Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Lumiliit na Russian army, nagre-recruit ng mga bilanggo at mga banyagang mersenaryo habang dumarami ang nasasawi
Bumagsak ng limang ulit ang pagre-recruit ng mga sundalo mula nang umabot ito sa kasagsagan noong kalagitnaan ng 2024 -- mula 200 hanggang 250 pinirmahang kontrata bawat araw, at bumaba na lamang sa 40 pagsapit ng Enero 2025.
![Dumaraang mga tao sa tabi ng mga billboard na nagbibigay-pugay sa isang sundalong Ruso at nagpo-promote ng serbisyo sa kontratang militar sa St. Petersburg noong Marso 19. [Olga Maltseva/AFP]](/gc7/images/2025/04/21/49943-russia_army-370_237.webp)
Ayon kay Zarak Khan |
Ang digmaan ng Russia sa Ukraine ay nahaharap sa isang krisis sa manpower kasunod ng matinding pagbagsak sa pagre-recruit ng mga sundalo, na nagpapahina sa kakayahan ng Moscow na magpatakbo ng isang modernong army at umaasa na lamang sa mas matatandang recruit, mga dayuhang mandirigma, at pati mga bilanggo para mapunan ang kanilang hukbo, ayon sa mga iindependent observer..
Dahil sa mahigpit na censorship ng media at mga batas tungkol sa secrecy laws sa Russia, mahirap matukoy nang eksakto ang bilang ng mga nasawi sa kanilang panig sa digmaan laban sa Ukraine.
Gayunpaman, mula Pebrero 2022, nakumpirma ng independiyenteng Russian news outlet na Mediazona, sa pakikipagtulungan ng BBC Russian Service, ang pagkamatay ng mahigit 100,000 sundalong Ruso batay sa mga pangalan na na-verify.
Tinataya nila na ang aktuwal na bilang ng mga nasawi ay nasa 165,000 -- hindi pa kabilang dito ang mga Ukrainian pro-Kremlin separatists at mga dayuhang lumalaban para sa Russia.
Para punan ang puwesto ng nangamatay na sundalo, sinisikap ng Moscow na makaakit ng maraming bagong recruit para sa taong 2025.
May dalawang pangunahing pinagkukunan ng manpower ang hukbong Ruso: ang sapilitang pagre-recruit at serbisyong kontraktuwal.
Isinasagawa ang sapilitang pagre-recruit dalawang beses kada taon -- tuwing spring at fall.
Noong nakaraang taon, nilagdaan ni Russian President Vladimir Putin ang isang kautusan para sapilitang ma-recruit ang 160,000 lalaki ngayong spring, at sinabing ito ay mandatory para sa lahat ng kalalakihang may edad 18 hanggang 30, ayon sa ulat ng state-run news agency na TASS.
Mga bonus para makaakit ng mga bagong recruit
Ang isa pang pinagkukunan, ang mga kontraktuwal na pagre-recruit, ay bumagal nang husto.
Bumagsak ng limang ulit ang boluntaryong recruit ng military mula noong kasagsagan nito noong kalagitnaan ng 2024, kung saan bumagsak ang bilang ng mga pumipirma ng kontrata sa Russian Defense Ministry mula 200–250 kada araw, naging 40 na lamang ito, ayon sa ulat ng independent news outlet na Verstka nitong Enero.
Nagpapatuloy ang pagbagsak na ito kahit pa nag-alok si Moscow Mayor Sergei Sobyanin ng one-time signing bonus na 1.9 milyong rubles (tinatayang $22,000) noong nakaraang taon upang makahikayat ng bagong recruit.
Dahil sa kakulangan ng kabataang handang lumaban sa Ukraine, lalong umasa ang awtoridad ng Russia sa alternatibong paraan para mapalakas ang kanilang puwersa -- kabilang dito ang pagkuha ng mga bayarang sundalo, mga dayuhang combatant, at mga bilanggo o mga nahaharap sa criminal investigation, ayon pa rin sa ulat ng Verstka.
Nakararanas ng hazing at pananakot ang mga batang sundalo.
