Pandaigdigang Isyu
'Walang Ebola dito': Maling impormasyon, nakaaantala sa pagtugon ng DRC sa Ebola
Habang pinapatay ng Ebola ang dose-dosenang katao sa Democratic Republic of Congo (DRC), pinababagal ng maling impormasyon ang paggamot, na nagpapasiklab ng mga pagsalakay sa mga health worker at ginagawang isa pang labanan sa outbreak ang kawalan ng tiwala.
![Ang mga nars na nakasuot ng protective equipment ay gumagamit ng disinfectant sa isang simulation ng pagtugon sa Ebola sa Charite Virchow hospital sa Berlin, Hunyo 9, 2026. [John MacDougall/AFP]](/gc7/images/2026/07/06/56577-afp__20260609__b6j26we__v1__highres__germanydrcongohealthvirusebola-370_237.webp)
AFP |
Hinahadlangan ng maling impormasyon ang mga pagsisikap na pigilan ang isang nakamamatay na outbreak ng Ebola sa Democratic Republic of Congo, habang kumakalat kasama ng virus ang kawalan ng tiwala.
"Walang Ebola rito, tinatamasa ng lahat ang kanilang pinakamahusay na buhay," sinabi ng isang babae sa isang malawakang ibinahaging video, na diumano'y kuha sa DRC.
"Ang tanging mga lugar na may Ebola ay sa social media at sa pandaigdigang media," sinabi niya.
Ang video na ito, na umani na ng mahigit sa 41,000 na like sa X, ay isa lamang sa mga halimbawa ng maling impormasyon na nakapalibot sa pinakabagong outbreak, na pumatay na ng 115 na tao sa DRC.
![Nagsasanay ang mga lokal na health care worker sa mga kagamitang pananggalang sa Ebola, at sa mga pamamaraan sa kaligtasan sa Scott Powell Memorial Ebola Treatment Center sa Bunia, Democratic Republic of Congo, Hunyo 11, 2026. [Jospin Mwisha/AFP]](/gc7/images/2026/07/06/56576-afp__20260611__b6r844x__v1__highres__drcongohealthebola-370_237.webp)
Tulad ng Covid-19, kasama sa mga maling pag-aangkin ukol sa Ebola ang pagtanggi na may ganitong sakit hanggang sa pag-akusa sa mga awtoridad ng pag-imbento nito para sa pinansyal na pakinabang, sabi ng epidemiologist na si Hemes Nkwa.
Sa mga online na plataporma, at maging sa mga barangay plaza, sinisisi ng ilan ang pangkukulam sa mga biglaang pagkamatay, habang naniniwala naman ang iba na ito ay isang panloloko na dinisenyo upang makaakit ng tulong mula sa ibang bansa.
Tinatantiya ng NGO na ActionAid na sa hilagang-silangan na lalawigan ng Ituri, kung saan naroon ang sentro ng outbreak, halos isa sa bawat tatlong tao ang hindi naniniwala na totoo ang Ebola.
Nagbabala ang pinuno ng World Health Organization na si Tedros Adhanom Ghebreyesus na "halos kasingpanganib ng virus mismo, at kumakalat nang kasingbilis, ang maling impormasyon".
Halos mamatay sa pambubugbog
Naaantala ng maling impormasyon ang paggamot, dahil maraming mga pasyente ang ipinagpapaliban nang husto ang pagkuha ng pangangalaga, sinabi ni Saani Yakubu, ang country director ng ActionAid.
Pinapahirap din nito ang pagsubaybay sa mga contact, dahil hindi nagiging ganap na matapat ang mga pamilya sa ibinabahaging impormasyon -- dahilan upang matakot bumisita sa mga tahanan ang mga health worker.
May ilang mga aid worker at mga kawani ng gobyerno ang sinalakay, sinabi ni Mamadou Kaba Barry ng NGO na Alima sa AFP.
Sinunog ang dalawa sa mga tolda ng Alima sa isang ospital sa Ituri noong nakaraang buwan, matapos subukan ng pamilya ng isang pasyenteng nasawi dahil sa Ebola na kunin ang bangkay, na isang paglabag sa mga panuntunan sa kaligtasan para sa isang sakit na hindi nila pinaniniwalaan.
Inilahad din ni Barry kung paano pinagbabato ang kanilang mga sasakyan at paulit-ulit na pinuntirya ang mga pangkat na inatasang maglibing.
Noong patapos na ang buwan ng Mayo, sa lungsod naman ng Bunia, ang mga nagsasagawa ng isang ligtas na paglibing ay "halos patayin sa bugbog" ng mga kamag-anak ng yumao.
Maraming mga pamilya ng mga nasawi ang naghihinala na hindi ibinibigay sa kanila ang mga labi dahil ibinebenta ng mga health worker ang mga panloob na bahagi ng katawan.
"Kapalit ng kanilang pagod, stress at dedikasyon, ang mga taong nagtatrabaho rito ay nangangailangan ng seguridad," sinabi ni Barry.
"Pinipigilan kami (ng lahat ng ito na) makapagbigay ng normal na pangangalaga," dagdag niya, at idiniin kung gaano kahalaga ang impormasyon sa paglaban sa Ebola, na kumakalat sa pamamagitan ng malapit na pakikipag-ugnay at ng mga likido sa katawan.
Malalim na kawalan ng tiwala
Ayon sa mga eksperto, lagi namang may maling impormasyong kasama ang bawat outbreak ng Ebola, ngunit bumilis ang paglaganap nito ng mga nakaraang taon dahil sa social media.
Higit pa sa kakulangan ng impormasyon, sumasalamin ang isyu sa isang mas malalim na krisis ng tiwala, sinabi ni Nkwa, isang epidemiologist.
"Sa DRC, maraming Ebola outbreak ang naganap sa gitna ng kawalan ng kapanatagan, mga tensyon sa pulitika, kahirapan, at minsa'y sa matagal nang kawalan ng tiwala sa mga institusyon," sinabi niya.
Ang mga bali-balita ay madalas na nagpupuno sa isang puwang, pahayag ni Nkwa sa AFP, na tumutulong sa mga taong bigyang-linaw ang kanilang takot o upang muling makaramdam ng kontrol sa nagaganap.
Ang solusyon ay muling buuin ang tiwala sa pamamagitan ng malapit na pakikipagtulungan sa mga komunidad, sinabi ni Yakubu ng ActionAid. Kabilang rito ang pagsasanay ng mga ambassador na maaaring "magbahagi ng impormasyon sa kanilang sariling wika".
Ayon sa mga eksperto, maaaring may gampanang papel ang mga pinuno ng komunidad, mga nakaligtas sa sakit, at maging ang mga tradisyonal na manggagamot, na ayon naman kay Nkwa ay may "malakas na kredibilidad sa lipunan".
"Kapag naging mga kaalyado sila, maaaring makabuluhang mapalakas ng kanilang impluwensiya ang tugon sa kalusugan ng publiko," sinabi niya.