Mga Istratehikong Usapin
Mga bitak sa baluti: Paglilinis sa militar ni Jinping at tanong sa kontrol
Ang dalas ng mga paglilinis ay nagpapahiwatig ng mas malalim na suliranin: hindi matatag ang katapatan ng mga tauhan kay Xi.
![Binabati ni Chinese President at Communist Party chief Xi Jinping, na siya ring chairman ng Central Military Commission ng bansa, ang mga senior officer at mga kinatawan ng mga sundalo at sibilyang kawani ng PLA na nakaistasyon sa Lanzhou, Gansu province, noong Setyembre 12. [Li Gang/Xinhua via AFP]](/gc7/images/2025/06/30/51000-xi-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang kamakailang pagtanggal ng China sa ilang matataas na opisyal ng militar, kabilang sina Gen. Miao Hua, Vice Adm. Li Hanjun at ang nuclear scientist na si Liu Shipeng, ay isang panibagong kabanata sa malawakang kampanya ni Pangulong Xi Jinping sa sektor ng depensa at seguridad ng bansa.
Bagamat ipinipresenta ito bilang bahagi ng kampanya kontra korapsyon, ang lawak at dalas ng mga hakbang na ito ay nagbubunsod ng malalalim na katanungan kung gaano katatag ang kontrol ni Xi sa militar at ang katapatan ng PLA.
Ang paglilinis: isang padron ng pagpapatatag ng kapangyarihan
Mula nang maupo sa kapangyarihan noong 2012, hindi lubos ang tiwala si Xi sa militar, na kanyang sinisisi sa katiwalian at kawalan ng disiplina sa loob ng PLA. Ilang dosenang heneral, kabilang ang dalawang dating defense minister, ang inalis o pinarusahan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Si Miao, na minsang naging pinakabatang heneral sa hanay ng militar ng China at pangunahing tagapangasiwa ng ideolohiya ng Communist Party sa loob ng PLA, ang pinakahuling mataas na opisyal na tinanggal sa pwesto.
Ang mabilis na pag-angat ni Miao sa ilalim ng pamumuno ni Xi, kasunod ng kanyang biglaang pagbagsak, ay nagpapakita ng kasalimuutan at pagiging delikado ng kapangyarihan sa loob ng militar ng China. Ang pagtanggal sa kanya, kasama si Vice Adm. Li at si Liu, ay nagpapahiwatig ng malalalim na suliranin sa PLA.
Gayunpaman, ang madalas na paggamit ng “matinding paglabag sa disiplina” bilang pinagandang tawag para sa korapsyon ay nagbubunsod ng pagdududa. Maraming mga kritiko ang nagtatanong kung totoong nais bang puksain ni Xi ang katiwalian o kung ginagamit lang ito para patahimikin ang mga tumutuligsa at patatagin ang kanyang kapangyarihan.
Katapatan o takot?
Paulit-ulit na binibigyang-diin ni Xi ang kahalagahan ng katapatan sa mga opisyal ng PLA, na iniuugnay sa layunin ng Communist Party na gawing moderno ang militar at palawakin ang impluwensya nito sa buong mundo. Pero ang madalas na paglilinis sa militar ay nagpapakita ng mas malalim na pangamba -- na ang katapatan sa hanay ay hindi kasing tibay ng inaasahan ni Xi.
Ang pagtanggal sa mga matataas na opisyal ay nagbubunsod ng tanong kung tunay bang nakaayon ang pamunuan ng PLA sa pananaw ni Xi.
Maaaring may mga grupo sa loob ng militar na patuloy na tumututol sa kanyang sentralisadong pamumuno. O baka naman napakalaganap na talaga ng korapsyon kaya pati mga kakampi ni Xi ay kailangang tanggalin sa kanilang pwesto.
Mahinang pamumuno
Ang epekto ng mga paglilinis na ito ay lumalampas sa pulitika sa loob. Ang militar na palaging minamanmanan at nirereorganisa ay nanganganib mawala ang pagkakaisa at kahusayan sa operasyon. Para sa bansang may ambisyong maging superpower, ang ganitong kawalang-katatagan ay maaaring magbunga ng malawakang epekto.
Bukod pa rito, ang pagtanggal kay Liu, isang deputy chief engineer sa nuclear program ng China, ay nagpapahiwatig ng posibleng kahinaan sa mahahalagang sektor.
Ang pagkakaroon ng korapsyon o hindi pagkakasundo sa ganitong kataas na antas ay masamang indikasyon sa integridad ng estratehikong kakayahan ng China.
Problema ng isang diktador
Maaaring magdulot ng pansamantalang kontrol ang agresibong konsolidasyon ng kapangyarihan ni Xi, ngunit inilalantad din nito ang panganib ng isang sistemang nakasalalay lamang sa sentralisadong awtoridad. Ang sistemang umaasa sa madalas na paglilinis upang mapanatili ang kaayusan ay salat sa natural na katatagan.
Ngayon, marami ang nagtatanong kung hanggang kailan gagamitin ni Xi ang ganitong estratehiya bago tuluyang lumaki pa ang mga bitak sa kanyang baluti sa puntong hindi na ito kayang balewalain.
Ang pagtutok ay hindi lamang sa mga naalis na opisyal, kundi sa mas malawak na implikasyon nito sa hinaharap ng militar at pulitika ng China.
Maaaring hinihigpitan ni Xi ang kanyang kapit sa kapangyarihan, pero maaaring ang mismong sistema ang nahihirapang panatilihin ang pagkakaisa dahil sa bigat ng sarili nitong mga kontradiksyon.
Ang kasagutan sa mga tanong na ito ang huhubog hindi lamang sa landas ng China kundi pati sa papel nito sa mundo.