Mga Istratehikong Usapin

“Red line” ng Kanluran sa Ukraine, nagbabago upang umangkop sa realidad

Nagkaroon ng mga bagong kakayahan ang Ukraine dahil huminto ang diplomasya, hindi dahil pumalya ang pagpipigil.

Ipinakikita ng litrato ang isang napinsalang gusaling residensyal matapos tamaan ng mga drone at missile ng Russia sa Kyiv noong Disyembre 28, 2025, sa gitna ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine. [Tetiana Dzhafarova/AFP]
Ipinakikita ng litrato ang isang napinsalang gusaling residensyal matapos tamaan ng mga drone at missile ng Russia sa Kyiv noong Disyembre 28, 2025, sa gitna ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine. [Tetiana Dzhafarova/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Sa mga nagdaang linggo, patuloy na umatake ang Ukraine sa mas malalim na imprastrukturang militar ng Russia, habang tahimik na inaayos ng mga pamahalaan sa Kanluran ang mga hakbang na handa nilang pahintulutan, ibigay, at tiisin.

Para sa ilang tagamasid, waring senyales ito ng pagkapawi ng matagal nang mga “red lines o hangganang hindi dapat tawirin.” Subalit kabaligtaran ang nangyayari: Inaayos ang polisiya ng Kanluran bilang tugon sa aksyon ng Russia, hindi dahil sa pagkainip o kawalang-ingat.

Mula pa noong huling bahagi ng tagsibol, wala pang makabuluhang pag-usad ang mga diplomatikong hakbang upang wakasan ang digmaan. Ipinakita ng Moscow na wala itong malinaw na intensyong makipagkasundo upang wakasan ang labanan sa mga kondisyong alinsunod sa batas pandaigdigan o sa soberanya ng Ukraine.

Sa halip, ipinagpatuloy ng puwersang Ruso ang pag-atake sa mga lungsod at imprastruktura ng Ukraine habang inuulit ang mga imposibleng kahilingan na halos walang puwang para sa kompromiso. Sa ganitong kalagayan, nahaharap ang mga pamahalaan sa Kanluran sa malinaw na pagpipilian: panatilihin ang kasalukuyang polisiya o umangkop sa realidad, kung saan ang pagpigil sa kalaban at pagkakaroon ng kapangyarihang makaimpluwensya ay epektibo lamang kung may tunay at kapani-paniwalang pressure.

Mas marami ang pumipili ng huling opsyon.

Ito ang dahilan kung bakit nabigyan ang Ukraine ng mas malawak na pahintulot at kakayahan, lalo na para sa mga malayuan at eksaktong pag-atake sa lehitimong target militar. Ang mga red line ng Kanluran ay hindi permanenteng pangako; ito ay mga gabay na may kondisyon upang maiwasan ang hindi makontrol na paglala ng tensyon at magbigay ng puwang para tumugon sa pagbabago ng kalagayan.

Hindi nagbago ang pangako na iwasan ang direktang labanan sa pagitan ng NATO at Russia; ang nagbago ay ang pagsusuri kung ano ang kailangan ng Ukraine upang epektibong ipagtanggol ang sarili habang hindi umuusad ang diplomasya.

Ang pagbibigay sa Ukraine ng mas malawak na kakayahan upang atakihin ang imprastrukturang militar ay hindi pagtalikod sa pagpipigil -- ito ay muling pagsasaayos batay sa ebidensya at pagbabago ng estratehikong pangangailangan. Nanatili ang pangunahing prinsipyo -- ipagtanggol ng Ukraine ang sarili at pahinain ang puwersang umatake rito, habang iniiwasan ng NATO ang direktang pakikidigma.

Napakahalagang maunawaan ang mga ang sanhi at epekto nito.

Hindi naunang nagbago ang polisiya ng Kanluran. Ang walang saysay na pagtanggi ng Russia na makipag-ayos, at ang patuloy na pag-atake sa imprastruktura ng sibilyan, ay naglimita sa mga opsyong diplomasya at nagpilit ng muling pagsusuri sa estratehiya.

Kapag tumanggi ang isang panig na makipagkasundo, mas nagiging mahalaga ang kapangyarihang makaimpluwensya. Ang pagbibigay sa Ukraine ng karagdagang kakayahan ay tugon sa realidad ng estratehiya, hindi simpleng pagpapalala ng tensyon. Kaya lalong binigyang-diin ng mga opisyal ng Kanluran ang karapatan ng Ukraine na atakihin ang mga target militar na sumusuporta sa digmaan, mga logistics hub, paliparan, at command nodes, kahit lampas sa dating itinakdang limitasyon sa sarili.

Mula sa pananaw ng seguridad sa Europa, mas malaki ang panganib kapag nanatiling hindi binabago ang polisiya habang nakahinto ang diplomasya. Ang ganitong matatag na pamamaraan ay nagpapalakas sa katigasan ng loob at nagpapahiwatig na ang oras ay pabor sa umaatake.

Ang maingat, transparent, at paunti-unting pagsasaayos ng mga red line ay nagpapahiwatig ng ibang mensahe -- ang matagal na digmaan nang walang negosasyon ay nagpapataas ng gastos. Ang mensaheng ito ay hindi para sa pagpapalala ng tensyon kundi upang baguhin ang mga insentibo at lumikha ng pressure para sa makahulugang dayalogo.

Ang mahalaga, isinagawa ang mga pagbabago nang maingat at planado. Walang pagmamadali sa pagdagdag ng armas, walang pagtalikod sa pangangasiwa, at walang biglaang pagbabago sa doktrina.

Ang mga pagbabagong ito ay pinag-isipang mabuti -- idinisenyo upang palakasin ang pagpigil, hindi pahinain. Ang lumilitaw na pattern ay isa sa kundisyunal na kakayahang umangkop -- kung patuloy na iiwasan ng Russia ang seryosong negosasyon, malamang na mabigyan ang Ukraine ng mas malawak na pahintulot at kakayahang magpataw ng kapinsalaan sa kalaban. Kung muling magpapatuloy ang diplomasya nang may mabuting intensyon, mananatiling posible ang pagpigil.

Hindi nawawala ang mga red line ng Kanluran; pinabubuti lamang ang mga ito ayon sa realidad. Kung patuloy na pipiliin ng Russia ang digmaan kaysa seryosong negosasyon, makakakuha ang Ukraine ng karagdagang kakayahan upang ipagtanggol ang sarili at baguhin ang takbo ng labanan.

Ang pamamaraang ito ay hindi nagpapahina sa katatagan -- pinalalakas pa ito sa pagpapakita na ang matagal na agresyon ay hindi nagdudulot ng estratehikong pakinabang. Bagama’t mukhang may pagbabago, ang mga hakbang ay planado at sadyang isinasagawa upang palakasin ang pagpigil at itaguyod ang kapayapaan.

Gusto mo ba ang artikulong ito?