Mga Umuusbong na Krisis
Kontrol ng katotohanan aral ng Kremlin mula sa Cold War
Dekada matapos bumagsak ang USSR, hindi pa rin natatapos ang laban ng Moscow; nagbago lang ng anyo at lumipat online.
![Mga t-shirt na may imahe ni Vladimir Putin at emblem ng USSR, ibinebenta sa isang gift shop sa Moscow noong Mayo 15. [Alexander Nemenov/AFP]](/gc7/images/2025/06/19/50856-history__1-370_237.webp)
Ayon kay Olha Chepil |
KYIV -- Matagal bago pa man ang mga satellite at nuclear standoffs, nahasa na ng Soviet Union ang sining ng digmaan nang walang armas. Mula 1945 hanggang sa pagbagsak nito, ginamit ng USSR ang propaganda at disimpormasyon upang palaganapin ang kanilang ideolohiya, guluhin ang mga kalaban, hatiin ang mga alyansa, at baguhin ang pananaw sa realidad.
Hindi nawala ang mga taktika nang bumaba ang watawat ng Soviet; ito ay isinama at ginamit sa pamamalakad ng makabagong Russia, muling ginamit para sa mga bagong layunin gamit ang mga kilalang pamamaraan.
"Isang tradisyunal na polisiya ito para sa Soviet Union at sa Russia,” ani Dmitry Gainetdinov, deputy director general ng National Museum of the History of Ukraine sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
"Pagwatak-watakin at pamunuan, sirain ang pagkakaisa ... bumuo ng gobyernong populista, pahinain ang mga naratibo. Lahat ng ito ay may saysay pa rin hanggang ngayon,” sabi niya sa Global Watch.
![Isang lalaki ang nagpapakita ng kopya ng Pravda sa harap ng opisina ng pahayagan sa Moscow noong Agosto 28, 1991. [Gerard Fouet/AFP]](/gc7/images/2025/06/19/50858-history__2-370_237.webp)
![Ang gusali ng Russian state news agency na TASS sa Moscow noong Enero 23, 2015. [Dmitry Serebryakov/AFP]](/gc7/images/2025/06/19/50859-history__3-370_237.webp)
Hindi nagsimula ang estratehiya sa Cold War. Nagsimula ito ilang dekada na ang nakalipas sa pamumuno ni Vladimir Lenin, na nagsabing ang kontrol sa impormasyon ay kasinghalaga ng kontrol sa teritoryo. Unti-unting naging pandaigdigang kampanya ang mga pagsisikap ng Soviet na manipulahin ang isipan -- gamit ang iba't ibang paraan mula sa state radio hanggang sa mga pekeng dokumento.
Sa kasalukuyan, ang mga parehong taktika ay umaalingawngaw sa mga social media feed at mga comment thread. Ang mensahe ay nananatiling politikal. Ang medium naman ay digital na. At ang layunin -- manipulahin, lituhin, at guluhin -- ay nananatili pa rin.
Disimpormasyon, pangkaraniwan na
Noong Cold War, pinamunuan ng KGB ang mga kampanya ng disimpormasyon ng Soviet Union. Sa loob nito, isang yunit na kilala bilang Service A ang nakatuon sa labanang propaganda -- hindi upang manghikayat kundi upang guluhin ang kalaban.
"Doon ang sentro ng makinarya ng propaganda,” sabi ni Pavlo Hai-Nyzhnyk, isang historian at political analyst mula sa National Academy of Sciences ng Ukraine, sa Global Watch.
"Kontrolado nila ang lahat at nagbigay ng mga templates na dapat sundan para maayosi ang mensahe."
Ang sistema ng propaganda ng Soviet ay nagpatakbo sa pamamagitan ng opisyal na mga media tulad ng TASS at Radio Moscow, kasama ang mga pekeng siyentipikong publikasyon, mga sentro ng kultura, at mga tinatawag na samahang pagkakaibigan. Ang layunin: ipasok ang mga naratibong Soviet sa diskursong Kanluranin at pahinain ang tiwala sa mga demokratikong institusyon.
"May mga samahang pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa na nagpapalaganap ng ideolohiyang Soviet. Ngayon, ginagamit ng Russia ang mga Russian House at kahalintulad na institusyon para gawin din iyon,” ani Gainetdinov.
Panlilinlang bilang estratehiya
“Ang punong tanggapan ng Novosti sa Moscow ay may isang section na binubuo ng 50 opisyal ng KGB na full-time na nagtatrabaho sa mga programang disimpormasyon,” isinulat ng historian na si Calder Walton noong 2022 sa Texas National Security Review, na bumabalangkas sa isang talumpati ni William Casey, dating direktor ng US Central Intelligence Agency (CIA), sa Dallas Council on World Affairs noong 1985.
