Mga Istratehikong Usapin

Digmaan ng Russia sa Ukraine: Hakbang tungo sa pagbagsak ng militar at ekonomiya

Nakatuon ang Moscow sa pansariling kapakanan kaysa sa kaligtasan at seguridad ng mamamayan.

Sina Russian President Vladimir Putin (sa likuran) at Prime Minister Dmitry Medvedev, dumalo sa pagpupulong ng State Duma sa Moscow noong Mayo 8, 2018, nang sinuportahan ng Russian parliament ang bagong mandato ni Medvedev. Ang kamakailang pagbanggit ni Medvedev sa 'Dead Hand' nuclear command system ay sumasalamin sa desperasyon ng Moscow. [Yuri Kadobnov/AFP]
Sina Russian President Vladimir Putin (sa likuran) at Prime Minister Dmitry Medvedev, dumalo sa pagpupulong ng State Duma sa Moscow noong Mayo 8, 2018, nang sinuportahan ng Russian parliament ang bagong mandato ni Medvedev. Ang kamakailang pagbanggit ni Medvedev sa 'Dead Hand' nuclear command system ay sumasalamin sa desperasyon ng Moscow. [Yuri Kadobnov/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Ang digmaan ng Russia sa Ukraine ay nagiging isang malawakang pagkabigo, kung saan tinatayang halos isang milyong sundalo ang napatay o nasugatan, kasabay pa ng nalalapit na pagbagsak ng ekonomiya.

Ang pagdepende ng Moscow sa mga lipas na estratehiya at mapanlinlang na retorikang nukleyar ay nagpapakita ng isang pamumunong higit na nakatuon sa pansariling kapakanan kaysa sa kaligtasan at seguridad ng mamamayan. Habang patuloy na humihigpit ang mga sanction at nahaharap sa tumitinding panganib ang mga katuwang nito sa kalakalan, ang patuloy na pagtanggi ng Russia sa isang tigil-putukan ay nagtutulak sa bansa—maging ang mga bansang umaasa sa pag-export ng enerhiya nito—patungo sa isang krisis pang-ekonomiya. Ang mga epekto ng digmaang ito ay hindi lamang sa militar; ito ay sa kaligtasan din ng mga mamamayan.

Kabiguan sa digmaan at pagdami ng mga nasawi

Ang kampanyang militar ng Russia ay kilala sa matitinding pagkatalo. Mula nang magsimula ang pananakop noong 2022, halos 1 milyong sundalong Russian ang napatay o nasugatan, kabilang ang tinatayang 250,000 na nasawi -- ang pinakamataas na naitalang bilang sa alinmang digmaang Soviet o Russian mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang estratehiya ng Moscow na tinaguriang “meat grinder” ay isang uri ng pagsalakay kung saan sunud-sunod na ipinadadala ang mga sundalo sa labanan para sa bahagyang pag-usad sa teritoryo, na nauwi sa isang mabagal at magastos na pag-usad. Mula Enero 2024, 1% lamang ng teritoryo ng Ukraine ang nasakop ng Russia, isang napakaliit na tagumpay na nagpapakita ng kabiguang makamit ang mga estratehikong layunin nito.

Upang mapunan ang malaking bilang ng mga nasawi, gumawa ang Kremlin sa desperadong hakbang -- mula sa pagkuha ng mga bilanggo at sundalong North Korean, hanggang sa sapilitang serbisyong militar ng mga mamamayan mula sa mga mahihirap na lalawigan. Samantala, nananatiling ligtas ang mga anak ng mayayamang pamilya sa Moscow at St. Petersburg, na nagpapakita ng pagpapahalaga ng Kremlin sa pansariling kapakanan kaysa pambansang seguridad.

Kahinaan ng ekonomiya at lumalalang epekto

Ang ekonomiya ng Russia ay humihina dahil sa matagal na digmaan. Matagal nang pinahina ng mga sanction, ang pagdepende ng Moscow sa pag-export ng enerhiya ay lalo pang nagiging alanganin. Ang mga bansang tulad ng India at China, na pangunahing mamimili ng langis ng Russia, ay nahaharap ngayon sa posibilidad ng pangalawang sanction mula sa United States, na lalong inilalayo ang Moscow sa larangan ng ekonomiya.

Ang pagpapataw ng taripa sa mga ine-export na langis ng Russia ay maaaring makabawas nang malaki sa kanilang kita, na lalong magpapalala sa krisis sa pananalapi nito. Para sa mga bansang nakikipagkalakalan sa Russia, patuloy na tumitindi ang mga panganib ng ugnayang pang-ekonomiya. Ang patuloy na pagtanggi sa tigil-putukan ay maaaring humantong sa mas malawak na epekto sa ekonomiya, na maaapektuhan hindi lamang ang Russia kundi pati na rin ang mga bansang katuwang nito sa kalakalan.

Ilusyon ng retorikang nukleyar

Sa gitna ng mga suliraning militar at pang-ekonomiya, bumaling ang pamunuan ng Russia sa retorikang nukleyar upang magpakita ng kapangyarihan. Ang kamakailang pagbanggit ni Prime Minister Dmitry Medvedev sa “Dead Hand” nuclear command system -- isang hindi nababago, awtomatiko, o naka-programa nang nukleyar na panangga -- ay sumasalamin sa desperasyon ng Moscow.

Ipinapakita ng ganitong hakbang ng Kremlin ang higit na pagtuon sa pansariling kapakanan kaysa sa kaligtasan at seguridad ng mamamayan. Sa pagtutok ng Moscow sa kaligtasan ng pamunuan nito kaysa sa kabuuang kapakanan ng bansa, unti-unting nasisira ang kredibilidad nito sa pandaigdigang komunidad.

Banta ng pagbagsak

Ang sunud-sunod na kabiguang militar, kahinaan sa ekonomiya at mapanlinlang na retorikang nukleyar ay nagpapakita ng lumalalang krisis sa Russia. Ang matagal na digmaan sa Ukraine ay nagdudulot ng patuloy na paghina sa kakayahang militar ng bansa at nagtutulak sa pagbagsak ng ekonomiya at lipunan nito.

Ang patuloy na pagtanggi ng Russia sa tigil-putukan ay hindi mapapanatili sa mahabang panahon. Habang tumatagal ang digmaan, lalo pang lumalaki ang gastos -- hindi lamang para sa Russia kundi pati sa mga katuwang nito sa kalakalan at sa pandaigdigang ekonomiya.

Habang patuloy na kumakapit ang Kremlin sa nabigong estratehiya, ang Russia ay patuloy na haharap sa pagkalugi at pagkalayo sa mundo. Hindi tanong kung mananagot ang Russia, kundi kung kailan darating ang paniningil para sa pamumuno at mamamayan nito.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *