Mga Istratehikong Usapin
Makabayang kilusan: banta sa mga etniko at kritiko sa Russia
Sa tulong ng tahimik na suporta ng mga tagapagpatupad ng batas, kumakalat ang nationalist vigilante network sa Russia, na ginagawang bahagi ng aktibismo ng estado ang xenophobia
![Emblem ng Russkaya Obshchina (RO). [Opisyal na Telegram channel ng RO]](/gc7/images/2025/09/29/52146-ro_1-370_237.webp)
Ayon kay Ekaterina Janashia |
Sa tuwing makakakita si Anna Tazheyeva, isang kilalang personalidad mula sa Novosibirsk, ng mga sasakyang may puti at itim na sticker ng Russkaya Obshchina (RO), agad sumasama ang pakiramdam niya. Para sa kanya, at sa marami pang iba sa buong Russia, ang far-right na makabayang grupong ito ay naging sagisag ng panganib, na ayon sa mga aktibista’y patuloy na lumalakas sa tahimik na basbas ng estado.
Dahil sa suporta ng mga matataas na opisyal ng tagapagpatupad ng batas at sa mas mahinahong kalagayang pampulitika, mabilis na lumalawak ang impluwensya ng RO -- Russian Community sa Ingles -- sa buong bansa, ayon sa mga tagapagtanggol ng karapatan at media ng oposisyon.
Itinatag noong 2020, inilalarawan ng grupo ang sarili bilang tagapagtanggol ng mga Russian values, ngunit binalaan ng mga kritiko na ang ideolohiyang xenophobic at mga aktibidad nitong tila vigilante ay lumilikha ng takot sa kapaligiran.
Hayagang itinataguyod ng RO ang mga pananaw na kontra-imigrante, kontra-Islam, at kontra-Caucasian, gayundin ang pagtutol sa mga karapatan ng LGBTQ+ at aborsyon. Sa kabila ng radikal nitong mensahe, malaki ang pagkakatugma ng grupo sa Kremlin, sumusuporta sa digmaan sa Ukraine at sa mga inisyatiba ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kagamitang militar at pagsasanay sa mga mandirigma.
![Kabanata ng RO sa Chelyabinsk. [Screenshot mula sa isang video ng RO sa YouTube]](/gc7/images/2025/09/29/52147-ro_3-370_237.webp)
Isang ‘nakakatakot’ na personal na karanasan
Ipinapakita ng kwento ni Tazheyeva ang epekto ng grupo sa mga komunidad. Sa isang panayam sa Kontur, kapatid na publikasyon ng Global Watch, tinawag niya ang kanyang karanasan sa RO bilang isang “nakakatakot na karanasan.”
“Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako mapakali,” aniya.
Unang narinig ni Tazheyeva ang tungkol sa grupo noong nakaraang taon, matapos niyang ipagtanggol ang isang walong taong gulang na batang Kyrgyz na binugbog ng mga kapwa estudyante niyang 12 taong gulang. Ayon sa bata, sumigaw ang mga nanakit ng mga insultong rasista na karaniwang ginagamit sa Russia laban sa mga taong mula sa Central Asia at Caucasus.
Nang magsimula ng imbestigasyon ang mga awtoridad, sinubukan ng ina ng isa sa mga nanakit na ipagtanggol ang kanyang anak sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang video kasama ang RO. Sa video, maling sinabi niya na dinukot ng mga Kyrgyz ang kanyang anak.
Nagsagawa ng sarili nilang pagsisiyasat sina Tazheyeva at Natalya Shishkina, isang kinatawan sa konseho ng nayon ng Prokudsky sa distrito ng Kochenevsky, at natukoy na peke ang paratang. Sinabi nila na hinimok ng RO ang ina na magsampa ng pekeng ulat sa pulisya bilang paraan para maglunsad ng kampanya ng paninira at pag-uusig laban sa pamilya ng batang Kyrgyz at sa kanilang mga tagasuporta.
Tumanggi ang pulisya na ituloy ang kasong kriminal kaugnay ng diumano’y pagdukot, sa desisyong hindi ito kailanman nangyari.
Mga paratang, multa at pagbabanta
Samantala, nagsumite ng sunod-sunod na opisyal na pahayag sina Tazheyeva at Shishkina na nananawagan sa mga awtoridad na imbestigahan ang kaso at nagrekord ng isang video na nagpapaliwanag ng kanilang natuklasan.
“Pagka-post ng aming video, nagsimula na kaming pahirapan ng Russkaya Obshchina,” ani Tazheyeva.
Ayon sa kanya, kinuha ng mga miyembro ang ilang bahagi ng kanilang video, in-edit ito upang gawing bagong content, at muling ipinost kasama ng mga komentong nananawagan na siya at si Shishkina ay gahasain, patayin, o ipa-deport sa Kyrgyzstan.