Isa sa mga pinakakilalang kampanya ng KGB ay ang maling pahayag na ang AIDS ay nilikha umano sa mga laboratoryo ng CIA. Unang lumabas ang kwento sa isang pahayagan sa India bago kumalat sa Soviet at Kanluranin. Ayon sa mga analyst, layunin nitong pahinain ang tiwala sa siyensya at sa United States.
"Pinalabas nila na espesyal na operasyon ito ng CIA. Sandatang biyolohikal daw. Gumana ang kuwento,” ayon kay Ihor Reiterovych, pinuno ng political at legal programs ng Ukrainian Center for Social Development, sa panayam ng Global Watch.
Developing countries, arena para sa impluwensya
Kasabay ng pagtutok sa NATO, nilalayon ng Soviet Union na maimpluwensyahan ang mga developing countries sa pamamagitan ng propaganda at lihim na tulong. Pinapalaganap ng Radio Moscow ang mga pahayag sa iba't ibang wika, sumusuporta sa mga kilusang paglaya sa Asia, Africa, at Latin America, at inilalarawan ang USSR bilang "likas na kaalyado" ng mga inaapi.
"Sa kanilang propaganda, sinasabi nilang ang Soviet Union daw ang pinakamapagmahal sa kapayapaan. Ngunit kasabay nito, 'Kailangan nating maghanda ng armas dahil may gustong sumakop sa atin,'" ani Hai-Nyzhnyk.
Sa likod ng mga anti-kolonyal na slogan, naghatid ang Moscow ng mga armas, mga instruktor militar, at ideolohikal na pagsasanay sa mga kilusan at rehimen na sakop ng kanilang impluwensya.
"Dati, may mga sundalong Soviet. Ngayon, nandiyan ang Wagner. Nagbabago ang mga pangalan, pero pareho pa rin ang layunin,” ani Hai-Nyzhnyk, tumutukoy sa isang grupo ng mga mersenaryong nakipaglaban sa Ukraine at Africa para sa Kremlin.
Samahan ng mga agent
Hindi nagbago ang pinakadiwa ng propaganda ng Kremlin mula pa noong Cold War; ang nag-iba lamang ay ang lawak at paraan ng pagpapakita nito, ani Reiterovych.
"Noong Cold War, ang pinakamahalagang bagay ay hindi ang radyo kundi ang pagbuo ng isang samahan ng mga leader na nagbibigay ng mga opinyon. Sa opisyal na pahayag ay wala silang kinikilingan, ngunit sa katotohanan ay inuulit nila ang linya ng Kremlin,” paliwanag niya.
Nandiyan pa rin sila hanggang ngayon, kahit iba na ang tawag sa kanila. Sa Germany, madalas silang tinatawag naPutinversteher -- "ang mga nakakaintindi kay [Russian President Vladimir] Putin," banggit ni Reiterovych.
Ginagamit ng Russia ang mga ganitong indibidwal -- mga mananaliksik, aktibista, at mga influencer -- upang ikalat ang mga naratibo na aprubado ng bansa sa anyo ng malayang pag-iisip.
"Napakadaling magpalaganap ng mga naratibo gamit ang mga ganitong tao," aniya.
Bagong anyo, lumang layunin
Bagama't bago ang mga pamamaraan na ginagamit ngayon -- tulad ng TikTok, Telegram, at mga troll farm -- nananatili ang layunin ng Kremlin: maghasik ng pagdududa, magpalaganap ng kaguluhan, at pahinain ang tiwala, ayon sa mga analyst.
"“Hindi nila layuning patunayan na sila ang tama -- ang gusto lang nila ay magkalat ng kasinungalingan, magpasimula ng iskandalo, at pilitin ang kalaban na magpakita ng ebidensya,” ani Reiterovych.
Sa panahon ng pagdagsa ng impormasyon online, ang kinalalabasan ay kalituhan.
“Sobrang daming mga walang kwentang ideya ang kanilang ikinakalat kaya nalulunod na sa putik ang publiko,” aniya.
Ang mga hakbang na ito ay sumusunod sa estratehiyang nagmula pa sa doktrina ng panahong Soviet. Patuloy pa rin ang pagpapatakbo sa mga unibersidad na dating nagsanay ng mga espesyalista sa disimpormasyon, at marami sa mga namumuno sa mga kampanya ngayon ay produkto ng edukasyon noong panahon ng USSR.
"Ang tanging nagbago lang ay ang saklaw,” ani Reiterovych.
Hindi nawala ang mga taktika; nagbago lamang ang anyo, ayon sa mga historian.
Samantala, nananatili ang diwa: ang layunin ng disimpormasyon ay pagpaparalisa.
Layunin nitong pahinain ang loob at ang pagkaunawa ng publiko. Para sa mga analyst, nananatiling mahalaga ang mga aral ng Cold War: ang panlaban ay bukas na impormasyon, edukasyon, at matatag na demokratikong mga institusyon.