Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Germany: Nangakong magtatag ng pinakamalakas na hukbong militar sa Europa sa gitna ng banta ng Russia
Ang desisyon ay bunga ng lumalalang pangamba sa Europe na maaaring hindi lang sa Ukraine gamitin ng Kremlin ang mga ambisyong militar.
![Mga sundalong German na nakalinya sa unang roll call at panunumpa ng Home Guard Regiment 5 ng Bundeswehr sa Ohrdruf, Germany, noong Mayo 8. [Martin Schutt/DPA/dpa Picture-Alliance via AFP]](/gc7/images/2025/05/21/50506-pledgeofthebundeswehrshome-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch at AFP |
Nangako si German Chancellor Friedrich Merz na magtatatag ng “pinakamalakas na tradisyunal na hukbong sandatahan” sa Europa -- isang hakbang na itinuturing niyang mahalaga sa pagtatanggol ng kontinente habang nagpapatuloy ang digmaan sa Ukraine -- habang naghahanda ang NATO sa posibilidad ng mas malawak pang agresyon mula sa Russia.
“Ito ay nararapat para sa bansang may pinakamalaking populasyon at pinakamalakas na ekonomiya sa Europa,” sabi ni Merz sa Bundestag, ang mababang kapulungan ng parliyamento, noong Mayo 14 sa kanyang unang malaking talumpati bilang Chancellor. “Inaasahan din ito ng ating mga kaibigan at kaalyado. Sa katunayan, halos hinihingi na nila ito.”
Ang pahayag ni Merz ay ginawa sa gitna ng lumalalang pangamba sa buong Europa na maaaring hindi lang sa Ukraine gamitin ng Russia ang mga ambisyong militar.
Isang ulat mula sa Danish Defense Intelligence Service (DDIS) noong Pebrero ang nagbabala na ang Russia ay naghahanda para sa isang posibleng digmaan laban sa NATO -- kahit na wala pang pormal na desisyong inilalabas mula sa Moscow.
![Makikita si German Chancellor Friedrich Merz habang nagbibigay ng kanyang unang pahayag sa Bundestag, ang mababang kapulungan ng parliyamento ng Germany, noong Mayo 14. [John MacDougall/AFP]](/gc7/images/2025/05/21/50491-german_army8-370_237.webp)
“Itinuturing ng Russia na sila ay nasa tunggalian laban sa Kanluran at naghahanda para sa digmaan laban sa NATO,” ayon sa ulat.
Bagaman tinatayang hindi sabay na haharapin ng Russia ang Ukraine at NATO, nagbabala ang DDIS na kapag natapos o napahinto ang mga labanan sa Ukraine, maaaring mabilis na ililipat ng Moscow ang mga sundalo at kagamitan nito papunta sa silangang bahagi ng NATO..
Pagtatama sa kakulangan ng pondo ng militar
Ang suporta sa militar at ekonomiya mula sa China, Iran, at North Korea ay nagbibigay kakayahan sa Russia na ipagpatuloy ang digmaan sa Ukraine habang naghahanda rin para sa mga posibleng bagong labanan, ayon sa ulat.
Maaaring magpasimula ang Kremlin ng isang panibagong lokal na labanan sa karatig-bansa sa loob ng anim na buwan matapos ang digmaan sa Ukraine, babala nito. Hindi ipinagwawalang-bahala ng mga lider sa Europaang ganitong posibilidad.
Bilang tugon, inilatag ni Merz ang malawakang plano upang itama ang deka-dekadang kakulangan ng pondo ng militar ng Germany.
Aprubado na ng kanyang pamahalaan ang paggamit ng isang "bazooka" o dambuhalang pondong nagkakahalaga ng daan-daang bilyong euro bilang pandagdag sa depensa at imprastraktura, sa ilalim ng piskal na planong ipinasa ng nakaraang parliyamento.
“Ang pagpapalakas sa Bundeswehr [ang sandatahang-lakas ng Germany] ang aming pangunahing prayoridad,” aniya. “Ibibigay ng German government ang lahat ng kinakailangang pondo upang maging pinakamalakas na tradisyunal na hukbo sa Europa.”
“Ang lakas ay pumipigil sa mga mananakop, habang ang kahinaan ay nag-aanyaya ng pananakop,” dagdag pa niya.
Nangako rin si Merz ng mas aktibong papel ng Berlin sa Europe sa larangan ng diplomasya at seguridad sa gitna ng tumitinding tensyon sa pandaigdigang pulitika.
“Ang sinumang seryosong naniniwalang makukuntento ang Russia sa panalo sa Ukraine o sa pagsakop ng ilang bahagi nito ay nagkakamali,” aniya.
‘Akuin ang mas malaking responsibilidad’
Ang malawakang pananakop ng Russia sa Ukraine mahigit tatlong taon na ang nakalilipas ang naging dahilan upang kumilos ang center-left na dating Chancellor na si Olaf Scholz.
Ipinahayag niya ang €100 bilyon ($112 bilyon) na karagdagang pondo para sa depensa, na tumulong sa Germany na maabot ang target ng NATO na 2% ng GDP.
Balak ng bagong pamahalaan na ipagpatuloy ito sa pamamagitan ng pagbawas sa burukrasya, pagpapabilis sa pagbili ng kagamitang militar, at pagpaparami ng mga sundalo.
Upang matugunan ang kakulangan sa tauhan, inanunsyo ni Merz ang pagtatatag ng “bago at kaakit-akit na boluntaryong serbisyo militar.”
Dagdag pa ni Defense Minister Boris Pistorius, bagamat boluntaryo ito sa simula, maaaring isaalang-alang ng pamahalaan ang ibang opsyon kung hindi matupad ang target sa recruitment.
“Ang layunin natin ay isang Germany at Europe na sapat ang lakas na magkasama, upang hindi na natin kailanman kailanganing gumamit ng armas,” pagtatapos ni Merz. “Upang makamit ito, kakailanganin nating akuin ang mas malaking responsibilidad sa loob ng NATO at EU [European Union]."
Gayunpaman, nananatili pa rin ang mga seryosong hamon.
Ang sandatahang lakas ng Germany ay patuloy na binabatikos dahil sa mga ulat ng sirang kagamitan at mababang antas ng kahandaan, habang aabutin pa ng ilang taon bago magbunga ang mga malalaking kontrata sa depensa. Patuloy pa ring kinakaharap ng militar ang problema ng “kulang sa lahat ng bagay,” ayon sa babala kamakailan ni Parliamentary Commissioner Eva Högl.