Bantay-Krisis
Mataas na bilang ng mga pagbitay sa Iran. naglalantad sa isang rehimeng natataranta
Sa halip na tugunan ang mga pangunahing hamon, pinili ng Tehran ang landas ng terorismo, gamit ang mga pagbitay bilang kasangkapan ng pampulitikang panunupil upang patahimikin ang oposisyon at takutin ang populasyon.
![Makikita sa larawang ito ang mga pinatay ng gobyerno ng Islamic Republic of Iran sa gitnang Paris noong Oktubre 11, 2025. [Martin Lelievre/AFP]](/gc7/images/2026/01/05/53366-afp__20251011__78fy7cr__v1__highres__franceiranpoliticsdemo__1_-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Nagtala ang Iran ng isang malagim na bagong rekord noong 2025, kung saan iniulat na mahigit sa 2,000 na tao ang pinatay sa loob ng wala pang isang taon, ayon sa mga grupong sumasalungat sa pamahalaan. Ito’y higit sa doble sa kabuuan ng nakaraang taon at pinakamataas na execution rate mula noong 1980s.
Bagama't nakabibigla ang laki ng bilang ng mga pinatay na ito, malinaw ang naihahatid nitong mensahe. Hindi ito pagpapakita ng lakas ng rehimen, kundi isang desperadong pagtatangka ng pamunuan ng Tehran na mapanatili ang kontrol habang humihina ang hawak nito sa kapangyarihan.
Iniulat ng Mujahedin-e Khalq (MEK) noong Disyembre na 2,013 Iranian ang pinatay sa pagitan ng Enero 1 at Disyembre 15, 2025, sa ilalim ng pamunuan ni Pangulong Masoud Pezeshkian. Napakalaki ng bilang na ito kung ikukumpara sa naitala ng United Nations na 975 na pagpatay noong 2024, na dating pinakamataas na mula noong 2015.
Kabilang sa mga biktima si Zahra Tabari, isang 67 na taong gulang na inhinyero at ina na hinatulan ng kamatayan pagkatapos ng 10 na minutong pakunwaring paglilitis dahil sa paghawak ng bandilang may nakasulat na "Babae, Paglaban, Kalayaan."
Ipinakita ng kanyang kaso kung paanong ginagamit ng rehimen ang parusang kamatayan laban sa mga ordinaryong mamamayan na ang tanging krimen ay ang pagpapahayag ng kanilang hindi pagsang-ayon.
Namumuong mga hamon
Kasabay ng pagdagsa ng mga pagpatay ay ang mga tumitinding suliranin na kinakaharap ng Islamic Republic.
Ang pagbagsak ng kanilang pera, ang mga protestang isinasagawa sa buong bansa, ang pag-aagawan ng kapangyarihan ng iba’t ibang pangkat sa loob ng rehimen, at ang nagbabadyang banta ng mga parusa ng UN ay lumikha ng isang perpektong unos ng kawalan ng katatagan.
Sa halip na tugunan ang mga pangunahing hamon, pinili ng Tehran ang landas ng terorismo, gamit ang mga pagbitay bilang kasangkapan ng pampulitikang panunupil upang patahimikin ang oposisyon at takutin ang populasyon.
Ibinubunyag ng estratehiyang ito ang matinding kahinaan ng rehimen, sa halip na ang awtoridad nito. Gaya ng sinabi ni Behnam Ben Taleblu ng Foundation for Defense of Democracies sa isang outlet, "naiintindihan ng Islamic Republic kung gaano ito kahina."
Kumakatawan sa pampulitikang panunupil sa hindi pa nagagawang sukat ang sunod-sunod na pagbitay, kasabay ng pag-aresto sa mahigit 21,000 na tao kasunod ng 12 na Araw na Digmaan noong Hunyo. Kapag nagsagawa ng malawakang pagpatay upang mapanatili ang kapangyarihan ng isang gobyerno, nagpapahiwatig ito na nabigo sila sa mga tradisyonal na pamamaraan ng pagkontrol.
Ang panahon ng bugsong ito ng mga pagbitay ay makahulugan. Habang nahaharap ang rehimen sa mga panloob na pinsala at panlabas na panggigipit, anumang anyo ng pagluluwag sa lipunan—kabilang na ang hindi gaanong mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa hijab—ay isang kalkuladong hakbang upang mapanatili ang posisyon ng oligarkiya sa Iran pagkatapos ng panahon ni Khamenei.
Nagsisilbing panimbang ang mga pagbitay, at nagpapakita sa mga naninindigan sa rehimen na nananatiling buo ang mga prinsipyong rebolusyonaryo habang tinatakot ang populasyon upang ito’y mapasunod.
Mga implikasyon sa buong mundo
Nagpatibay ang United Nations noong Disyembre ng isang resolusyong mariing kinokondena ang kampanya ng pagbitay ng Iran, habang binigyang kabuluhan naman ng European Parliament ang International Human Rights Day sa pamamagitan ng panawagan para sa pandaigdigang aksyon laban sa Tehran.
Pinarusahan din kamakailan ng Canada ang apat na indibidwal kasunod ng mga protesta sa Mashhad, na nagpakita ng uri ng nakapuntiryang aksyon na maaaring gamitin nang mas malawakan. Samantala, ibinalik ng US ang patakarang "maximum pressure," na nagtalaga ng dose-dosenang mga indibidwal at higit sa 180 na sasakyang-dagat sa shadow fleet ng Iran upang maubos ang mga mapagkukunan-yaman ng rehimen.
Para sa Europa, ang sunud-sunod na pagbitay sa Iran ay may mga implikasyong higit pa sa usapin ng karapatang pantao. Dahil sa lumalalang desperasyon ng rehimen, nagiging mas mahirap na hulaan ang gagawin nito at may potensyal na mas mapanganib ang mga magiging aktibidad nito sa rehiyon.
Ang isang pamahalaang bumibitay sa mahigit 2,000 sa sarili nitong mga mamamayan sa loob lamang ng isang taon ay malamang na hindi magpakita ng pagtitimpi sa mga patakarang panlabas o sa mga ambisyong nukleyar nito. Ang katotohanang ito ang dapat magsilbing gabay sa mga pamamaraan ng Europa sa pakikitungo sa Iran. Dapat gawing kondisyon sa lahat ng diplomatiko at ekonomikong pakikipag-ugnayan sa bansang ito ang pagkakaroon ng mga konkretong pagpapabuti sa mga karapatang pantao.