Mga Istratehikong Usapin
Ekonomiya ng Germany, binabayo ng lumalalang mga cyberattack
Ang mga pag-atake mula sa China ay pangunahing nakatuon sa paniniktik pang-ekonomiya upang lumamang sa teknolohiya, samantalang ang sa Russia ay nakatuon sa pagsasabotahe at pagpapakalat ng maling impormasyon, ayon sa isang ulat.
![Isang larawan ng panlabas ng Federal Office for the Protection of the Constitution (Bundesamt fuer Verfassungsschutz, BfV) sa Cologne, kanlurang Germany noong Setyembre 22, 2025. [Ina Fassbender/AFP]](/gc7/images/2025/10/01/52191-bund-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Ang ekonomiya ng Germany ay nahaharap sa matinding dagsa ng mga cyberattack, kung saan ang pinsala mula sa pagnanakaw ng datos, industriyal na paniniktik at pananabotahe ay umabot sa €289 bilyon ($338 bilyon) noong 2025, isang nakakagulat na 8% na pagtaas kumpara sa nakaraang taon, ayon sa isang ulat.
Kinilala ang Russia at China bilang pangunahing pinagmumulan ng mga pag-atakeng ito, na tumarget sa 9 sa bawat 10 kumpanya sa Germany, batay sa resulta ng isang survey ng mga korporasyon ukol sa pagnanakaw ng datos, industriyal na paniniktik at pananabotahe.
Habang lumalabo ang hangganan sa pagitan ng cybercrime at state-sponsored na paniniktik, hindi pa naging ganito kaseryoso ang banta sa pambansang seguridad ng ekonomiya ng Germany.
"Ang mga bakas ay lalo pang nagtuturo sa Russia at China,” ayon sa BfV domestic intelligence agency at Bitkom federation ng mga negosyong digital noong Setyembre 18.
“Lalong tinatarget ng mga dayuhang ahensiya ng intelihensiya ang ekonomiya ng Germany,” ayon kay BfV Vice President Sinan Selen sa isang press conference.
Si Selen -- na nakatakdang humalili sa pamumuno ng BfV -- ay nagsabing ang mga mapaminsalang dayuhang ahensiya ng intelihensiya ay “nagiging mas propesyonal, agresibo at maliksi.”
'Labisl na pagtaas'
Aniya, ang mga pag-atake mula sa China ay pangunahing "paniniktik pang-ekonomiya" upang lumamang sa teknolohiya, habang ang sa Russia ay nakatuon sa "pananabotahe" at pagpapakalat ng "maling impormasyon."
Ayon kay Selen, 28% ng mga negosyo ang nakapagtukoy na ang mga pag-atake ay kagagawan ng mga grupo o organisasyong suportado ng gobyerno, kumpara sa 20% noong nakaraang taon.
Kasabay ni Selen, sinabi ni Bitkom President Ralf Wintergerst na ang mga pag-atake ay nakapagtala ng “labis na pagtaas kumpara sa paglago ng ekonomiya ng Germany,” na nananatiling halos walang galaw mula pa noong 2023.
Sa 1,002 kumpanyang isinailalim sa survey para sa ulat, 87% ang nagsabing sila ay naging target ng ganitong uri ng pag-atake, kumpara sa 81% noong nakaraang taon.
Noong nakaraang taon, 39% ng mga kumpanya ang nagsabing sila’y naging target ng Russia. Ngayong taon, tumaas ito sa 46%, kaparehong porsyento rin ang nagsabing inatake sila ng China.
Nanatiling pinakamabisang pamamaraan ang mga cyberattack, na kadalasang isinasagawa gamit ang ‘ransomware,’ at ang kabuuang gastos nito ay umabot sa bagong rekord na 202 bilyong euro.
Isang makasaysayang sandali
Nagbigay ng halimbawa si Selen ng mga hacker na kaalyado ng Kremlin na kilala bilang Laundry Bear o Void Blizzard, na kumikilos laban sa mga target pampulitika at pang-ekonomiya ng Germany.
Pinayuhan ng Bitkom ang mga kumpanya na ilaan ang 20% ng kanilang mga IT budget para sa pagtatanggol laban sa mga pag-atakeng ito.
Ang walang humpay na pagdami ng mga cyberattack sa ekonomiya ng Germany ay higit pa sa isang babala, ito ay isang makasaysayang sandali. Ang lawak at pagiging sopistikado ng mga banta ay hindi lamang hamon sa mga indibidwal na kumpanya kundi isang direktang pag-atake sa katatagan, inobasyon, at pandaigdigang pamumuno ng ekonomiya ng Germany. Wala nang higit pang panganib kaysa rito.
Ang tugon ng Germany ay dapat maging mabilis, mapagpasya at nakatuon sa hinaharap. Hindi ito basta tungkol sa pagtatanggol laban sa susunod na pag-atake; ito ay hinggil sa pagsiguro ng kinabukasan ng bansa sa isang lalong nagiging digital na mundo.
Dapat maging haligi ng estratehiyang pang-ekonomiya ng Germany ang cybersecurity, na nakaugnay sa bawat bahagi ng kanilang digital transformation. Hindi bukas o sa susunod na taon ang oras para kumilos kundi ngayon mismo. Ang bawat pagkaantala ay nagpapataas ng panganib ng mas malaking pinsala, mas malalim na kahinaan, at mga nawalang oportunidad.