Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Hybrid na digmaang pandagat ng Russia nag-udyok sa NATO na tutukan ang shadow fleet
Ayon sa mga security analyst, nagpapatakbo ang Russia ng daan-daang barko upang makaiwas sa mga sanction na ipinataw ng mga bansa sa Kanluran kaugnay ng pag-export nito ng langis sa gitna ng digmaan sa Ukraine.
![Isang freighter ang makikita habang ang isang crew member ay tumitingin gamit ang binoculars mula sa bridge deck ng barkong pandigma na HMS Carlskrona (P04), sa karagatang malapit sa Karlskrona, Sweden noong Pebrero 4. Bahagi ito ng misyon ng NATO sa Baltic Sea na tinatawag na Baltic Sentry, na naglalayong protektahan ang mahahalagang imprastrakturang nasa ilalim ng dagat. [Stefan Sauer/DPA Picture-Alliance via AFP]](/gc7/images/2025/07/11/51065-nato_baltic-370_237.webp)
Ayon sa AFP and Global Watch |
Labing-apat na bansa mula sa Northern Europe ang nagkaisang paigtingin ang kanilang pagtutulungan upang labanan ang tinatawag na “shadow fleet” ng Russia, mga barkong ginagamit umano ng Moscow upang makalusot sa mga sanction at maipagpatuloy ang pagbebenta ng langis, ayon sa pahayag ng Danish Foreign Ministry.
Ang mga kinatawan ng Belgium, Denmark, Estonia, Finland, France, Germany, Iceland, Latvia, Lithuania, the Netherlands, Norway, Poland, Sweden at ng United Kingdom ay nagpulong upang pag-usapan ang isyu noong Hunyo 19, ayon pa sa pahayag ng Danish Foreign Ministry.
"Sumang-ayon kami na lalo pang paigtingin ang aming pagtutulungan at tiyakin ang isang magkakaugnay at sama-samang hakbang ng aming mga pambansang awtoridad upang tugunan ang isyu sa shadow fleet ng Russia," sabi ng pahayag.
Ang mga bansa ay nagkasundong "bumuo ng isang gabay na nakabatay sa internasyonal na batas upang itaguyod ang responsableng kilos sa dagat, paigtingin ang pagsunod sa internasyonal na batas at tiyakin ang transparency sa lahat ng maritime operations."
Ayon sa mga security analyst, daan-daang barko ang pinatatakbo ng Russia upang umiwas sa mga sanction na ipinataw sa langis nito mula nang magsimula ang digmaan sa Ukraine.
Inilunsad ng Russia ang malawakang pananakop sa kalapit nitong bansa noong Pebrero 2022.
Noong nakaraang taon, ilang mga submarine cable sa Baltic Sea ang nasira sa hindi maipaliwanag na dahilan, na itinuring ng maraming analyst bilang bahagi ng tinatawag na “hybrid war” ng Russia laban sa mga Kanlurang bansa.
Operasyon 'Task Force X'
"Kung ang mga barko ay walang wastong bandila habang nasa Baltic Sea at North Sea, kami ay kikilos nang naaayon sa umiiral na batas internasyonal," ayon sa pahayag.
"Ang mga barkong walang kinikilalang bansa, kabilang na ang mga nagpapanggap na rehistrado sa mga bansang taglay nila ang bandila ngunit wala namang lehitimong flag state, kaya’t wala silang parehong karapatan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, dagdag pa nito.
Noong Enero, inanunsyo ng NATO ang pagpapadala ng mga barko, eroplano, at drone bilang tugon sa nasirang mga submarine cable sa Baltic Sea, ngunit nangangailangan ito ng maraming tauhan at kagamitan.
Bilang tugon sa patuloy na banta, nais ng NATO na palakasin ang fleet ng mga unmanned surveillance ship nito sa Baltic Sea sa ilalim ng operasyong “Task Force X.”
Hindi lamang sa Baltic Sea nararamdaman ang banta ng Russia. Ang mga opisyal ng Kanluran ay lalong nababahala sa paglawak ng mga undersea operation ng Moscow sa mas malaking katubigan ng Europa.
Noong Abril, iniulat ng British newspaper na The Times na pinalakas ng Russia ang mga lihim nitong aktibidad sa Atlantic Ocean, nag-deploy ng mga spy submarine at mga specialized research vessel upang mag-install ng mga underwater sensor -- na posibleng nakatuon sa pagsubaybay sa nuclear submarine fleet ng United Kingdom.
Ngunit ang mga alalahanin tungkol sa mapanirang aktibidad sa ilalim ng dagat sa rehiyon ay hindi limitado sa Moscow. Noong Nobyembre, sinisi ng mga observer ang isang barkong Chinese sa pagputol ng mga mahahalagang data cable na nag-uugnay sa Germany sa Finland at Lithuania sa Sweden -- isang insidente na nagdulot ng bagong alarma tungkol sa kahinaan ng imprastraktura sa Northern Europe.
Sinadyang itago ang mga aktibidad
Noong Oktubre 2023, ang Newnew Polar Bear, isang container ship ng Hong Kong na naglalayag mula Russia, ang nakasira sa isang pangunahing gas pipeline sa Baltic Sea at dalawang telecom cable sa pagitan ng Estonia at Finland matapos sumabit ang angkla nito -- na nagpalakas sa hinalang ito ay sinadyang sabotahe na ikinubli bilang aksidente sa dagat.
Ang paghihigpit ng NATO at European Union sa shadow fleet -- na nakadepende sa malabong pagmamay-ari at mga flag of convenience at madalas na nagpapatakbo nang nakapatay ang mga tracking system -- ay naging sanhi ng 76% na pagbaba sa mga Russian crude oil export mula noong inilunsad ng Russia ang full-scale invasion nito tatlong taon na ang nakalipas.
Malaki ang nabawas sa kakayahan ng Russia na tustusan ang tatlong taon nitong digmaan sa Ukraine.
Ang fleet ay pangunahing binubuo ng mga lumang tanker, madalas na biniling segunda-mano at nakarehistro sa ilalim ng mga flag of convenience tulad ng sa Gabon, Cook Islands, o iba pang jurisdiction na hindi nagpapatupad ng mga sanction o mga standard safety regulation. Marami rito ay pag-aari ng mga kompanya na nakabase sa United Arab Emirates o Seychelles, at ang ilan ay sa state-run Sovcomflot shipping company ng Russia.
Upang maiwasan na madiskubre, marami sa mga barkong ito ay nag-deactivate ng kanilang Automatic Identification Systems, na mga beacon na kinakailangan upang maiwasan ang mga banggaan at masubaybayan ang paggalaw ng barko. Sa paggawa nito, lalo pang naitatago ang kanilang mga aktibidad.