Pandaigdigang Isyu
Swiss intelligence nagbabala sa tumitinding banta ng paniniktik ng Russia at China
Ayon sa defense minister ng bansa, lubhang lumalala ang seguridad ng Switzerland simula nang salakayin ng Russia ang Ukraine noong 2022.
![Isang malaking video screen sa labas ng shopping mall sa Beijing ang nagpapakita kina Russian President Vladimir Putin (kanan) at Chinese President Xi Jinping na nagkakamayan sa Moscow noong Mayo 8. Ayon sa Swiss intelligence, ang pinakamatitinding banta ng paniniktik ay mula sa Russia at China. [Pedro Pardo/AFP]](/gc7/images/2025/07/16/51172-c_xi_putin-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Ang banta ng paniniktik ay mataas sa Switzerland habang tumitindi ang kawalan ng seguridad sa buong mundo, kung saan ang pangunahing banta ay nagmumula sa Russia at China, babala ng Federal Intelligence Service (FIS) ng bansa.
“Taun-taon ay lumalala ang sitwasyon sa seguridad sa Switzerland,” ayon sa FIS sa taunang ulat nito noong Hulyo 2.
“May mga palatandaan ng nalalapit na pandaigdigang tunggalian sa pagitan ng US sa isang panig, at ng China at Russia sa kabilang panig,” sabi ng FIS.
Ang pandaigdigang kalagayan ay may direktang epekto sa Switzerland, isang neutral na bansang tahanan ng maraming pandaigdigang organisasyon.
“Sa loob ng maraming dekada, naging mahalagang lokasyon ang Switzerland ng mga operasyon ng [foreign intelligence] sa Europe dahil nag-aalok ito ng napakaraming kapaki-pakinabang na target,” ayon sa FIS.
Ang mga banyagang espiya ay “nagpapanggap bilang mga diplomat, negosyante, kinatawan ng media, o turista,” dagdag ng ulat.
“Ang pinakamalaking banta ng paniniktik ... ay nananatiling mula sa Russia at China,” ayon sa FIS.
Nais nilang ilagay sa panganib o maimpluwensyahan ang mga pangunahing sangay ng pamahalaan at pulisya, gayundin ang mga kumpanya, internasyonal na organisasyon, dayuhang diplomatic mission, kinatawan ng media, kolehiyo at unibersidad, at iba pang institusyon ng pananaliksik," ayon sa ulat na Security 2025 ng Switzerland
Mga pagdukot, pagsabotahe, pagpaslang
Ang seguridad ng Switzerland ay "lumala nang matindi" mula noong pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong 2022, sabi ng Swiss Defense Minister Martin Pfister sa pag-aaral.
Ang Moscow at Beijing ay magpapatuloy sa pagsasagawa ng mga operasyon ng paniniktik sa Switzerland laban sa mga estado sa Kanluran, kabilang ang paghahanda para sa hybrid warfare, ayon sa FIS.
"Ang Switzerland ay nahaharap sa tumitinding panganib na magamit nang labag sa batas para sa paghahanda o pagsasagawa ng mga pagdukot, pagsabotahe, at pagpaslang sa ibang bansa," aniya.
Samantala, inaasahan ng FIS na hindi na bababa ang bilang ng kaso ng paniniktik laban sa mga lider ng oposisyon at mamamahayag na tumakas o namumuhay sa Switzerland.
"Ang Geneva, bilang isang internasyonal na lugar ng pagpupulong, ay mananatiling sentro ng ilegal na paniniktik," dagdag pa nito.
"Hindi pa kami nakaranas ng ganitong dami ng mga banta. Hindi kami mga tagamasid lamang: kami ay direktang naapektuhan," sabi ng direktor ng FIS na si Christian Dussey sa AFP.
Sinabi ni Dussey na ang estratehikong radar ng ahensya ay sumusubaybay sa 15 sentro ng mga aktibidad ng pandaigdigang krisis.
Ang mga dayuhang espiya ay interesado sa sektor ng makabagong teknolohiya sa Switzerland, dagdag pa niya.
Ang tumitinding kompetisyon ng mga makapangyarihang bansa ay dahilan upang maging pangunahing destinasyon ang Switzerland para makaiwas sa mga sanction na ipinataw laban sa Russia, ayon sa FIS.
"Ang Russia ay bumibili [ng mga bagay na kinakailangan para sa digmaan] mula sa mga kaalyansang bansa o patuloy na kinukuha ang mga ito sa mga bansa sa Kanluran, kabilang ang Switzerland, sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga sanction," ayon sa FIS.
Dagdag pa dito, sinabi ng ahensya na tumaas ang banta ng terorismo sa Switzerland dahil sa mga indibidwal na naiimpluwensyahan ng radikal na ideolohiyang Islamista.
"Ang paghikayat sa mga menor de edad sa radikal na paniniwala … ay kadalasang nangyayari online at mas mabilis na proseso kumpara sa mga matatanda," ayon dito.