Mga Istratehikong Usapin
'Nakakalokong' presyo, pahirap sa mga Russian sa gitna ng digmaan at sanksiyon
Naputol ang mga supply dahil sa mga sanksiyon ng Kanluran at umalis ang dose-dosenang consumer brand sa bansa, habang lumalagpas na sa 10% ang antas ng inflation.
![Isang tindero ang nag-aalok ng mga gulay sa pamilihan sa Moscow noong Hunyo 10. [Alexander Nemenov/AFP]](/gc7/images/2025/06/17/50777-russia_inflation-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
MOSCOW -- Si Roman Paltievich, isang retiradong Russian, ay nakatitig sa mga presyo ng aprikot, kamatis, at pakwan na nakasalansan sa mga pwesto sa pamilihan sa Moscow -- mga pagkain na ngayon ay mahirap na niyang maisama sa kanyang budget.
"Nakakaloko ang mga presyo," sabi ng 84 anyos na si Roman, na nagpahayag na hindi na niya kayang bumili ng mga cherry -- pati na ang patatas, isang pangunahing pagkain, na ngayon ay triple ang itinaas kumpara noong nakaraang taon.
Tatlong taon nang inilunsad ng Russiaang digmaang militar laban sa Ukraine na nagdulot ng pagtaas ng inflation sa loob ng bansa, isang malaking hamon para sa Kremlin na nagsusumikap na protektahan ang mga Russian mula sa mga epekto ng kanilang kampanya.
Tumawid sa 10% ang antas ng Inflation
Naputol ang mga supply dahil sa mga sanksiyon ng Kanluran at umalis ang dose-dosenang consumer brand sa bansa, habang lumalagpas na sa 10% ang antas ng inflation.
Samantala, ang matinding kakulangan sa manggagawa na dulot ng malawakang pag-recruit ng hukbong sandatahan at mga tagagawa ng armas ay nagresulta sa pagtaas ng sahod at presyo.
Ibinaba ng Bangko Sentral ng Russia noong Hunyo 6 ang mga interes mula sa pinakamataas na antas sa loob ng dalawang dekada, na sinasabing ang inflation -- kabilang ang pagtaas ng presyo ng pagkain -- ay unti-unti nang nakokontrol.
Ngunit para sa maraming Russian na nahihirapan, hindi ganoon ang kanilang nararamdaman.
Nasa tabi ni Paltievich ang kanyang asawa na si Tatyana, habang bitbit ang isang maliit na basket ng mga strawberry -- isang espesyal na pasalubong para sa kanilang mga apo na nagkakahalaga ng 400 RUB ($5).
"Nalampasan namin ang 1991, kaya wala na kaming kinatatakutan ngayon,” sabi niya nang buong tapang, na tumutukoy sa pagbagsak ng Soviet Union at ang sumunod na gulo sa ekonomiya.
Pagpupuno ng ref
Marami rin sa mga namimili sa Preobrazhensky market sa Moscow ang nababahala sa mataas na presyo.
“Pumunta ako rito para bumili ng manok para sa apo ko. Mas mahal kasi sa mga supermarket, kaya hindi na ako bumibili doon,” sinabi ni Nikolai Kucherov, isang 62 anyos na freelance artist, sa panayam ng AFP.
"Kinailangan kong kalimutan ang pagbibiyahe. Sa nakalipas na tatlo o apat na taon, ang iniisip ko na lang ay kung paano punuin ang ref,” aniya.
Nakikinabang ang ilan sa gastusing militar
Ang malaking pagtaas ng gastusing militar ay nakatulong sa Moscow na protektahan ang ilan sa mga Russian mula sa matinding epekto ng inflation at mga sanksiyon.
Si Engineer Konstantin Zelenkov, 38 anyos, ay isa sa mga nakinabang sa pagtaas ng sahod kasabay ng pagtaas ng gastusin ng gobyerno.
"May mga bagay na tumataas ang presyo, pero tumataas din ang sahod, kaya halos pareho lang,” sinabi niya sa AFP.
Itinuro rin ni Central Bank chief Elvira Nabiullina ang pagtaas ng mga sahod, at noong Hunyo 6 ay sinabi niyang nagsisimula nang bumagal ang inflation, bagaman nananatiling higit ito sa 4% na target ng institusyon.
"Ang mataas na interes ay nagdulot ng matinding pagbagal sa pagtaas ng inflation,” sabi niya sa mga reporter.
Sa kabuuan, “ang bilis ng pagtaas ng presyo ng pagkain ay bumagal,” dagdag pa niya.
Presyo ng patatas at tinapay patuloy ang pagtaas
Ngunit kamakailan lamang ay napilitan si Pangulong Vladimir Putin na tugunan ang mga pangamba hinggil sa kakulangan ng patatas na naging sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pagkain.
Para sa marami sa Russia, tila walang katapusan ang pagtaas ng mga presyo.
"Nagsisimula pa lang sa tinapay, unti-unti nang tumataas ang presyo ng mga bilihin," ani Irina Yakovleva, 68 anyos.
"Kailangan na lang naming magtipid," dagdag niya.