Mga Istratehikong Usapin

Mga misteryosong drone, pinangangambahan sa Belgium

Ang pagdami ng mga nakikitang drone ay nagpasiklab ng matinding hinala na mga propesyonal ang nasa likod nito -- at halos hindi maiiwasang maituro ang Russia.

Isang litratong kuha noong Nobyembre 13, 2025, ang nagpapakita ng isang karatulang may mensaheng “No Drone Zone” sa paliparan ng Brussels, ang pangunahing paliparan ng Belgium, sa Zaventem, sa labas ng kabisera. [Jonas Roosens/AFP]
Isang litratong kuha noong Nobyembre 13, 2025, ang nagpapakita ng isang karatulang may mensaheng “No Drone Zone” sa paliparan ng Brussels, ang pangunahing paliparan ng Belgium, sa Zaventem, sa labas ng kabisera. [Jonas Roosens/AFP]

Ayon sa AFP |

Mula sa mga base militar, paliparan, at isang nuclear power station: ang sunud-sunod na hindi maipaliwanag na paglipad ng mga drone ay nagdulot ng pangamba sa Belgium at nagpasiklab ng takot na maaaring tinitira ng Russia ang bansa.

Noong nakaraang buwan, nagsimulang lumabas ang mga ulat ng drone activity sa mga sensitibong lugar nang mamataan ang mga hinihinalang drone malapit sa ilang base militar sa bansa.

Lumitaw ang mga drone habang nasa mataas na alerto ang Europe, matapos pabagsakin ang mga drone ng Russia sa Poland at maantala ang operasyon ng mga paliparan sa Denmark at Germany dahil sa mga misteryosong paglipad ng mga drone.

Ngayon, tila dumarami na ang ganitong mga insidente, dahilan para ihinto ang air traffic sa pinakamalaking paliparan ng Belgium, magdaos ng agarang pag-uusap ang gobyerno, at magpadala ng suporta ang mga kaalyado sa NATO.

Sa ngayon, tumatanggi ang mga awtoridad ng Belgium -- o hindi nila magawang tukuyin -- kung sino mismo ang responsable.

Sinabi ng mga federal prosecutor na iniimbestigahan nila ang 17 insidente.

“Madalas ay mahirap pa ring matukoy kung ito ay isang lokal na drone pilot na lumalabag sa mga patakaran o isang pagtatangkang manggulo mula sa ibang bansa,” ayon sa mga prosecutor.

Ngunit pagdami ng mga nakikitang drone ay nagpasiklab ng matinding hinala na mga propesyonal ang nasa likod nito -- at halos hindi maiiwasang maituro ang Russia.

Habang tumitindi ang tensyon dahil sa pananakop ng Kremlin sa Ukraine, inakusahan ng Europe ang Moscow ng pagpapalawak ng isang “hybrid war” sa pamamagitan ng pananabotahe, cyberattack, at panghihimasok sa isang grey zone na madaling ipagkaila.

May malinaw na dahilan kung bakit maaaring Belgium ang kasalukuyang pangunahing target.

Sa kasalukuyan, pinag-uusapan ng European Union ang pagpapalabas ng bagong 140-bilyong euro ($162 bilyon) na pautang para sa Ukraine na popondohan mula sa mga frozen asset ng Russian central bank na nasa Belgium.

Bago pa man lumitaw ang mga drone, nagbabala na ang pamahalaan ng Belgium na maaaring ikagalit ng Moscow ang hakbang na ito at mailagay ang bansa sa panganib.

At lalo lamang tumaas ang mga pangambang iyon dahil sa pinakabagong mga kaganapan.

“Ito ay isang hakbang na idinisenyo upang lumikha ng kawalang-katiyakan at pangamba sa Belgium -- ‘huwag ninyong galawin ang mga asset.’ Wala nang ibang interpretasyon dito,” sabi ni Boris Pistorius, Defense Minister ng Germany.

“Nakikita natin ang lahat ng iyon, at ganoon din ang nakikita ng mga Belgian.”

'Pangamba ng mamamayan'

Ayon sa mga analyst, ang mga drone ay mura at epektibong paraan upang guluhin ang isang kalaban.

"Ang mga sinadyang paglipad ng drone ay karaniwang may layuning takutin ang mga mamamayan at sa gayon ay guluhin ang isang bansa. Dagdag pa rito, ginagamit ang mga ito upang suriin kung gaano kahanda at sapat ang mga kagamitan ng iyong kalaban,” sabi ni Manuel Atug, isang security expert at kasapi ng German working group on critical infrastructure.

“Sa ganitong paraan, maaari talagang magdulot ng pinsalang pang-ekonomiya, halimbawa, sa pamamagitan ng pagkaantala ng air traffic.”

Pinalalala pa ng problema ng mga drone ang hirap ng mga awtoridad na tukuyin at harangin ang mga ito, dahil maaaring pakawalan ang mga ito nang mabilis mula kahit saan.

“Sa loob ng maraming taon, may mga lumilitaw na drone kahit saan — sa Germany lamang, may higit 100 drone na natutukoy sa mga paliparan bawat taon,” sabi ni Ulrike Franke, eksperto sa European Council on Foreign Relations.

"May epekto ito kapag maraming naibabalita sa media, at nagiging sentro ito ng pansin. Pabor ito sa mga nagnanais guluhin ang ating mga bansa,” sabi niya.

“Gayunpaman, totoo na sa kasalukuyan ay mas marami na ang ating nakikita, lalo na ang mas malalaking drone at sa itaas ng mga imprastruktura.”

Ilang kaalyado ng Belgium sa NATO, kabilang ang Germany at Britain, ang nagpadala ng mga tauhan at kagamitan upang tumulong, tulad ng ginawa sa Denmark.

Ipinanukala ngayon ni Defense Minister Theo Francken ang panimulang halagang 50 milyong euro ($58 milyon) para sa mga depensa laban sa drone.

Ang European Union naman ay bumubuo ng isang network ng depensa, ngunit malamang nakatuon lamang ito sa mga bansang nasa silangang border at aabutin ng ilang taon bago matapos.

“Hindi posibleng makamit natin ang 100% na seguridad,” sabi ni Franke.

“Gayunpaman, may mga pangunahing lokasyon kung saan dapat ilagay ang mga sistema: sa mga paliparan, nuclear power plant, at mga terminal ng liquefied natural gas. Hindi naman ito komplikado.”

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *