Pandaigdigang Isyu
Ulat: Kumakalat ang digital censorship ng China
Ang paglaganap ng mga sistema ng Geedge Networks ay nagpapakita ng lumalawak na saklaw ng digital authoritarianism ng China sa buong mundo.
![Litrato ng punong-tanggapan ng Geedge Networks sa Beijing. [Geedge Networks]](/gc7/images/2025/09/18/52010-geedge-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Isang pagbubunyag ng mahigit 100,000 internal na dokumento ang naglantad kung paano iniluluwas ng Geedge Networks, isang kumpanyang Chinese na may kaugnayan sa gumawa ng Great Firewall ng China, ang mga censorship at sistema ng pagmamanman sa mga pamahalaan sa Asia at Africa, ayon sa isang ulat.
Ang mga pagbubunyag ay nagpapakita na ang digital authoritarianism ng China ay hindi na lamang limitado sa loob ng bansa, ito ay iniaalok na rin bilang serbisyo sa mga rehimen na nais pangalagaan ang kanilang kontrol sa kanilang populasyon, ayon sa ulat ng Wired.
Ang paglaganap ng mga sistema ng Geedge Networks ay nagpapakita ng lumalawak na saklaw ng digital authoritarianism ng China sa buong mundo. Sa pagbibigay sa mga pamahalaan ng kakayahang magbantay, mag-censor at magkontrol sa daloy ng internet, pinahihintulutan ng Geedge ang pagsupil sa malayang pamamahayag at karapatang sibil.
Pagluwas ng panunupil
Sa sentro ng operasyon ng Geedge Networks ay ang Tiangou Secure Gateway (TSG), isang sistemang nagsisilbi bilang "Great Firewall in a box." Kapag in-install sa mga telecom data center, ang TSG ay nagbibigay-daan sa mga pamahalaan na magbantay, mag-filter, at harangin ang daloy ng internet sa buong bansa. Mahigpit nitong binabantayan ang bawat koneksyon at natutunton ang lahat ng ginagawa ng mga gumagamit, ayon sa mga dokumentong nakalap at sinipi ng Wired.
Ayon sa mga nabunyag na dokumento, nagtatala ang TSG ng metadata, tulad ng mga website na binibisita ng mga tao at ang mga device na kanilang ginagamit, at iniimbak ito sa isang database na tinatawag na TSG Galaxy. Sa pamamagitan ng isang dashboard na tinatawag na Cyber Narrator, nagkakaroon ang mga opisyal ng pamahalaan ng kakayahang maghanap ng partikular na tao o aktibidad. Halimbawa, maaari nilang matukoy kung sino ang pumasok sa mga ipinagbabawal na website, kung kailan ito ginawa, at aling device ang ginamit, ayon sa ulat ng Wired.
Hindi lamang nakatuon ang sistema sa pag-block ng mga website. Ayon sa mga dokumento, kaya nitong sirain ang mga Virtual Private Networks (VPNs), pabagalin ang video streaming, at baguhin pa ang mga hindi naka-encrypt na web page o mga download habang in transit ang mga ito. Sa ilang pagkakataon, nagtatakda rin ito ng mga “reputation score” sa mga gumagamit, at nililimitahan ang kanilang access sa internet kapag hindi nila naaabot ang itinakdang pamantayan.
Ang mekanismo ng digital authoritarianism
Sa Myanmar, binabantayan ng sistema ng Geedge ang milyun-milyong sabay-sabay na koneksyon sa 26 na data center, ayon sa Wired. Matapos ipagbawal ng junta ang VPN, ginamit ang sistema upang harangin ang mga tool na ginagamit sa pag-iwas sa mga limitasyon ng internet. Ipinakikita ng mga nalantad na dashboard na kaya nitong bantayan at sirain ang paggamit ng internet, at lalo nitong pinatibay ang kontrol ng pamahalaan sa daloy ng impormasyon, dagdag pa nito.
Ipinakikita ng Geedge Networks ang isang modelo ng pamamahala na inuuna ang kontrol kaysa kalayaan. Ayon sa Wired, ipinakikita ng mga nabunyag na dokumento na ang mga sistema ng Geedge ay idinisenyo upang umangkop at umunlad. Sa Pakistan, ginamit ng kumpanya ang umiiral na imprastruktura upang ilunsad ang kanilang plataporma, na nagpapakita kung paano nagagamit ang iniluwas na teknolohiya para sa censorship.
Ang ambisyon ng kumpanya ay higit pa sa kasalukuyang operasyon nito, ayon sa ulat. Patuloy na bumubuo ang Geedge ng mga bagong katangian, tulad ng pag-geofence sa ilang gumagamit, paggawa ng relationship graph base sa paggamit ng app, at paglagay ng malware sa internet traffic. Ang mga ito ay nagpapakita ng isang dystopian na larawan sa digital na kontrol, kung saan madaling bantayan at manipulahin ng pamahalaan ang kanilang mga mamamayan.
Laban para sa kalayaan sa internet
Ang mga pagbunyag sa Geedge Networks ay dapat pumukaw sa pandaigdigang komunidad. Ang paglaganap ng digital censorship at sistema ng pagmamanman ay banta sa bukas at malayang internet, na nagpapahina sa demokrasya at karapatang pantao sa buong mundo.
Habang iniluluwas ng China ang kanilang Great Firewall sa buong mundo, nagiging pandaigdigang hamon ang pagtataguyod ng kalayaan sa internet. Kailangan magtulungan ang mga pamahalaan, mga grupo ng karapatang pantao at mga kumpanya ng teknolohiya upang tugunan and paglaganap ng digital authoritarianism at siguraduhing ang teknolohiya ay ginagamit sa pagpapalakas ng tao, hindi ng panunupil.
Maaaring nagsimula ang Great Firewall sa China, ngunit ngayon ay ramdam na ang epekto nito sa buong mundo. Ang tanong: handa bang kumilos ang mundo upang labanan ito?