Mga Istratehikong Usapin

UK nakiisa sa pagpalakas ng depensa ng Europe laban sa Russia

Iminungkahi sa estratehikong pagsusuri ng Britain ang 'tuluy-tuloy' na lokal na produksyon ng bala, pagpapalaki ng suplay ng bala, at dagdag na pamumuhunan sa mga long-range strike system.

Si British Prime Minister Keir Starmer habang nagbibigay ng talumpati sa pagbisita sa pasilidad ng BAE Systems sa Govan, Glasgow noong Hunyo 2. Inihayag niya ang planong paggawa ng 12 bagong attack submarine bilang bahagi ng malawakang pagsusuri sa depensa, tugon sa 'tumitinding' agresyon ng Russia at sa nagbabagong anyo ng digmaan. [Andy Buchanan/AFP]
Si British Prime Minister Keir Starmer habang nagbibigay ng talumpati sa pagbisita sa pasilidad ng BAE Systems sa Govan, Glasgow noong Hunyo 2. Inihayag niya ang planong paggawa ng 12 bagong attack submarine bilang bahagi ng malawakang pagsusuri sa depensa, tugon sa 'tumitinding' agresyon ng Russia at sa nagbabagong anyo ng digmaan. [Andy Buchanan/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Ang United Kingdom ang pinakabagong bansa mula Europe na pinalakas ang depensa bilang tugon sa lumalalang agresyon ng Russia, kasunod ng Germany at iba pang mga makapangyarihang bansa.

Nangako si Prime Minister Keir Starmer noong Hunyo 1 na "ibabalik ang kahandaan sa digmaan ng Britain" at muling pinagtibay ang kanyang pangako na dagdagan ang pondo sa depensa bilang bahagi ng malawakang Strategic Defense Review na inilabas noong Hunyo 2.

"Ibabalik natin ang kahandaan sa digmaan ng Britain bilang pangunahing layunin ng ating sandatahang lakas," isinulat ni Starmer sa The Sun, na may kalakip na pangakong palakasin ang produksyon ng armas at isulong ang modernisasyon ng kakayahang militar upang tugunan ang mga nagbabagong banta.

Binigyang-diin ni Defense Secretary John Healey ang kahalagahan ng agarang aksyon, binanggit ang "lumalalang agresyon ng Russia," kabilang ang araw-araw na cyberattack laban sa sistemang pangdepensa ng United Kingdom.

"Tayo'y nasa isang mundong patuloy na nagbabago... at ang mundong ito ay puno ng dumaraming banta," sinabi ni Healey sa panayam ng BBC. Bukod sa mga kilos ng Russia, ipinahayag din niya ang mga bagong panganib na nukleyar at tumitinding tensyon sa buong mundo.

Iminungkahi sa estratehikong pagsusuri ng Britain ang ‘tuluy-tuloy’ na lokal na produksyon ng bala, at inilatag ang mga planong palakihin ang suplay ng mga bala at madagdagan ang pamumuhunan sa mga long-range strike system at kakayahan sa cyber warfare.

Pagpapalakas sa kakayahan ng attack-submarine

Naitakda na ang £6 bilyon ($8.1 bilyon) para sa mga bagong armas at bala sa London, kasama ang karagdagang £1 bilyon ($1.4 bilyon) para sa paglulunsad ng “cyber command” sa bansa. Inaasahang malilikha at masusuportahan ang 1,800 trabaho sa sektor ng depensa dahil sa planong ito.

Ipinahayag ng gobyerno na itatayo ang hanggang 12 mga bagong attack submarine bilang bahagi ng alyansang militar na AUKUS kasama ang Australia at United States.

Nagbabala si Starmer na, “Ang banta na hinaharap natin ngayon ay tinuturing na higit na malubha, mas agarang dapat tugunan, at mas walang katiyakan kaysa noong panahon ng Cold War.”

"Humaharap tayo sa digmaan sa Europe, mga bagong panganib na nukleyar, araw-araw na cyber-attack, lumalalang agresyon ng Russia sa ating mga katubigan, at banta sa ating himpapawid," dagdag niya.

Ang Britain ay nagpapalakas ng depensa bilang bahagi ng malawakang pagbabago sa Europe.. Noong Mayo, inihayag ni German Chancellor Friedrich Merz ang kanyang planong bumuo ng "pinakamalakas na conventional army" sa Europe.

"Inaasahan ito sa atin ... ng ating mga kaibigan at kaalyado. Sa katunayan, halos ipilit nila ito sa atin," sinabi ni Merz sa mga mambabatas sa Berlin. Binigyang-diin niya na ang kahalagahan ng lakas bilang panlaban. "Ang sinumang naniniwalang makukuntento ang Russia sa tagumpay laban sa Ukraine... ay nagkakamali."

Nalampasan na ng Germany ang itinakdang pamantayan ng NATO na 2% ng GDP para sa paglalaan ng pondo sa depensa, at nakatakdang isaayos ang proseso ng pamimili ng kagamitan, palawakin ang hanay ng sandatahang lakas, at posibleng muling ibalik ang obligadong serbisyo militar kung hindi sapat ang mga boluntaryong sasali.

Isang ulat mula sa Danish intelligence ang nagbabala noong unang bahagi ng taon na naghahanda ang Russia para sa posibleng labanan laban sa NATO at maaaring ilipat ang puwersa sa silangang bahagi ng alyansa kapag natapos ang operasyon sa Ukraine.

Ipinangako ng pamahalaan ni Starmer na itataas ang pondo sa depensa hanggang 2.5% ng GDP pagsapit ng 2027, na may layuning umabot sa 3% pagsapit ng 2029. Plano nitong bawasan ang tulong sa ibang bansa upang pondohan ang pagpapalakas ng depensa.

Sa nalalapit na pagsusuri, na pangungunahan ni dating NATO secretary general George Robertson, itatakda ang Russia bilang "agad-agad at matinding" panganib, habang bibigyang-pansin din ang mga banta mula sa China, Iran, at North Korea.

"Pinalalakas natin ang industriyal na pundasyon ng UK upang mas epektibong mapigilan ang ating mga kalaban, mapanatili ang seguridad ng bansa, at patatagin ang lakas nito sa ibang bansa," ani Healey.

Dagdag pa ni Starmer na ang makabagong depensa ay "pagsasama-sama ng lahat ng kakayahan natin, mula sa drone, artilerya, hanggang sa talino ng tao, sa isang malakas na makinaryang pandigma."

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *