ito.

May pamagat na Attributing Russian Information Influence Operations, ipinakilala at sinubok sa pag-aaral ang Information Influence Attribution Framework (IIAF) -- isang praktikal na gamit na pinagsasama ang teknikal, gawi, at kontekstuwal na ebidensya upang matunton ang pinagmulan ng mga kampanya.

Binibigyan ng balangkas na ito ang mga pamahalaan, mga samahang panlipunan, at mga plataporma sa teknolohiya ng mga mapagkakatiwalaang paraan upang matukoy, mailantad, at mas epektibong malabanan ang mga operasyon ng impluwensya ng Russia.

Pagpapatupad ng balangkas

Sinasamantala ng mga kaalyado ng Kremlin ang mga digital na plataporma, maingat na binuong mga naratibo, at koordinadong pagkilos upang maitago ang kanilang partisipasyon.

Kabilang sa mga pangunahing target ang mga sibilyang Ukrainian, mga karatig na bansa ng EU at mga European audience na dati nang may simpatya sa propaganda ng Moscow.

Nagbabala na ang mga awtoridad ng France tungkol sa tumitinding malawakang pagpapalaganap ng maling impormasyon ng Russia na tumatarget sa Europe, isang kampanyang sumasalamin sa mas malawak na estratehiya ng Moscow na samantalahin ang mga hidwaan sa lipunan ng mga bansang kasapi sa NATO.

Tinukoy ng IIAF ang tatlong pangunahing kategorya ng ebidensya para sa kapani-paniwalang pagtukoy ng pinagmulan:

  • Technical evidence: Sinusuri ang mga bakas sa digital na mundo tulad ng IP address, pagpaparehistro ng domain, metadata, imprastraktura ng hosting, at mga SSL certificate. Halimbawa, ang domain fondfbr.ru -- na konektado sa network ni Yevgeny Prigozhin -- ay nagpakalat ng maling pahayag tungkol sa deportasyon ng mga batang Ukrainian. Ang pagsusuri sa Russian registrar nito at sa shared hosting ay naglantad ng mga pattern ng koordinasyon at sinadyang pagtatago ng pagkakakilanlan.
  • Behavioral evidence: Nakatuon sa mga pattern ng aktibidad tulad ng sabayang pag-post sa iba’t ibang plataporma, magkakasabay na pagpapalakas ng mensahe, pagpapanggap, at pagbaha ng mga komento. Ang pagsusuri sa mga pro-Kremlin Telegram channel ay nakatuklas ng magkakaparehong iskedyul ng muling pag-post at koordinadong pakikipag-ugnayan, na nagpapahiwatig ng sentralisadong kontrol.
  • Contextual evidence: Sinusuri ang mga tema ng naratibo, tiyempo ng pagpapalaganap, at kung naaayon sa mga pangyayaring geopolitikal. Ang mga pro-Kremlin na kuwento tungkol sa korapsyon sa Ukraine ay sistematikong pinalakas sa mahahalagang sandali, tulad ng mga pagbisita ni President Zelenskyy sa U.S., upang samantalahin ang kahinaan ng publiko.

Mga halimbawa mula sa aktuwal na kaso

Ginagamit ng ulat ang balangkas sa mga dokumentadong kampanya ng Russia, na naglantad ng pare-parehong mga pamamaraan at layunin ng mga ito.

Isa sa mga kilalang taktika ay ang narrative laundering -- isang prosesong may tatlong hakbang kung saan ang mga gawa-gawang kuwento ay inilalabas sa mga pekeng account, pinalalakas sa iba’t ibang sources, at isinasama sa mga tila lehitimong media upang maitago ang tunay na pinagmulan at mapataas ang kredibilidad.

Isang malinaw na halimbawa ang maling pahayag na gumastos ng $1.1 million sa Cartier ang First Lady ng Ukraine na si Olena Zelenska.

Nagsimula ang kuwento sa isang gawa-gawang Instagram video (na natunton sa isang estudyante sa St. Petersburg na walang koneksyon sa Cartier), ipinakalat sa mga kahina-hinalang account, at kalaunan ay lumabas sa mga outlet na kaalyado ng Russia.

Ipinaliwanag ni Darren Linvill, co-director ng Media Forensics Hub ng Clemson University, ang taktika: “Tulad ng money laundering, sinusubukang ipakita ng narrative laundering na lehitimo ang maling impormasyon.

Kapag ipinapakita na ang maling impormasyon ay galing sa ‘walang kinikilingang source,' mas malaki ang tsansa na paniwalaan ito ng pangkaraniwang publiko"

Isa pang kaso ang sumuri sa mga naratibo tungkol sa korapsyon na itinutulak ng mga pro-Kremlin channel at itinatapat sa mga pangyayaring geopolitikal.

Layunin nitong sirain ang tiwala sa mga institusyon ng Ukraine at pahinain ang suporta mula sa ibang bansa.

Ang ikatlong halimbawa ang naglantad ng isang pekeng kuwento tungkol sa sagupaan ng mga sundalong Georgian at Ukrainian.

Ang magkaparehong teksto at larawan ay lumabas sa hindi bababa sa 17 outlet na konektado sa Kremlin, na lumikha ng ilusyon ng kusang lumakas at kumalat ang mensahe.

Ang mga di-pangkaraniwang pagkakasunod ng paglalathala at pagpapalit ng source ay naglantad ng sentralisadong koordinasyon.

Patuloy na pag-atake

Ang mga operasyon ng impormasyon ng Russia ay hindi lamang pag-atake laban sa mga indibidwal na bansa -- kumakatawan ang mga ito sa tuluy-tuloy na pag-atake laban sa katotohanan, tiwala, at mga prinsipyo ng demokrasya.

Habang lalong nagiging sopistikado ang mga kampanyang ito, ang mga balangkas tulad ng IIAF ang nagbibigay ng mahalagang proteksyon laban sa mga ito.

Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagdodokumento ng mga taktika, nailalantad ng mga analyst ang koordinadong pekeng galaw at natutunton ang bakas ng operasyon sa iba’t ibang kampanya.

May papel ang bawat tumatanggap ng impormasyon.

Ang pagiging mulat, pagsuporta sa independent fact-checking, at paghingi ng pananagutan mula sa mga plataporma at gumagawa ng polisiya ay tumutulong upang patatagin ang lipunan.

Sa huli, ang paglaban sa maling impormasyon ay pagtatanggol sa demokrasya.

Gusto mo ba ang artikulong ito?