Pandaigdigang Isyu

Triangular na diplomasya ng China: Pagpapalawak na impluwensya sa maramihang alyansa

Gumagamit ang China ng pakikipagkasunduan sa maraming bansa upang higit pang mapalawak ang impluwensiya nito sa diplomasya at rehiyon.

Sumama si Chinese Premier Li Qiang (pang-walo mula sa kanan) sa mga lider mula sa ASEAN at mga Gulf state para sa isang group photo sa ASEAN-GCC-China Summit sa Kuala Lumpur noong Mayo 27. [Jam Sta Rosa/AFP]
Sumama si Chinese Premier Li Qiang (pang-walo mula sa kanan) sa mga lider mula sa ASEAN at mga Gulf state para sa isang group photo sa ASEAN-GCC-China Summit sa Kuala Lumpur noong Mayo 27. [Jam Sta Rosa/AFP]

Ayon kay Chen Meihua |

Habang binabawasan ng US ang pagbibigay ng foreign aid, lalo namang kumikilos ang Beijing para makuha ang tiwala ng mga karatig-bansa at palawakin ang impluwensiya nito sa pamamagitan ng pagsasanib ng mga programa sa pag-unlad at multilateral na diplomasya.

Noong Hunyo, pumirma ng kasunduan ang China at Singapore para maglunsad ng "Third Country Training Program" para sa mga opisyal ng ASEAN at Timor-Leste bilang bahagi ng kanilang "All-Round High-Quality Future-Oriented Partnership."

Sa buwan pa ring ito, idinaos ng China ang unang China-Pakistan-Bangladesh Summit kung saan nagkaisa ang tatlong bansa na bumuo ng mekanismo para sa kooperasyong trilateral na tutok sa kalakalan, klima, at imprastraktura.

Lalong pinagtutuunan ng China ang triangular cooperation -- isang uri ng partnership sa pag-unlad kung saan mayroong hindi bababa sa tatlong panig: dalawa o higit pang mga umuunlad na bansa at isang maunlad na bansa o multilateral na organisasyon -- na nagpapakita ng estratehikong pagbabago at inobasyon, ayon sa ulat ng The Diplomat noong Hulyo.

Dumalo sina Chinese President Xi Jinping at iba pang lider sa pagbubukas ng ikatlong Belt and Road Forum sa Beijing noong Oktubre 18, 2023. [Wang Ye/Xinhua via AFP]
Dumalo sina Chinese President Xi Jinping at iba pang lider sa pagbubukas ng ikatlong Belt and Road Forum sa Beijing noong Oktubre 18, 2023. [Wang Ye/Xinhua via AFP]

Sa patuloy na kompetisyon ng China at US, pangunahing layunin ng China ay una, patibayin ang relasyon nito sa mga pangunahing bansa sa rehiyon gamit ang mga agenda sa pag-unlad at pang-ekonomiyang impluwensya; at ikalawa, palakasin ang imahe nito bilang tagapagtaguyod ng multilateralism upang mabago ang mga pandaigdigang institusyon nang pabor sa kanya, ayon sa ulat.

Pagtutulak patungo sa multilateralismo

Noong Abril, ipinatawag ng Beijing ang Central Conference on Work Related to Neighboring Countries, isang bihirang pagpupulong na nakatuon sa foreign policy ng Central Committee ng Chinese Communist Party (CCP), na pinamunuan ni President Xi Jinping.

Ipinakita ng pagpupulong ang bagong pagsisikap upang makuha ang suporta ng mga rehiyonal na katuwang at patatagin ang impluwensiya at kontrol ng China sa mga bansa at rehiyong malapit dito.

Makalipas ang isang buwan, nagdaos ng usapan ang International Department ng CCP kasama ang mga partidong pulitikal mula sa Northeast at Southeast Asia.

Hangad nito na mapalakas ang multilateral na diplomasya at sabay na pasiglahin ang katatagan at pag-unlad ng rehiyon sa pamamagitan ng mas mataas na tiwala, mas malalim na kooperasyon, at paghanap ng mga pagkakasunduan habang isinasantabi ang mga hindi pagkakaunawaan at pinalalakas ang pagkakaisa ng mga partidong politikal sa rehiyon.

Hindi limitado sa tatlong bansa ang tinaguriang triangular cooperation ng China.

Sa ASEAN-China-Gulf Cooperation Council Summit sa Kuala Lumpur, sinabi ni Chinese Premier Li Qiang na ang exchange platform ay “maituturing na mahalagang hakbang sa pagpapasimula ng panrehiyong kooperasyong pang-ekonomiya” at maaaring magbunga ang pagtutulungan ng tatlong panig ng isang “masiglang sona ng ekonomiya.”

Ang kooperasyon ng China sa mga Gulf state at iba pang rehiyon ay "nakabatay sa diwa ng Belt and Road Initiative [BRI]," sabi ni Kristy Tsun-Tzu Hsu, direktor ng Taiwan ASEAN Studies Center sa Chung-Hua Institution for Economic Research, sa Focus, isang sister publication ng Global Watch.

Ang BRI ay isang proyekto ng China upang bumuo ng pandaigdigang imprastraktura na magpapadali sa pagluwas ng mga raw material mula sa mahihirap na bansa papunta sa China.

Abala ang China sa paggawa ng bagong plataporma sa pamamagitan ng trilateral cooperation, para bigyan ng higit pang opsyon ang mga bansang hindi pa handang pumasok sa pormal na alyansa, ayon kay Hsu.

Mga interes ng China

Tungkol sa kooperasyon ng China sa Singapore at Timor-Leste, binanggit ni Hsu na mayroon nang malaking impluwensiya ang China sa Timor-Leste.

Ngayong nag-aalok ito ng mga kurso sa pagpapalakas ng kakayahan at pagsasanay para tulungang makasali ang Timor-Leste sa ASEAN ngayong taon, inaasahan na lalo pa nitong palalalimin ang impluwensiya nito sa rehiyon, ayon sa kanya.

"Masigasig na naghahanap ang China ng mga oportunidad para sa kooperasyon upang pagtibayin ang mga interes nito," ayon kay Ian Chong, isang political scientist sa National University of Singapore, sa panayam ng Focus.

Maaaring makatulong ang ganitong klase ng kooperasyon upang mapalawak ng China ang impluwensiya nito, ngunit hindi lahat ng ganitong hakbang ay may ganoong epekto, aniya.

Ang BRICS organization, na pinamumunuan ng China, ay isang hamon sa United States dahil pinalalawak nito ang impluwensiya ng China sa pamamagitan ng flexible na "Plus" mechanism, sabi ni Hsu.

Ang BRICS ay isang samahan ng mga bansang nakikipagkalakalan sa isa’t isa na ipinangalan sa mga unang kasapi nitong Brazil, Russia, India, China at South Africa.

Halimbawa, umabot na sa 10 ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng BRICS matapos nitong payagan ang mga bansang ASEAN gaya ng Malaysia at Vietnam na sumali gamit ang Plus model.

"Nagbibigay ang modelong ito ng paraan para makilahok ang mga bansa o korporasyon na nag-aatubiling sumali nang direkta ngunit nais pa ring makapasok sa merkado," ayon kay Hsu.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *