Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Germany, pinalalakas ang depensa sa kalawakan laban sa banta ng Russia
Ang inisyatiba ay sumusunod sa iba pang hakbang ng Europe upang makamit ang mas malayang operasyon sa kalawakan.
![Ang Ariane 6 rocket ng European Space Agency (ESA), na may dalang Sentinel 1-D earth observation satellite, ay inilunsad mula sa Guiana Space Centre sa Kourou, French overseas department ng Guiana, noong Nobyembre 4, 2025. [Ronan Lietar/AFP]](/gc7/images/2025/11/25/52866-rock-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Inilabas ng Germany ang kauna-unahang pambansang estratehiya para sa seguridad sa kalawakan noong Nobyembre 19, kung saan nangako si Defense Minister Boris Pistorius na palalawakin ang kakayahan ng militar at sibilyan sa orbit.
Ipinahayag ang estratehiya ilang linggo matapos ianunsyo ni Pistorius ang plano ng Armed Forces na gumastos ng 35 bilyong euro ($41 bilyon) pagsapit ng 2030 para sa depensa sa kalawakan, bilang tugon sa lumalaking banta mula sa Russia at posibleng China.
"Kailangan nating paunlarin at panatilihin ang kakayahan sa deterrence at depensa,” sabi ni Pistorius sa isang press conference sa Berlin.
“Malaki ang bahagi" ng parehong Russia at China sa kalawakan at "pumoposisyon sila upang maimpluwensiyahan ang iba pang mga satellite" mula sa Europe at United States, ayon kay Pistorius.
Inamin ng minister na “hindi kayang makipagsabayan ng Germany nang mag-isa sa Russia at China,” ngunit sinabi niyang maaaring magtulungan ang mga bansa ng European NATO “upang matiyak na mananatili tayong may kakayahang kumilos at ipagtanggol ang sarili.”
Ang inisyatiba ng Germany ay sumusunod sa iba pang hakbang ng Europe upang makamit ang mas malayang operasyon sa kalawakan.
Plano ng multinational na European Space Agency na ilunsad ang isang internet satellite constellation, na pinangalanang IRIS2, pagsapit ng 2030.
Noong Oktubre, inanunsyo ng tatlong pangunahing European aerospace firms ang plano na pagsamahin ang kanilang mga satellite options upang makabuo ng isang maaasahang European system na makakakumpitensya sa rocket company ni US billionaire Elon Musk, ang SpaceX, at sa Starlink internet system.
Ang mga satellite system ay may pangunahing papel sa modernong komunikasyon, serbisyo sa internet, GPS, at pagbibigay ng ulat panahon -- lahat ay may malaking epekto sa operasyon ng militar at sa buhay ng mga sibilyan.
Pag-iwas sa labanan ng sandata
Ayon kay Pistorius, isang cyberattack sa mga satellite sa simula ng malawakang pagsalakay ng Russia sa Ukraine ang naging sanhi ng pagkasira ng daan-daang wind turbine sa Germany.
“Maiisip ng lahat kung ano ang maaaring gawin ng isang epektibong pag-atake sa kalawakan sa mga satellite system -- maaaring maparalisa nito ang mga bansa, at sa tingin ko’y natural lamang na nais ng mga European, ng Germany at ng NATO na protektahan ang kanilang sarili laban dito,” sabi ni Pistorius.
Nangako ang minister na ang Germany ay “hindi magpapatupad ng opensibong estratehiya sa kalawakan,” ngunit sinabi niyang kinakailangan pa rin ang kakayahang magsagawa ng mga kontra-atake laban sa mga kalaban.
“Hindi kami aatake at hindi rin namin pahihintulutan ang pag-atake sa satellite ng ibang bansa, ngayon o sa hinaharap,” sabi ni Pistorius.
Layunin ng Germany ang “mapayapa, napapanatili, at nakabatay sa mga patakaran” na paggamit ng kalawakan upang “maiwasan ang labanan ng sandata,” ayon sa isang press release.
Kabilang sa magkatuwang na pagsisikap ng mga bansang European sa kalawakan ang pinagsamang kakayahan sa paglulunsad, ang pagsusumikap na makabuo ng reusable na rocket, at ang mga internasyonal na programa sa kalawakan.
Ayon kay Dorothee Baer, minister para sa kalawakan at pananaliksik, kabilang sa estratehiya ng Germany sa seguridad sa kalawakan ang “mga programa para sa depensa laban sa asteroid” at mga pagsusumikap na “matugunan ang malaking suliranin ng space debris.”