Pandaigdigang Isyu
UK: China ‘patuloy na banta’ sa gitna ng lumalalang paniniktik ng Beijing
Iminumungkahi ng isang ulat ng pamahalaan ang mas mataas na antas ng pakikipag-ugnayan sa China para sa 'layuning pangkalakalan at pamumuhunan' ngunit binibigyang-diin din ang pangangailangang bumuo ng sapat na 'katatagan' laban sa mga banta mula sa naturang bansa.
![Ipinapakita kay British Prime Minister Keir Starmer (gitna) ang isang Hawk T2, ang pangunahing mabilis na jet trainer ng RAF, sa kanyang pagbisita sa RAF Valley sa Anglesey Island, Wales, noong Hunyo 27. Iniutos ni Starmer ang isang ‘audit’ sa ugnayan ng London at Beijing kasunod ng mga ulat tungkol sa paniniktik at mga hakbang ng China upang pahinain ang demokrasya ng Britain. [Paul Currie/AFP]](/gc7/images/2025/07/17/51184-starmer-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Ang paniniktik ng China at mga pagtatangka ng Beijing na pahinain ang demokrasya at ekonomiya ng Britain ay tumaas sa mga nakaraang taon, ayon saisang ulat na inilabas ng pamahalaan ng UK noong Hunyo.
Sinabi ni Foreign Minister David Lammy sa parliyamento noong Hunyo na maglalaan ang Labour administration ng £600 milyon ($804 milyon) para sa pagpapalakas ng mga serbisyo ng intelihensiya bilang tugon sa mga natuklasan.
Iniutos ni Prime Minister Keir Starmer ang isang "audit" sa ugnayan ng Britain at Beijing kasunod ng kanyang pagkapanalo nang may malaking lamang sa pangkalahatang halalan noong Hulyo.
Iminumungkahi ng ulat ang mas mataas na antas ng pakikipag-ugnayan sa China para sa 'layuning pangkalakalan at pamumuhunan' ngunit binibigyang-diin din ang pangangailangang bumuo ng sapat na 'katatagan' laban sa mga banta mula sa Beijing.
"Nauunawaan namin na ang China ay isang sopistikado at patuloy na banta,” ngunit “hindi maaaring hindi makipag-ugnayan sa China,” sabi ni Lammy sa mga miyembro ng parliyamento.
"Tulad ng aming mga pinakamalapit na kaalyado, makikipagtulungan kami at haharap sa hamon kung kinakailangan,” aniya, na nangangakong “hindi kailanman isasakripisyo ang aming pambansang seguridad.”
Paratang ng paniniktik
Nangako si Starmer na isusulong ang isang “patuloy” na ugnayan matapos ipagsigawan ng nakaraang pamahalaang Conservative ang isang “golden era” ng matatag na ugnayang diplomatiko—na kalauna’y lumamig at lalong naging tensyonado.
Inaasahan ni Starmer na makatutulong ang pamumuhunan mula sa China upang maisakatuparan ang kanyang pangunahing layunin na pasiglahin ang ekonomiya ng Britain.
Ngunit ang mga pagtatalo tungkol sa digmaan ng Russia sa Ukraine at sa pagtrato ng Beijing sa mga Uyghur at Hong Kong -- kabilang ang pagkakakulong kay media mogul Jimmy Lai -- ay humahadlang sa pag-ayos ng relasyon.
Sa isang pinagsamang liham na pinangunahan ng Reporters Without Borders, 33 organisasyon mula sa iba't ibang bahagi ng mundo ang sumulat kay Starmer noong Hunyo 24 upang hilingin na makipagpulong siya kay Sebastien, anak ni Lai.
"Bilang isang mamamayang British na dumaranas ng isang napakahirap na pagsubok, nararapat na marinig ni Sebastien Lai nang direkta mula sa iyo kung ano ang ginagawa ng inyong Pamahalaan upang matiyak ang pagpapalaya sa kanyang ama," ayon sa liham, na nilagdaan ng mga grupong kabilang ang Amnesty International UK at Human Rights Foundation.
Ang mga paratang ng paniniktik ay humadlang sa pagtatag ng relasyon sa mga nakaraang taon, kabilang ang ulat na isang negosyanteng Chinese ang nakipag-ugnayan kay Prince Andrew upang magsilbing espiya para sa Communist Party.
Ayon sa ulat, "lumalaganap ang mga insidente ng paniniktik ng China, panghihimasok sa ating demokrasya, at mga tangkang pahinain ang ating seguridad sa ekonomiya sa mga nakalipas na taon."
"Ang aming tugon sa pambansang seguridad ay mananatiling nakaayon sa mga umiiral na banta, palalakasin ang aming depensa at agad tutugon sa pamamagitan ng matitinding kontra-hakbang," ayon sa pamahalaan.
Ang pamahalaan ni Starmer ay inaasahang magpapasya kung pahihintulutan ang kontrobersyal na plano ng Beijing na magtayo ng pinakamalaking embahada nito sa Britain, sa panibagong lokasyon sa London.
Tutol sa proyekto ang mga residente, mga grupong pangkarapatang pantao, at mga kritiko ng China, sa pangambang magagamit ito sa paniniktik at panggigipit sa mga kritiko ng pamahalaan.