Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

'Flying Chernobyl' o superweapon? Sandatang nukleyar ng Russia, puno ng kabiguan at pangamba

Sa kabila ng pagmamalaki ni Putin sa sandatang 'tila walang kapantay sa lakas,' ipinakikita ng magulong kasaysayan at matinding panganib ng Burevestnik missile na higit itong nagsisilbing instrumento ng sikolohikal at estratehikong pananakot kaysa sandata.

Isang lalagyan ng Russian 9M728 cruise missile, kaliwa, na nasa truck sa gitna, katabi ng 9M723 short-range ballistic missile. [Russian Defense Ministry]
Isang lalagyan ng Russian 9M728 cruise missile, kaliwa, na nasa truck sa gitna, katabi ng 9M723 short-range ballistic missile. [Russian Defense Ministry]

Ayon sa Global Watch |

Kasunod ng kamakailang anunsyo ng Russia tungkol sa “matagumpay na huling pagsubok” ng kanilang 9M730 Burevestnik cruise missile na may kakayahang nukleyar, binigyang-pugay ito ni Pangulong Vladimir Putin bilang isang natatanging sandata na tila walang kapantay sa lakas.

Ngunit sa kabila ng ipinagmamalaking tagumpay ng Russia, nakatago ang isang madilim at lihim na programa sa pagpapaunlad ng sandata na puno ng kabiguan, nakamamatay na aksidente, at pangamba ng mga eksperto sa kontrol ng armas.

Ang Burevestnik, na kilala sa NATO bilang SSC-X-9 Skyfall, ay isang mapanganib na sugal na higit na nakatuon sa sikolohikal na digmaan at nukleyar na “signaling” kaysa sa praktikal na kakayahang militar sa gitna ng lumalalang tensiyon sa mundo.

Ang sandata ay may magulong nakaraan. Noong Agosto 2019, isang misteryosong pagsabog sa test range malapit sa Nyonoksa sa White Sea ang ikinamatay ng hindi bababa sa limang nuclear engineer. Matapos ang insidente, nagkaroon ng mabilisang opisyal na pagtatakip sa pangyayari bago iulat ng mga monitoring station sa Severodvinsk ang radiation spike na apat hanggang 16 na beses sa normal. Ayon sa mga opisyal ng US, nangyari ang pagsabog habang sinusubukang mabawi ang nabigong prototype ng Burevestnik mula sa ilalim ng dagat.

Banta sa kalikasan

Nakilala ang missile sa nakakakilabot na bansag na “Flying Chernobyl” dahil sa naganap na aksidente. Ang pangalan ay tumutukoy sa maliit na nuclear reactor na nagpapaandar dito. Matagal nang nagbabala ang mga eksperto na maaaring mag-iwan ito ng radioactive trail habang lumilipad, na nagdudulot ng banta sa kalikasan sa anumang teritoryo na madaanan nito -- kabilang na ang mismong Russia.

Ang matinding panganib na ito ay nagtataas ng tanong: Bakit binubuo ng Russia ang missile na ito? Ang kasalukuyang nuclear triad ng bansa na land-based intercontinental ballistic missiles (ICBMs), submarine-launched missiles at strategic bombers ay sapat na upang higitan ang anumang sistema ng missile defense.

Ayon sa mga eksperto, ang Burevestnik ay walang makabuluhang pagbabago sa kakayahan na makapagpapaliwanag sa napakalaking gastos at panganib nito. Parehong pinag-aralan ng United States (sa pamamagitan ng Project Pluto) at Soviet Union ang katulad na konsepto ng missile na may kakayahang nukleyar noong Cold War. Ngunit pareho nitong iniwan ang mga proyekto dahil masyado itong komplikado, mahal, at mapanganib para subukan o gamitin.

Higit pa rito, ang pahayag ni Putin na "walang kapantay sa lakas" ay mahirap paniwalaan. Bagaman nagbibigay ang nuclear engine ng teoretikal na “walang limitasyon sa saklaw” at kakayahang maglakbay sa hindi inaasahang ruta, ang missile ay subsonic. Ang medyo mabagal nitong bilis ay nangangahulugang kapag natukoy, ito ay lubos na madaling matamaan o maharang ng mga modernong fighter aircraft at air-defense network.

Kagamitan sa propaganda

Ipinagmamalaki ni Putin na ang sandata ay walang kapantay sa lakas ngunit ang katotohanan, ang totoong layunin nito ay sikolohikal. Ang oras ng anunsyo ay malinaw na isang uri ng “nuclear messaging.” Sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine at tumitinding tensiyon sa Kanluran, nagsisilbing matinding paalala ang Burevestnik ng nukleyar na lakas ng Russia, na may layuning pigilan ang NATO na makialam pa.

Ito ay kagamitan sa propaganda para sa dalawang grupo: para sa mamamayang Russian, ito ay simbolo ng teknolohikal na kakayahan at pambansang karangalan. Para sa internasyonal na komunidad, layunin nitong maghasik ng takot, lumikha ng pangamba, at magdulot ng hidwaan sa mga Kanlurang kaalyado tungkol sa posibleng kapalit ng pagsalungat sa Russia.

Sa kabuuan, ang Burevestnik ay hindi gaanong epektibong sandata sa digmaan sa halip ay simbolo ng matinding panganib at napakalaking gastos. Ang pangunahing “tagumpay” nito ay maaaring nasa mga balitang ipinalalabas ng media, at hindi sa aktwal na pagiging epektibo nito sa labanan. Ito ay kumakatawan sa mapanganib na pagbabalik sa panahon ng nuclear brinkmanship, kung saan ang banta mismo ang sandata, at ang pinakamalaking panganib ay maaaring isa pang nakamamatay na aksidente bago pa man ito magamit sa anumang labanan.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *