Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Germany, palalakasin ang hukbo sa gitna ng tensyon laban sa Russia
Sakaling magkaroon ng digmaan, awtomatikong ibabalik ang conscription na sinuspinde noong 2011, ibig sabihin ay maaaring ipatawag ang mga kalalakihang edad 18 hanggang 60.
![Si German Federal Chancellor Friedrich Merz ay nakipag-usap sa mga sundalo nang bumisita sa frigate na pang-submarine hunt na “Bayern,” habang nasa training cruise sa Baltic Sea noong Agosto 25. Pinanood ni Merz ang iba’t ibang pagsasanay sa sea supply, anti-aircraft at anti-submarine na pakikidigma at sa depensa laban sa missile attack. [Jens Büttner/dpa Picture-Alliance via AFP]](/gc7/images/2025/09/04/51800-ger_merz-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Inaprubahan ng gabinete ng Germany ang mga hakbang upang palakasin ang pagre-recruit ng sandatahang lakas at patibayin ang kahandaang militar sa harap ng tumitinding tensyon sa pagitan ng NATO at Russia.
Noong Agosto 27, inilarawan ni Chancellor Friedrich Merz ang Russia bilang "pinakamalaking banta sa kalayaan, kapayapaan at katatagan sa Europe” at iginiit na dapat magkaroon ang Germany ng “pinakamalaking tradisyunal na hukbo sa Europe sa loob ng NATO."
Ayon kay Defense Minister Boris Pistorius, layunin ng recruitment drive na makahikayat ng mga volunteer sa Bundeswehr, ngunit kasama rin sa panukala ang probisyon para sa sapilitang serbisyo sakaling kulangin ang mga sundalo sa mga darating na taon.
Mula Enero 1, isang questionnaire ang ipadadala sa lahat ng kabataang lalaki at babae sa Germany upang suriin ang kanilang kakayahan, kasanayan, at interes sa paglilingkod, ayon sa isang draft na batas na kailangan pang aprubahan ng parlyamento.
Habang obligado para sa mga lalaki ang pagsali, boluntaryo naman ito para sa mga babae.
Mula Hulyo 1, 2027, ang mga 18-taong-gulang na lalaking German ay kailangang sumailalim sa medikal na pagsusuri, kahit na hindi nila piliing magboluntaryo sa serbisyo militar.
Ang layunin ay bumuo ng isang pambansang “ulat sa kalagayan” tungkol sa kahandaan ng militar.
Sakaling magkaroon ng digmaan, awtomatikong ibabalik ang conscription na sinuspinde noong 2011, ibig sabihin ay maaaring ipatawag ang mga kalalakihang edad 18 hanggang 60.
Sa kasalukuyan, may humigit-kumulang 182,000 sundalo ang Bundeswehr at 49,000 na reservist. Layunin ni Pistorius na magkaroon ng hindi bababa sa 260,000 sundalo at 200,000 reservist, alinsunod sa target ng NATO.
Ang recruitment drive ay binuo ng mga kampanya sa social media at nag-aalok ng sahod na hindi bababa sa 2,300 euro ($2,660) bawat buwan, kasama ang libreng healthcare at iba pang karagdagang benepisyo.
Bagong konseho ng seguridad
Ginawang pangunahing prayoridad ni Merz ang pagpapalakas ng militar ng Germany sa gitna ng tumitinding tensyon sa Russia at matapos magduda si US President Donald Trump sa hinaharap ng seguridad ng America para sa Europe.
Ang hakbang na ito ay naganap rin sa gitna ng tumitinding pangamba sa Europe na posibleng palawakin ng Russia ang kanilang ambisyong militar sa ibang bansa bukod sa Ukraine.
Isang ulat mula sa Danish Defense Intelligence Service (DDIS) noong Pebrero ang nagbabala na naghahanda ang Russia para sa posibleng digmaan laban sa NATO -- kahit na wala pang pormal na desisyon mula sa Moscow.
"Itinuturing ng Russia ang sarili bilang kalaban ng mga taga-Kanluran at naghahanda sila para sa digmaan laban sa NATO," ayon sa ulat.
Ayon sa DDIS, malabong harapin ng Russia ang Ukraine at NATO nang sabay, nagbabala ito na kapag huminto o natapos ang labanan sa Ukraine, maaaring mabilis na ilipat ng Moscow ang mga sundalo at kagamitan sa silangang hangganan ng NATO.
Sa ibang bahagi ng Germany, binuksan ng tagagawa ng armas na Rheinmetall noong Agosto 20 ang pinakamalaking planta ng munitions sa Europe, kasama sa mga dumalo bilang panauhin sina Pistorius, Finance Minister Lars Klingbeil, at NATO chief Mark Rutte.
Sumasakop sa 30,000 metro kwadrado (323,000 square feet) -- halos katumbas ng limang football field -- ang pabrika sa Unterluess sa hilagang Germany, na inaasahang makagagawa ng 350,000 artillery shells kada taon pagsapit ng 2027.
Kasabay nito, inaprubahan ng gabinete ang isang bagong pambansang konseho ng seguridad na itinalaga upang suriin ang pandaigdigang kalagayan ng seguridad at bumuo ng mga hakbang ng Germany bilang tugon.
“Magiging sentrong plataporma ng pamahalaan ang bagong konseho para sa mga pangunahing isyu ng pambansang seguridad,” ani Merz.
Inanunsyo rin ng mga ministro ang mga bagong hakbang upang higit pang maprotektahan ang sandatahang lakas laban sa drone surveillance, sabotahe, at iba pang banta.
Ang military police ay bibigyan ng mas malawak na kapangyarihan upang imbestigahan at tanungin ang mga suspek kahit sa labas ng mga baraks ng sandatahang lakas.
At bibigyan ng mas malaking kapangyarihan ang military intelligence service para sa aktibidad ng kontra-paniniktik at para suriin ang background ng mga bagong recruit ng hukbo, kasama na ang kanilang social media accounts.