Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

Heneral ng Poland, nababagalan sa pagtugon sa banta ng Russia sa kanilang pag-iral

Ang Poland ay gumagastos ng 4.8% ng GDP nito sa depensa, ngunit nagbabala ang pangunahin nitong heneral na ang kakulangan sa pondo at mabagal na modernisasyon ay nag-iiwan sa kanilang mga yunit na kulang sa mga kagamitan, habang ang Russia ay muling bumabangon.

Makikita ang Bluszcz (Ivy) unmanned surface mining system (nasa kaliwa) at ang Waran 4x4 armored vehicle (nasa kanan), sa Zielonka, Poland, noong Pebrero 19. [STR/NurPhoto/AFP]
Makikita ang Bluszcz (Ivy) unmanned surface mining system (nasa kaliwa) at ang Waran 4x4 armored vehicle (nasa kanan), sa Zielonka, Poland, noong Pebrero 19. [STR/NurPhoto/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Ang Russia ay nagdudulot ng “banta sa pag-iral” ng Poland at nahuhuli ang militar nito, nagbabala ang pinuno ng hukbong sandatahan ng bansa sa mga matataas na opisyal noong Pebrero 25.

Ang Poland ang pinakamalaking bansa sa silangang NATO at karatig-bansa ng Russia, Belarus, at Ukraine. Ito rin ang bansang may pinakamalaking gastos sa depensa kumpara sa laki ng kanilang ekonomiya sa loob ng alyansang Kanluranin.

Ngayong taong ito, inilaan ng bansa ang 4.8% ng GDP nito sa depensa, halos kapantay ng 5% target ng alyansa para sa 2035.

Sa gitna ng umiigting na tensyon sa Moscow, nangako ang Poland na dadagdagan ang gagastusin sa depensa nito bilangbahagi ng mabilis na pagpapalakas ng militar upang malabanan ang tumitinding banta mula sa Russia.

Ang PGZ-19RA Orlik, isang tactical short-range unmanned aerial vehicle (UAV) noong Pebrero 19. [STR/NurPhoto/AFP]
Ang PGZ-19RA Orlik, isang tactical short-range unmanned aerial vehicle (UAV) noong Pebrero 19. [STR/NurPhoto/AFP]

Gayunpaman, ang pinakamataas na naitalang gastusin para sa depensa ay hindi sapat para "mapunan ang halos tatlong dekadang talamak na kakulangan sa pondo ng hukbong sandatahan," iginiit ni Heneral Wieslaw Kukula, pinuno ng General Staff, sa pagpupulong kasama ang mga matataas na opisyal, defense minister, at pangulo ng Poland.

Mas mabilis ang pagpapalakas kaysa modernisasyon

Binigyang-diin ng heneral ang mabagal na pag-usad ng modernisasyon kumpara sa paglaki ng hukbo.

Sinabi ni Kukula na ang hukbong Polish ay dapat umabot sa 500,000 na sundalo pagsapit ng 2039, mula sa humigit-kumulang 210,000 sa kasalukuyan.

Dahil sa kakulangan sa mga pagbabago, ang ilang mga yunit ng Poland ay “hindi nagiging handa para sa mga pakikipaglaban,” sanhi ng kakulangan sa kagamitan at hindi dahil sa kakulangan sa tauhan, iginiit ng heneral.

Samantala, dagdag niya, “ang Russian Federation ay nananatiling banta sa pag-iral ng Poland.”

Ang Russia “ay lagi na lang muling isinasaayos ang mga puwersa nito, kumukuha ng mga aral mula sa mga pananalakay nito sa Ukraine, at pinapalakas ang kapasidad nito para sa kumbensyonal na pakikipagtunggalian sa mga bansang NATO,” iginiit niya.

Binigyang-diin ng mga pinuno ng NATO ang pangangailangang labanan ang mga umuusbong na banta mula sa Russia, kabilang ang mga taktika ng hybrid warfare tulad ng mga cyberattack at sabotahe, habang isinusulong ang mga target sa gastusing depensa na kasama ang 3.5% ng GDP sa mga kakayahan at 1.5% para sa katatagan at imprastraktura.

Ito ay naaayon sa mga estratehikong pagpapahusay ng Poland, tulad ng pagtanggap ng mahigit 10,000 na tropang Amerikano at ang kamakailang inagurasyon ng Aegis Ashore missile defense base sa Redzikowo, na malapit sa hangganan ng Russia. Idinisenyo upang maharang ang mga short- at medium-range ballistic missile, ang base ay isang mahalagang hakbang sa ballistic missile defense system ng NATO.

Inilarawan ng mga opisyal ng Poland ang base na ito bilang mahalaga sa kasaysayan para sa seguridad laban sa mga banta mula sa himpapawid at missile na naobserbahan sa mga labanan tulad ng nangyari sa Ukraine.

Ang Poland ay nakatakda ring makatanggap ng €43.7 bilyon ($51.5 bilyon) na pautang sa ilalim ng Security Action For Europe (SAFE) scheme ng European Union, na idinisenyo upang palakasin ang kakayahang pandepensa ng Europa.

Plano ng Warsaw na gamitin ang mga pondong ito upang mapalakas ang lokal na paggawa ng mga sandata.

Iginiit ng pamahalaan ng Poland na makukuha ng Poland ang SAFE financing kahit pa i-veto ni Pangulong Karol Nawrocki -- na sinusuportahan ng konserbatibong-nasyonalistang oposisyon ng Poland -- ang batas na nagtatakda ng mga lokal na kaayusan para sa pagpapatupad nito.

Iginigiit ng Law and Justice (PiS) -- ang pangunahing partido ng oposisyon -- na ang SAFE ay maaaring maging bagong kasangkapan para sa Brussels upang maglagay ng labis na panggigipit sa Poland dahil sa nakaplanong mekanismo para sa pagsubaybay sa pondo, na ayon sa kanila ay maaaring maging banta sa soberanya ng Poland.

Gusto mo ba ang artikulong ito?