Nagsampa ng ulat sa pulisya ang dalawang babae kaugnay ng mga pagbabanta sa kanilang buhay at kaligtasan, ngunit tumanggi ang mga imbestigador na buksan ang kaso.
Noong Pebrero, pinagmulta ng isang korte sa distrito ng Kochenevsky ang dalawang babae ng tig-5,000 rubles (humigit-kumulang $60). Ang kaso ay nag-ugat sa mga reklamo ng mga miyembro ng RO na muli nilang ipinost ang materyal mula sa isang “hindi kanais-nais” na organisasyon. Ginagamit ng pamahalaan ng Russia ang ganitong klasipikasyon para ipagbawal ang mga grupong sinasabing nagbabanta sa pambansang seguridad o kaayusang konstitusyonal. Ang muling ipinost na content ay isang minutong video ng League of Free Nations tungkol sa “mga Russian laban sa kapwa Russian.”
Habang nagpapatuloy ang mga pagbabanta, umapela si Shishkina sa Federal Security Service (FSB). Ayon kay Tazheyeva, sinabi ng isang opisyal ng FSB sa kanyang kasama na alam ng ahensya ang tungkol sa grupo ngunit ang mga miyembro nito ay “may basbas” mula kay Alexander Bastrykin, pinuno ng Investigative Committee ng Russia, at walang magagawa.
Di-umano, nag-ayos pa ang opisyal ng kasunduan sa isang miyembro ng grupo: titigil ang panliligalig kung papayag ang mga babae na ihinto ang kanilang pampublikong pamimintas.
“Kapag nakakakita ako ng mga sasakyang may sticker nila, sumasama ang pakiramdam ko,” ani Tazheyeva.
Sino ang mga miyembro?
Itinatag ang RO noong huling bahagi ng 2020 ng tatlong personalidad mula sa ultrakonserbatibong eksenang pampulitika ng Russia: si Yevgeny Chesnokov, dating tagapag-ugnay ng radikal na kilusang kontra-aborsyon na “For Life!” at aktibo rin sa mga kampanya kontra-bakuna; si Andrei Tkachuk, dating deputy speaker ng Omsk City Council na kalaunan ay naging komentaristang pampulitika at aktibista sa social media; at si Andrei Afanasyev, isang mamamahayag na konektado sa mga outlet na Orthodox Christian kabilang ang Spas at Tsargrad TV.
Mula nang itinatag, nakabuo na ang grupo ng malaking online following, umaakit ng mga tagasuporta sa Telegram at YouTube, at sinasabing may mahigit 150 sangay sa 11 time zone ng Russia.
Itinuro ng mga analyst at ng mga ulat mula sa media ang malapit na ugnayan ng grupo sa mga tagapagpatupad ng batas, lalo na kay Bastrykin, na inilalarawan bilang di-opisyal na patron.
“Lumalago ang kanilang mga grupo, gayundin ang dami ng kanilang mga tagasunod,” ani Tazheyeva. “Mayroon silang radikal, far-right na makabayang content sa kanilang mga VK page, at kahit nagrereklamo kami, hindi ito ipinatigil ng mga tauhan ng technical support.”
Nadagdagan din ang hanay ng organisasyon ng mga beteranong militar na nagbalik mula sa front lines, na nagdadala ng mas radikal at palaban na paninindigan.
Ayon kay Tazheyeva, marami sa mga miyembro ay “mga taong walang pinag-aralan, bihirang bumiyahe at hindi kayang suriin ang kasalukuyang sitwasyon.” Idinagdag niya na ang mga taong naimpluwensyahan ng propaganda ng state television tungkol sa “Russian exceptionalism,” gayundin ang mga yumayakap sa jingoism, ay naaakit din sa kilusan.
Nakabuo pa ang RO ng isang mobile app na may emergency na ‘panic button’ na maaaring gamitin ng mga miyembro para humingi ng tulong. Sa mga video na ipinalaganap ng grupo, makikita ang mga miyembrong namamagitan sa mga alitan at pumipigil sa mga taong inakusahan ng maliliit na krimen hanggang sa dumating ang pulisya
Layunin ng grupo na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa totoong mga problema at gawing kaaway ang mga migrante,” sabi ni Tazheyeva. “Ang mga taong may malinaw na layunin at nakamit na ang katayuan sa lipunan ay hinding kailanman sasali sa grupong katulad ng Russkaya Obshchina.
Sinabi niya na ang pag-angat ng organisasyon ay sumasalamin sa isang nakababahalang kalakaran sa Russia, kung saan ang makabayang damdamin at xenophobia ay tila mas tinatanggap -- at sa ilang pagkakataon, maging aktibong sinusuportahan pa -- ng estado.