Napilitan ding kumuha ang Moscow ng mas matatandang kontraktuwal na sundalo, kung saan tumaas ang average na edad ng mga recruit mula 40 na naging 50, ayon sa Verstka, na sinabing ito'y galing sa impormasyon mula sa Russian parliament at mayor's office ng Moscow.
Ngunit ayon sa ulat, nahihirapan sa aktuwal na labanan ang mga mas matatandang sundalo dahil mas mababa na ang kanilang resistensya at kakayahang pisikal, bagay na nagpapahina sa kanilang pagiging epektibo sa pakikidigma.
Hindi naging madali ang recruitment sa Russia, kahit noong panahon ng kapayapaan.
"Karaniwan ay nakararanas ng hazing at pambubully ang mga recruit mula sa mas beteranong sundalo, kaya’t maraming kabataang Ruso ang ayaw sumali sa militar," isinulat ni Natasha Lindstaedt, isang propesor ng pamahalaan sa University of Essex, sa The Conversation, isang nonprofit news site, noong Nobyembre.
Matapos mabuwag ang Soviet Union, ibinunyag ng media sa Russia ang mababang kalidad ng kalagayan sa militar -- kabilang ang kakulangan sa medikal na atensyon at matinding malnutrisyon, dagdag niya.
"Marami ring Russians ang posibleng hindi nakalimot kung paano pinagmalupitan at pinabayaan ang mga sapilitang ni-recruit na ipinadala sa digmaan sa Chechnya noong kalagitnaan ng dekada ’90," sabi pa ni Lindstaedt.
'Nauubusan ng opsyon'
Ayon sa mga analyst, ang lalong pagdepende ng Moscow sa mga dayuhang sundalo ay nagpapakita ng lumalalang hamon nito sa pagpapanatili ng isang moderno at epektibong puwersang militar.
Sinabi ni President Volodymyr Zelenskyy noong Abril 8 na naaresto ng militar ng Ukraine noong unang bahagi ng buwang ito ang dalawang Chinese na nakikipaglaban kasama ng mga puwersa ng Russian sa lalawigan ng Donetsk.
Ayon kay Zelenskyy, may hawak na ebidensya ang Kyiv na “marami pang Chinese” ang lumalaban kasama ng puwersa ng Russian. Aniya, ang pagkakadakip sa dalawang lalaki ay isang malinaw na senyales na “gagawin ni Russian President Vladimir Putin ang lahat -- maliban sa wakasan ang digmaan.”
Dagdag pa rito, may mga ulat din ng mga sundalong taga-North Korea na nakikipaglaban kasama ng puwersa ng Russian na unang lumabas noong nakaraang taglagas
Noong Marso 27, isiniwalat ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea na nagpadala ang Pyongyang ng karagdagang 3,000 sundalo sa Russia noong unang bahagi ng 2025, dahilan upang umabot na sa mahigit 14,000 ang kabuuang bilang ng sundalong North Korean sa Russia, ayon sa ulat ng CNN.
Ang pangyayaring ito ay kasabay ng pahayag ni Russian Deputy Foreign Minister Andrey Rudenko na kinukumpirma ang paghahanda para sa nalalapit na pagbisita ni North Korean leader Kim Jong Un sa Russia.
Nagbabala ang mga analyst na ang pagsasama-sama ng iba't iba at posibleng walang disiplina na mga puwersa ay maaaring makasira sa pagkakaisa at bisa ng operasyon ng militar ng Russia.
"Mauubusan na ng opsyon ang Moscow. Dahil sa matitinding pagkalugi sa Ukraine at ang papaliit na bilang ng mga boluntaryong handang sumali ay nag-iwan sa Russia na lalong umaasa sa mga dayuhang mandirigma at sa mga bilanggong may hatol,” ayon sa isang European diplomat sa Islamabad na dati ring nakatalaga sa Ukraine, sa panayam ng Global Watch. Nagsalita siya sa kundisyong hindi papangalanan dahil wala siyang awtorisasyong magsalita sa media.
"Ngunit hindi mapapalitan ng mga hindi sanay na kriminal at dayuhang recruit ang mga propesyonal na sundalong kinakailangan ng Russia upang makapagdigma sa modernong panahon," dagdag pa niya.