Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Hypersonic ng Russia, naaberya ng teknikal at kakulangan sa manggagawa
Ang kamakailang paggamit ng Russia ng Kinzhal hypersonic missile sa Ukraine ay nagpakita ng mga kahinaan ng kanilang mga hypersonic system.
![Mga eksperto ng pulisya at tagapagligtas na Ukrainian, isinakay sa isang espesyal na truck ang bahagi ng bumagsak na Russian hypersonic missile na Zircon, matapos tamaan ang isang limang-palapag na residensyal na gusali sa Kyiv noong Nobyembre 17, 2024. [Sergei Supinsky/AFP]](/gc7/images/2025/08/28/51642-hyperson-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Habang patuloy na umuunlad ang modernong digmaan, ang mga hypersonic system ay kinikilala bilang susunod na larangan sa teknolohiya, na kayang magdala ng kargada sa bilis na lampas Mach 5.
Gayunpaman, ipinapakita ng mga ulat na ang Russia, sa kabila ng ambisyosong pahayag, ay nahaharap sa suliraning teknikal na maaaring magbanta sa kakayahan nito sa hypersonic.
Sa sentro ng teknolohiyang hypersonic ay ang pangangailangan para sa mga sopistikadong materyales na may kakayahang harapin ang matitinding temperatura at pressure. Ang pag-unlad ng Russia sa larangang ito ay nahahadlangan ng kakulangan sa makabagong materyales at pamamaraan ng paggawa.
Ayon sa kamakailang ulat ng Russian Academy of Sciences, lubhang nabawasan ang bilang ng mga siyentipiko sa bansa dahil sa patuloy na mga sanction at paglipat sa ibang bansa, na nagdulot ng matinding kakulangan ng mga eksperto sa material science.
Isang engineer, na ayaw magpakilala, ang nagbahagi na, "Mayroon kaming teoretikal na kaalaman, ngunit kung walang angkop na materyales, nananatiling disenyo lamang aming mga plano. Malinaw ang kalamangan ng Kanluran sa larangang ito, at nahihirapan kaming makasabay."
Mga sistema ng propulsion: Pangunahing hadlang
Ang pagpapaunlad ng mga scramjet engine, na mahalaga para sa tuluy-tuloy na hypersonic flight, ay nananatiling malaking hamon para sa mga engineer ng Russia. Ang kakulangan ng mga eksperto sa propulsion ay nagdulot ng pagkaantala sa mga kritikal na proyekto, na karamihan ay nananatiling hindi tiyak kung kailan muling magpapatuloy.
Ayon sa isang dating propulsion engineer, "Mayroon kaming grupo ng matatalinong eksperto sa scramjet technology, ngunit marami ang umalis na ng bansa o lumipat na sa ibang sektor. Lalo pang lumalawak ang agwat sa kaalaman, at lalong nagiging hamon ang pagbuo ng mga bagong inobasyon."
Samantala, ang mga bansang tulad ng China ay nakagawa ng makabuluhang progreso sa larangan ng hypersonic propulsion, na ipinapakita ng matagumpay na paglulunsad ng Dongfeng-17 missile na may sopistikadong scramjet engine. Ang kahinaang ito ng Russia ay nagbubunsod ng mga pag-aalala sa hanay ng mga military analyst tungkol sa kakayahan nilang na makipagsabayan sa hypersonic arms race.
Mga guidance at control system: lumang teknolohiya
Ang tumpak na pag-target sa hypersonic speeds ay nangangailangan ng mga sopistikadong guidance system at kakayahang magproseso ng real-time data. Subalit, ang Russia ay umaasa pa rin sa lipas na mga computational model, na lubhang nagpapahina sa kanilang kakayahang makamit ang kinakailangang accuracy. Ayon sa isang defense analyst, "Bagaman may progreso ang Russia sa missile technology, ang kanilang mga guidance system ay nahuhuli. Maaaring maging kritikal ito sa tunay na sitwasyon kung saan mahalaga ang precision."
Ang kamakailang paggamit ng Kinzhal hypersonic missile sa Ukraine ay nagbunyag ng mga kahinaang ito. Bagaman mabilis ang missile, nagawa itong hadlangan ng mga NATO system, na nagdudulot ng pagdududa sa pagiging epektibo nito sa labanan.
Ayon sa isang military strategist, "Hindi sapat ang bilis para magtagumpay. Kung walang maaasahang guidance, ang mga hypersonic missile ay maaaring maging isa na namang mamahaling kabiguan."
Malawakang epekto sa pandaigdigang seguridad
Habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng United States at Russia, ang epekto ng mga teknikal na hadlang na ito ay lampas pa sa mga border ng Russia. Ang patuloy na pamumuhunan ng NATO sa mga hypersonic defense system, kabilang ang $182 milyong inilaan ng Missile Defense Agency, ay nagpapakita ng agarang pangangailangan sa pagharap sa mga posibleng banta. Ang pagkakaisa ng mga kaalyadong bansa sa NATO sa pagtugon sa mga hamong ito ay kritikal, lalo na habang patuloy na pinalalakas ng China ang kanilang kakayahan sa hypersonic technology.
Sa harap ng mga pagbabagong ito, pinayuhan ang mga European at Indo-Pacific military leader na suriin muli ang kanilang estratehikong hakbang. Tumitindi ang labanan sa mga armas na hypersonic at ang kawalan ng treaty restrictions ay nagpapataas ng panganib ng maling kalkulasyon at labanan.
Ayon sa isang senior defense official, "Dapat tayong manatiling mapagmatyag. Nagbabago ang teknolohikal na kalamangan, at hindi natin maaaring maliitin ang mga hamong dala ng hypersonic systems."
Sa kabila ng ambisyon ng Russia sa hypersonic technology, ang mga suliraning teknikal at kakulangan sa manggagawa ay nagpapabagal sa kanilang progreso. Sa patuloy na nagbabagong kalakarang pandaigdig, ang matibay na estratehiya sa depensa at internasyonal na kooperasyon ay lalong nagiging kritikal.
Hindi pa tapos ang labanan para sa hypersonic supremacy, ngunit ang landas ng Russia ay tila puno ng hamon na maaaring hubugin ang kinabukasan ng makabagong digmaan.