Mga Istratehikong Usapin

Germany, Norway nangakong paiigtingin ang pagbabantay sa N. Atlantic laban sa banta ng Russia

Nangako ang dalawang bansa na palalakasin ang kanilang 'pagbabantay at kontrol sa mga estratehikong lugar upang tugunan ang mga posibleng banta, kabilang ang mga aktibidad sa dagat at himpapawid.'

Malugod na tinanggap ni German Chancellor Friedrich Merz (kanan) si Norwegian Prime Minister Jonas Gahr Støre para sa isang pagpupulong sa Chancellery sa Berlin noong Hulyo 21. Ang mga kaalyado sa NATO ay nagpasyang paigtingin ang pagbabantay sa northern Atlantic region laban sa mga 'banta' sa dagat at himpapawid kasabay ng tumitinding tensyon sa Russia dahil sa digmaan sa Ukraine. [Odd Andersen/AFP]
Malugod na tinanggap ni German Chancellor Friedrich Merz (kanan) si Norwegian Prime Minister Jonas Gahr Støre para sa isang pagpupulong sa Chancellery sa Berlin noong Hulyo 21. Ang mga kaalyado sa NATO ay nagpasyang paigtingin ang pagbabantay sa northern Atlantic region laban sa mga 'banta' sa dagat at himpapawid kasabay ng tumitinding tensyon sa Russia dahil sa digmaan sa Ukraine. [Odd Andersen/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Ang mga kaalyado sa NATO na Germany at Norway ay nagpasyang paigtingin ang pagbabantay sa northern Atlantic region laban sa mga 'banta' sa dagat at himpapawid kasabay ng tumitinding tensyon sa Russia dahil sa digmaan sa Ukraine.

“Layunin ng Germany at Norway ang pagpapanatili ng katatagan at seguridad sa karagatan, kabilang na ang High North,” ayon sa kanilang pinagsamang pahayag na inilabas noong Hulyo 21 habang tinatalakay ni German Chancellor Friedrich Merz ang usaping seguridad kasama si Norwegian Prime Minister Jonas Gahr Støre sa Berlin.

Muling pinagtibay ng dalawang bansa ang kanilang 'matatag na suporta sa Ukraine habang ipinagtatanggol nito ang kalayaan, soberanya, kasarinlan, at teritoryal na integridad laban sa patuloy na agresyon ng Russia.

Sinabi ng Berlin at Oslo na "ang North Atlantic, kabilang ang napakahahalagang lugar na Greenland-Iceland-United Kingdom (GIUK) at Bear gaps (mga lagusan malapit sa Bear Island), pati na ang mga kalapit na katubigan, at ang mga North at Baltic Sea, ay mahalaga para sa seguridad ng Norway at Germany."

Ayon sa kanila, ito ang dahilan ng magkakatuwang na pagsasanay at pagpapatrolya ng kanilang mga sandatahang lakas sa mga karagatan, at “pakikipagtulungan sa ilalim ng mga Rehiyonal na Plano ng NATO,” dagdag pa ng pahayag.

Noong panahon ng Cold War, masusing binantayan ng NATO ang tinatawag na GIUK Gap, ang mahalagang daanan ng mga submarino at barkong pandigma ng Soviet mula sa mga base sa Arctic patungong Atlantic Ocean.

Sinabi ng Germany at Norway na kanilang palalakasin ang "pagbabantay at kontrol sa mga estratehikong lugar upang tugunan ang mga posibleng banta, kabilang ang mga aktibidad sa dagat at himpapawid."

'Estratehikong pokus'

Ipinahayag nila na bahagi ng kanilang pagtutulungan sa North Atlantic at North Sea ang "pinaigting na pagbabantay sa mga kritikal na imprastrukturang nasa ilalim ng dagat."

Inanunsyo na ng Germany noong unang bahagi ng Hulyo na magsisimula itong magpadala ng mga barkong pandagat upang magpatrolya sa mga katubigan ng Arctic sa gitna ng tumitinding presensyang militar ng Russia at China sa rehiyon.

Ang lumalawak na presensya ng Russia at China sa rehiyon -- na pinatibay ng mga magkasanib na ehersisyong militar at lumalaking impluwensiya -- ay nagbunsod ng panawagan para sa mas matatag na presensyang militar ng US at mga kaalyado nito sa rehiyon.

Isang military think tank na nakabase sa US ang nananawagan sa Pentagon na magtatag ng Arctic Combined Interagency Task Force bilang tugon sa dalawang makapangyarihang bansa at mapangalagaan ang tumataas na estratehikong kahalagahan ng rehiyon.

"Ang ganitong uri ng interagency task force ay maaaring magsilbing tulay upang pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng mga sektor ng operasyon at gawing estratehikong pokus ang Arctic,” isinulat nina William Woityra at Grant Thomas, kapwa kapitan ng US Coast Guard, sa isang artikulong inilathala noong Marso ng US Naval Institute, isang nonprofit na samahang militar na nakatuon sa pambansang seguridad.

Nanawagan ang US Defense Department na maglaan ng mas maraming pondo para sa Arctic upang makasabay sa China at Russia. Sa isang strategy report mula sa Pentagon na inilabas noong Hulyo 2024, hinimok ang mas malaking pamumuhunan para sa pagpapahusay ng mga sensor, komunikasyon, at teknolohiyang pangkalawakan sa rehiyon.

Pinalalakas ng NATO ang depensa nito sa Arctic region, kabilang ang pagsasagawa ng pinakamalaking ehersisyong militar ng Western military alliance mula noong matapos ang Cold War. Sa mga pagsasanay noong Marso 2024, lumahok ang humigit-kumulang 90,000 sundalo mula sa lahat ng 32 bansang kasapi ng NATO at nagsagawa ng simulasyon ng isang pag-atake sa malamig na paligid ng Arctic.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *