Pandaigdigang Isyu
UN, nabahala sa ‘eksperimento sa may kapansanan’ sa North Korea
Ikinabahala ng panel ang mga ulat na ang mga babaeng may kapansanan ay isinasailalim sa sapilitang sterilization at abortion.
![Isang screenshot mula sa bidyong ipinalabas ng state television ng North Korea noong Marso 19, 2023, na nagpapakita ng lalaking may kapansanan na tinutulungan ng isang babae. [KCTV]](/gc7/images/2025/09/09/51894-korea_-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Ayon sa isang United Nations committee noong Setyembre 3, may mga mapagkakatiwalaang ulat na ang North Korea ay nagsasagawa ng mga medikal na eksperimento sa mga taong may kapansanan, kabilang ang sapilitang sterilization at pagpatay sa mga sanggol na may kapansanan.
Ayon sa UN Committee on the Rights of Persons with Disabilities, ang naturang mga eksperimento umano ay isinasagawa nang walang malayang pahintulot at sapat na kaalaman sa mga ospital ng mga bata at bilangguan.
"Batay sa mapagkakatiwalaang ulat, isinasagawa ang mga medikal at siyentipikong eksperimento sa mga taong may psychosocial disability at/o intellectual disability,” ayon sa committee.
Ikinabahala nito ang mga ulat na ang mga babaeng may kapansanan ay isinasailalim sa sapilitang sterilization at abortion.
"Lubos na ikinabahala ng committee ang mga mapagkakatiwalaang ulat ng pagpatay sa mga batang may kapansanan, kabilang ang mga kaso ng pagpatay na isinagawa sa mga medical facility na may opisyal na pahintulot,” sabi rito.
Sinabi ni committee member Mara Gabrilli sa mga mamamahayag na iniulat din sa kanila na may mga taong may kapansanan na isinasali sa clinical trials nang walang pahintulot.
Sinabi niya na hinikayat na nila ang Pyongyang na agad gawing labag sa batas ang lahat ng ganitong eksperimento, tiyakin ang independiyenteng pangangasiwa sa mga institusyon at magtatag ng mga mekanismo para sa kompensasyon.
"Sa gitna ng isyung ito ay paalala na ang mga taong may kapansanan ay hindi dapat gamitin sa paggamot o eksperimento, kundi bigyan ng karapatang pantao… karapatan sa integridad ng katawan, awtonomiya, at respeto,” aniya.
'Mababang pagtrato'
Ang ulat ng UN committee sa kilalang saradong bansa ay batay sa impormasyong mula sa mga taong tumakas mula sa bansa, mula sa UN special rapporteur on disability rights na bumisita noong 2017, at sa iba pang mga confidential report.
Ikinalungkot ni Gabrilli ang hindi pagbibigay ng North Korea ng opisyal na datos sa committee, at nang ipinahayag ang kanilang mga pangamba sa Pyongyang, “sinabi ng bansa na ito ay kasinungalingan.”
Ipinahayag ng committee na ang konstitusyon ng North Korea ay hindi tahasang nagbabawal sa diskriminasyon batay sa kapansanan, at ang pagtanggi sa makatuwirang akomodasyon ay hindi itinuturing na diskriminasyon.
Binanggit din nito ang patuloy na stigma at negatibong pananaw ng lipunan laban sa mga taong may kapansanan, pati na rin ang hindi pantay na sistema kung saan ang mga beteranong may pisikal na kapansanan ay binibigyan ng espesyal na benepisyo, samantalang ang iba pang mga taong may kapansanan ay hindi kabilang sa mga serbisyong ibinibigay.
“Ikinabahala ng committee na ang mga taong may kapansanan sa bilangguan ay isinasailalim sa mababang pagtrato, kabilang ang pagkakulong sa isang selda nang mag-isa dahil sa itinuturing na pagsuway o ‘hindi pagiging produktibo,’” ayon sa ulat.
Iminungkahi ng committee sa Pyongyang na “gumawa ng epektibong hakbang upang maiwasan ang mga kaso ng pagpapahirap o malupit, hindi makatao, o mababang pagtrato o parusa laban sa mga taong may kapansanan.”
Dapat din nitong “ipagbawal ang lahat ng medikal at siyentipikong eksperimento sa mga taong may kapansanan.”