Pandaigdigang Isyu
UK, Norway sa bagong kasunduan: Mga submarinong Ruso, 'tutugisin'
Noong nakaraang buwan, binalaan ni UK Defense Minister John Healey ang Russia matapos niyang sabihin na ang barkong militar nitong Yantar ay muli na namang pumasok sa teritoryong katubigan ng Britanya sa ikalawang pagkakataon ngayong taon.
![Sinusuri ni Norway Defense Minister Tore O. Sandvik (gitna) ang guard of honor kasama si Britain Defense Secretary John Healey (sa likod, kaliwa) sa Horse Guards Parade sa London noong Disyembre 4, 2025. [Alastair Grant/AFP]](/gc7/images/2025/12/09/53015-gt-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Ipinahayag ng Britain at Norway ang isang bagong kasunduang pandepensa kung saan magtutulungan ang kanilang mga hukbong-dagat sa pagpapatakbo ng isang fleet ng mga warship upang “tugisin ang mga submarinong Ruso” sa Hilagang Atlantiko.
Ang kasunduang nilagdaan noong Disyembre 4 ng dalawang bansang kasapi ng NATO ay naglalayong protektahan ang mahalagang imprastraktura sa ilalim ng dagat, tulad ng mga kable, na ayon sa mga opisyal ng Kanluran ay lalong nalalagay sa panganib dahil sa Moscow.
Lumabas ang kasunduan habang iniulat ng Ministry of Defense (MoD) ng Britain na tumaas ng 30% ang bilang ng mga nakikitang sasakyang pandagat ng Russia sa katubigan ng UK sa nakalipas na dalawang taon.
Nakipagkita si Norwegian Prime Minister Jonas Gahr Store kay UK Prime Minister Keir Starmer para sa kanilang pagpupulong sa Downing Street sa London.
Pinuri ni Store ang “isang napakahalagang kasunduan sa kooperasyon at integrasyon sa depensa.”
“Tungkol ito sa kasalukuyan. Tungkol ito sa pagkilala sa paninindigan ng Europe ngayon at kung ano ang kailangan nating gawin upang pangalagaan ang seguridad para sa kinabukasan,” dagdag niya.
Ang dalawang bansa ay “gumagawa ng mahahalagang hakbang… dahil magkatuwang kami sa mga katubigan at sa estratehikong kapaligiran.”
'Lubhang mapanganib'
Sa ilalim ng bagong kasunduan, pamamahalaan ng dalawang bansa ang isang fleet ng 13 frigate na gawang British sa isang “interchangeable” (maaaring pagpalitan) na pamamaraan.
Babantayan nila ang mga aktibidad ng hukbong-dagat ng Russia sa katubigan sa pagitan ng Greenland, Iceland, at UK, “poprotektahan ang mahahalagang imprastrakturang tulad ng mga kable at pipelines sa ilalim ng dagat, na nagdadala ng mahahalagang komunikasyon, kuryente at gas,” ayon sa pahayag ng MoD.
“Sa panahong ito ng matinding kaguluhan sa mundo, habang mas maraming barkong Ruso ang natutuklasan sa ating mga katubigan, kailangan nating makipagtulungan sa mga bansang kaalyado natin upang protektahan ang ating pambansang seguridad,” ani Starmer.
Noong nakaraang buwan, binalaan ni UK Defense Minister John Healey ang Russia matapos niyang sabihin na ang barkong militar nitong Yantar ay pumasok sa katubigan ng Britain sa ikalawang pagkakataon ngayong taon.
Sinabi niya na tinutukan nito ng mga laser ang mga piloto ng British Air Force sa isang “lubhang mapanganib” na pagkilos.
Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Britain at mga kaalyado sa NATO tungkol sa panganib na dulot ng Moscow sa mga imprastrakturang nasa dagat matapos ang pinaghihinalaang sabotahe nitong mga nakaraang buwan sa ilang mga kable ng telekomunikasyon at kuryente sa ilalim ng dagat.
Inakusahan ng mga eksperto at politiko ang Moscow ng pagpapasimuno ng hybrid na digmaan laban sa mga bansa sa Kanluran, na karamihan ay sumusuporta sa Ukraine matapos ang malawakang pagsalakay ng Russia sa bansa noong 2022.
Inanunsyo ng Norway noong Setyembre ang pagbili ng hindi bababa sa limang Type-26 na frigate mula sa Britain sa halagang £10 bilyon ($13 bilyon).
Nanalo ang BAE Systems laban sa mga bid mula sa mga grupong French, German at US para sa mga frigate.
Binisita rin nina Starmer at Store ang isang Royal Air Force base sa hilagang Scotland noong Disyembre 4.