Mga Umuusbong na Krisis
Isang bagong cold war: Ang militarisasyon ng Arctic
Ang dating nagyeyelong lupain na halos hindi nasasangkot sa pandaigdigang tunggalian ay mabilis na nagiging isa sa mga pinakamainit at pinakamahalagang pinagtutunggaliang rehiyon sa mundo.
![Bumisita si Pangulong Vladimir Putin ng Russia sa nuclear-powered submarine na Arkhangelsk (Project 885M Yasen-M) sa lungsod ng Murmansk, sa Arctic Circle, noong Marso 27. [Sergei Karpukhin/AFP]](/gc7/images/2025/08/15/51542-russ_sub_arctic-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang Arctic, na dating malawak at mapanglaw na kalupaan ng yelo at katahimikan, ay ngayo’y umuugong sa ingay ng mga makina at sa tahimik na tensiyon ng geopolitics.
Makikita sa mga imahe mula sa satellite ang kalat-kalat na mga bagong runway, mga dome ng radar, at mga base militar na sumisingit sa malawak na puting kapaligiran. Ang lugar na dati’y nagyeyelong lupain at halos hindi nasasangkot sa pandaigdigang tunggalian ay mabilis na nagiging isa sa mga pinakamainit at pinakamahalagang pinagtutunggaliang rehiyon sa mundo.
Ang pagbabagong nagaganap ay kasing linaw at tindi ng mismong tanawin. Bunga ng climate change, natutunaw ang Arctic nang mas mabilis kaysa sa dating inaasahan ng mga siyentipiko.
Ang mga rutang dating hindi madaanan gaya ng Northwest Passage at Northern Sea Route ay nagiging mas madali nang madaanan sa mas mahabang bahagi ng taon. Ayon sa ilang pagtataya, maaaring tuluyang mawala ang yelo sa Arctic Ocean tuwing tag-init pagdating ng 2035, na magdudulot ng malaking pagbabago sa pandaigdigang kalakalan at logistics.
Para sa mga kompanyang pangkargamento, ang mga rutang ito ay nangangako ng bilis at pagtitipid.
Sa ilalim ng permafrost at ng sahig-dagat ng Arctic ay tinatayang may 13% ng hindi pa natutuklasang langis ng mundo at halos 30% ng natural gas nito. Ang mga bihirang mineral -- na mahalaga para sa makabagong elektronika at teknolohiyang malinis sa enerhiya -- ay nananatiling hindi pa naabot at naaani.
Lumalawak na presensya ng militar
Ang mga bansang may border sa Arctic -- Russia, US, Canada, Norway at Denmark (sa pamamagitan ng Greenland) -- ay nag-uunahang igiit ang kani-kanilang karapatan.
Ngunit unti-unti, ginagawa nila ito gamit ang mga barkong pandigma, mga missile system, at mga estratehikong himpilan sa halip na sa pamamagitan ng mga kasunduan at pananaliksik na pang-agham.
Habang natutunaw ang yelo, lumalabo ang dibisyon sa pagitan ng teritoryo na inaangkin ng isang bansa at ng tubig na pandaigdigang pag-aari, at ang mga bansa ay nagpapalakas ng kanilang depensa upang ipagtatanggol ang mga hangganan gamit ang lakas o militar.
Ang estratehikong lokasyon ng rehiyon ay higit pa sa usapin ng kalakalan. Ang Arctic ay nagsisilbing ruta ng mga missile sa pagitan ng mga bansang may sandatang nukleyar -- ang pinakamaikling ruta para sa intercontinental ballistic missiles mula Russia patungong US ay dumadaan mismo sa ibabaw ng North Pole.
Ang mga early-warning radar system, satellite tracking station at mga makabagong pasilidad para sa pagsusubok ng mga sandata ay nagpatindi sa militarisasyon ng Arctic, kung saan nagkakasalubong ang mga usaping pambansang seguridad at layuning pang-ekonomiya.
Ang Russia, na may pinakamalaking border sa Arctic, ang nangungunasa pagbago ng tanawing polar na maging isang pinatibay at militarisadong rehiyon.
Muling inayos ng Kremlin ang dose-dosenang base mula sa panahon ng Soviet, kabilang ang mga pasilidad sa Kola Peninsula at sa kahabaan ng Northern Sea Route.
Ang mga advanced S-400 missile system ay nakabantay sa mga nagyeyelong baybayin, habang ang mga nuclear-powered icebreaker -- na kayang maglinis ng mga daanan ng mga barko buong taon -- ay nagpapatrolya sa dagat ng Arctic. Ang mga submarine na may kakayahang magpakawala ng hypersonic, na nakatago sa ilalim ng polar ice, ay kumakatawan sa pinakabagong teknolohiya sa ambisyong militar ng Moscow.
Itinuturing ng Moscow ang Arctic hindi bilang isang pandaigdigang pinagsasaluhang rehiyon kundi bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan at panangga sa depensa.
Hayagang idineklara ng mga opisyal ng Russia na anumang pagtatangkang labanan ang kanilang pag-aangkin sa Arctic ay sasalubungin nila ng angkop na hakbanging militar. Ang paninindigang ito ay hindi lamang para sa depensa; tungkol din ito sa pagpapatibay ng dominasyon sa mga bagong rutang pangkalakalan at lugar ng pagkuha ng likas na yaman.
Presensya sa Arctic
Bilang tugon, pinatatatag din ng US at mga kaalyado sa NATO ang kanilang presensya. Muling binuhay ng Pentagon ang mga pasilidad mula sa Cold War sa Alaska at Greenland, at nagsasagawa ng pagsasanay sa Arctic warfare at mga operasyong pagmamatyag upang hadlangan ang pag-usad ng Russia.
Ang mga ehersisyo ng NATO gaya ng Cold Response at Trident Juncture ay idinisenyo upang ipakita na hindi basta isusuko ng Kanluran ang kontrol sa Arctic nang walang laban. Ang Arctic Strategy ng militar ng US noong 2024 ay tahasang pinangalanan ang Russia at China bilang pinakamalaking banta sa estratehiya sa rehiyong polar.
Bagama’t hindi kabilang sa mga bansang nasa Arctic, unti-unting ipinakikita ng China ang presensya nito sa mas maingat na paraan. Idineklara ng Beijing na isa itong “near-Arctic state” at naglaan ng malaking pondo para sa imprastrukturang polar. Kabilang dito ang Polar Silk Road, bahagi ng Belt and Road Initiative, na naglalayong tiyakin ang mga rutang pangkalakalan sa Arctic at magtayo ng mga pasilidad para sa pananaliksik -- ilan sa mga ito ay pinaghihinalaan ng mga Kanluraning analyst na maaaring gamitin din para sa layuning militar.
Bagaman iginiit ng China na ang kanilang interes ay purong pang-agham at pangkalakalan, hindi nakakaligtas sa pansin ang mga estratehikong implikasyon ng lumalawak nitong presensya.
Ang militarisasyon ng Arctic ay hindi na isang malayong posibilidad. Nangyayari na ito ngayon, na pinabibilis ng pagbabago ng klima, ambisyong pang-ekonomiya, at pagbabago sa balanse ng kapangyarihan.
Ang dating tahimik at nagyeyelong lupain, ngayon ay nagiging bagong lugar ng pandaigdigang tunggalian -- isang malamig at walang-ingay na chessboard kung saan kasing tindi ng lamig ng dagat ang nakataya.