Bantay-Krisis

Tubig bilang sandata: Humuhubog sa mga digmaan ng hinaharap

Ang pagkakaantalang diplomatiko sa usapin ng tubig sa Ilog Nile ay masamang hudyat para sa iba pang mga sensitibong lugar sa buong mundo.

Ipinapakita ng malawak na tanawing ito ang Grand Ethiopian Renaissance Dam (GERD) sa Guba, Ethiopia, noong Pebrero 19, 2022. [Amanuel Sileshi/AFP]
Ipinapakita ng malawak na tanawing ito ang Grand Ethiopian Renaissance Dam (GERD) sa Guba, Ethiopia, noong Pebrero 19, 2022. [Amanuel Sileshi/AFP]

Ayon sa Global Watch |

[Ito ang ikatlo sa tatlong-bahaging serye ng imbestigasyon na sumusuri sa heopolitikal at pangkapaligirang krisis na nakasentro sa Grand Ethiopian Renaissance Dam.]

Ang krisis sa Ilog Nile ay hindi isang anomalya -- ito ay isang propesiya. Habang pinanonood ng mundo ang Ethiopia at Egypt na nag-aagawan sa daloy ng Blue Nile, maingat na sinusubaybayan naman ito ng mga nagmamasid sa Timog-silangang Asya, Subkontinente ng India, at Gitnang Silangan.

Ang sigalot tungkol sa Grand Ethiopian Renaissance Dam (GERD) ay nagsisilbing malagim na ehemplo ng isang tunggaliang magtatakda sa ika-21 siglo: ang “digmaan sa likas na yaman,” kung saan ang tubig-tabang ang pumapalit sa langis bilang mahalagang yaman na itinuturing na karapat-dapat ipaglaban hanggang kamatayan.

Ang puwang sa batas na ibinunyag ng GERD -- kung saan maaaring baguhin nang mag-isa ng bansang nasa itaas ng ilog ang daloy ng isang ilog na tumatawid sa mga hangganan -- ay nagpapayanig sa marupok na balangkas ng pandaigdigang batas.

Ipinapakita sa larawang ito na kuha sa himpapawid ang Mekong River sa distrito ng Sangkhom sa hilagang-silangang lalawigan ng Nong Khai, Thailand, na makikita ang Laos sa kanan, noong Oktubre 31, 2019. Sa panahong iyon, ang Mekong River ay lumiit at naging marumi sa Hilagang Thailand dahil sa kakaunting tubig na dumadaloy na iniuugnay sa tagtuyot at isang bagong bukas na dam na daan-daang kilometro ang layo sa itaas. [Lillian Suwanrumpha/AFP]
Ipinapakita sa larawang ito na kuha sa himpapawid ang Mekong River sa distrito ng Sangkhom sa hilagang-silangang lalawigan ng Nong Khai, Thailand, na makikita ang Laos sa kanan, noong Oktubre 31, 2019. Sa panahong iyon, ang Mekong River ay lumiit at naging marumi sa Hilagang Thailand dahil sa kakaunting tubig na dumadaloy na iniuugnay sa tagtuyot at isang bagong bukas na dam na daan-daang kilometro ang layo sa itaas. [Lillian Suwanrumpha/AFP]

Sa loob ng maraming taon, ang “hydro-diplomacy” ay nakabatay sa paniniwalang magtutulungan ang mga bansa sa pamamahala ng mga pinagbabahaging likas na yaman. Ngunit winasak ng pagkakaantala sa usapan sa Nile ang paniniwalang ito. Ipinahihiwatig nito ang isang bago at mas madilim na katotohanan: ang geography ang tadhana, at ang hydrology ang kapangyarihan.

Kung maaring igiit ng Ethiopia ang ganap na soberanya sa ulan na bumabagsak sa kanilang teritoryo, at sa gayo’y baguhin ang mga patakaran sa paggamit ng tubig ng mga bansang nasa ibaba ng ilog, magiging sandata ang ganitong halimbawa para sa mga sistema ng ilog sa buong mundo.

Mga sensitibong lugar sa mundo

Ang epekto ay agad-agad nararanasan sa kahabaan ng Mekong River. Kahawig ito ng sitwasyon sa Nile, ngunit, may makapangyarihang bansa na namumuno. Kinokontrol ng China ang “tore ng tubig” ng Asya sa Tibetan Plateau, ang pinagkukunan ng tubig ng Ilog Mekong. Katulad ng Ethiopia, nagsimula rin ang China sa pagtatayo ng malalaking dam -- 11 sa itaas na bahagi ng ilog.

Ang mga bansang nasa ibaba ng ilog -- Vietnam, Thailand, Cambodia, at Laos -- ay pinagmamasdan ang mga negosasyon sa Nile nang may pangamba. Hinaharap nila ang isang kinabukasan kung saan ang kanilang agrikulturang nakasentro sa bigas ay lubos na nakaasa sa mabuting kalooban ng Beijing.

Hindi tulad ng Nile, walang legal at ipinatutupad na kasunduan sa paghahati ng tubig ang Mekong. Kung mananaig ang paninindigan ng GERD na mas mahalaga ang karapatan ng nasa itaas ng ilog kaysa sa makasaysayang paggamit ng mga nasa ibaba, maaaring harapin ng Mekong Delta ang isang ekolohikal na hatol sa kamatayan -- maaaring pasukin ito ng tubig-alat na sisira sa kakayahang magsaka ng rehiyon.

Mas lalo pang mapanganib ang sitwasyon sa Ilog Indus. Dito, ang “Nile Precedent” ay humaharap sa banta ng nuklear na tensyon. Ang Indus Waters Treaty ng 1960 sa pagitan ng India at Pakistan ay matagal nang itinuturing na pinakamataas na pamantayan ng diplomasya sa tubig, na nakaligtas sa tatlong malalaking digmaan.

Ngunit unti-unting humihina ang tibay na ito. Noong 2025, tumaas ang tensyon nang pansamantalang suspendihin ang mga diplomatic channels kaugnay ng pagbabahagi ng datos.

Pinabibilis ng India, na nasa itaas ng ilog, ang pagtatayo ng mga plantang hydroelectric sa Kashmir. Para sa Pakistan, na umaasa sa agrikultura at nasa ibabang bahagi ng ilog, ang mga proyektong ito ay seryosong banta sa suplay ng pagkain ng bansa.

Malinaw ang pagkakapareho: tulad ng takot ng Egypt na bibigyan ng GERD ang Ethiopia ng kapangyarihang kontrolin ang Nile, natatakot din ang Pakistan na maaaring gamitin ng India ang daloy ng tubig bilang estratehikong panikil sa panahon ng hidwaan.

Kung hindi makakagawa ang pandaigdigang komunidad ng isang legal na kasunduang maipatutupad para sa GERD, ipinapahiwatig nito ang katapusan ng multilateralismo sa tubig. Sinasabi nito sa New Delhi at Islamabad na kapag kaunti ang tubig, wala nang mga patakaran -- tanging kapangyarihan ang mamamayani.

Tahimik na hidwaan

Ipinapakita ng tahimik na digmaan sa tubig sa Horn of Africa na ang mga hidwaan sa hinaharap ay hindi na labanan ng mga ideolohiya, relihiyon, o teritoryo sa tradisyunal na paraan. Ito ay labanan para sa pinakapangunahing pangangailangan ng tao.

Ang pagbabago ng klima ay nagpapalala sa sitwasyong ito. Habang tumataas ang temperatura sa buong mundo, nawawala na ang ‘buffer zone’ na ibinibigay ng inaasahang panahon ng tag-ulan. Ang dati’y permanenteng mga ilog ay nagiging pana-panahong sapa na lamang, at ang tinatawag na "100-taong tagtuyot" ay nangyayari na tuwing sampung taon.

Ang pagtatapos ng konstruksyon ng GERD ay nagsisilbing simbolo ng bagong panahon. Ito ay tagumpay ng teknolohiya at ng determinasyon ng isang bansa, ngunit isa rin itong babala. Ang Ilog Nile, na dati’y nag-uugnay sa mga sibilisasyon, ay naging isang border na dapat ipagtanggol.

Kung hindi magagawan ng paraan ng mundo na maibahagi ang Nile, malabong maligtas ang Mekong, Indus, o Euphrates. Papasok na tayo sa panahon ng Digmaang Tubig, at ang unang pagpapaputok ay naganap na -- nang tahimik, sa pagsasara ng isang pintuan ng dam.

Gusto mo ba ang artikulong ito?