Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

Germany: Pinalalakas ang pwersa ng NATO sa silangang bahagi ng Lithuania dahil sa tumataas na pangamba

Ang estratehikong lokasyon ng Lithuania — na nasa pagitan ng Kaliningrad, isang hiwalay na teritoryo ng Russia, at ng Belarus, isang kaalyado ng Moscow — ay lantad sa panganib ng lumalalang tensiyon.

Ang mga sundalo ng Bundeswehr ay lumahok sa Griffin Lightning exercise sa Paprade training area sa Lithuania habang bumibisita ang ministro ng depensa ng Germany noong Marso 7, 2023. [Kay Nietfeld/DPA/AFP]
Ang mga sundalo ng Bundeswehr ay lumahok sa Griffin Lightning exercise sa Paprade training area sa Lithuania habang bumibisita ang ministro ng depensa ng Germany noong Marso 7, 2023. [Kay Nietfeld/DPA/AFP]

Ayon kay Olha Hembik |

WARSAW -- Mula nang sinalakay ng Russia ang Ukraine noong 2022, patuloy na pinalawak ng NATO ang kanilang pwersang militar sa silangang bahagi ng alyansa — mula sa mga multinasyonal na batalyon hanggang sa mga paikut-ikot na pagpapadala ng pwersang militar.

Ang pinakabagong hakbang ng Germany ay nagpapatibay sa naturang pundasyon. Kasabay ng mas malawak na pagsisikap ng NATO upang hadlangan ang agresyon ng Russia, permanenteng magpapadala ang Berlin ng isang armored brigade na binubuo ng 5,000 sundalo sa Lithuania.

Ang desisyong ito ay nagmula sa isang anunsiyo noong 2023 ni Defense Minister Boris Pistorius, na naglahad ng mga planong palakasin ang silangang bahagi ng NATO.

Ito ang kauna-unahang permanenteng pagpapadala ng mga sundalong Germany sa ibang bansa mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sundalong German at sundalong Lithuanian, nakahawak sa watawat ng Germany bago ito itinaas sa pormal na seremonya ng pagpapasinaya ng brigada ng Bundeswehr sa Vilnius, Lithuania, noong Abril 1. [Alexander Welscher/DPA/AFP]
Sundalong German at sundalong Lithuanian, nakahawak sa watawat ng Germany bago ito itinaas sa pormal na seremonya ng pagpapasinaya ng brigada ng Bundeswehr sa Vilnius, Lithuania, noong Abril 1. [Alexander Welscher/DPA/AFP]

Ang hakbang na ito ay naglalayong palakasin ang depensa ng teritoryo ng Lithuania at Germany, alinsunod sa isang roadmap na nilagdaan sa Vilnius noong Disyembre 18, 2023, nang magsimula ang pagbuo ng brigada.

Tinitiyak ang seguridad ng mga kaalyado

Ang Ika-45 Armored Brigade ay pormal na inilunsad ng NATO sa isang seremonya sa Vilnius noong Abril 1, kung saan ipinakita ang opisyal na sagisag nito — na ngayon ay isinusuot na sa mga balikat ng mga kasapi ng brigada. Itinatampok ng sagisag ang pambansang kulay ng Germany at Lithuania.

"Mayroon kaming malinaw na layunin: matiyak ang proteksyon, kalayaan, at seguridad ng aming mga kaalyadong Lithuanian sa silangang bahagi ng NATO," ani German Brig. Hen. Christoph Huber sa isang seremonya.

"Sa pagsasakatuparan nito, pinoprotektahan din namin ang teritoryo ng NATO -- at ang mismong Germany," dagdag niya.

Ang brigada ay bubuuin ng iba't ibang batalyon, kabilang ang Ika-203 Tank Battalion mula sa Augustdorf at ang Ika-122 Mechanized Infantry Battalion mula sa Oberviechtach.

Ito ay kabibilangan ng support unit tulad ng isang medical center, isang signal company at mga command support team.

Ang unit ay itatalaga sa isang bagong military complex sa Rūdninkai, humigit-kumulang 30 kilometro sa timog ng Vilnius, at inaasahang magiging ganap na operational pagsapit ng taong 2027.

"Ang pagtaas ng bilang ng mga kaalyadong pwersang militar sa Lithuania at sa [iba pang] mga estado sa Baltic ay isa sa mga estratehikong layunin, dahil nagsisilbi itong paraan upang pigilan ang isang potensyal na kalaban," sabi ng isang Lithuanian journalist na nag-uulat tungkol sa isyung pampulikita para sa Current Time na si Denis Kishinevsky, sa Kontur, isang publikasyong kaugnay ng Global Watch.

"At sa lahat ng mga dokumento ng gobyerno -- sa Latvia man o sa Estonia -- ang mga pangunahing kalaban ay tumutukoy sa... Russia at Belarus, na nawawalan na ng huling natitirang bakas ng soberanya nito."

Sa kasalukuyan, 150 sundalong German ang nakatalaga sa Lithuania. Inaasahang aabot ito sa 500 bago magtapos ang taon.

Panindak

Ang estratehikong lokasyon ng Lithuania — na nasa pagitan ng Kaliningrad, isang hiwalay na teritoryo ng Russia, at ngBelarus, isang kaalyado ng Moscow -- ay lantad sa panganib ng lumalalang tensiyon. Ang Kaliningrad ay tahanan ng mga sundalong Russian, mga fighter jet, mga Baltic Fleet, at ng mga Iskander missile na may kakayahang maglunsad ng sandatang nuklear.

Ang seguridad ng Lithuania ay lalo pang pinalulubhang isang makitid na lupang nag-uugnay sa Poland, ayon kay Stanislav Zhelikhovsky, isang political scientist na mula sa Ukraine.

"Mayroong mga ispekulasyon na kung nanaisin ng Russia na salakayin ang teritoryo ng NATO, ito ay isasagawa mula sa dalawang direksyon -- Kaliningrad at Belarus," aniya.

Sa naturang senaryo, maaaring ihiwalay ng Russia ang mga estado sa Baltic sa natitirang bahagi ng NATO, na mag-iiwan sa mga ito ng panganib dahil sa kanilang maliit na puwersang militar, dagdag niya.

Itinuturing ni Zhelikhovsky na ang pagpapadala ng pwersang militar ng Germany ay nagsisilbing panindak.

Ayon sa kanya, "Mahalaga ang Germany sa Europe at sa buong mundo. Hindi lamang ito nagpapalakas sa seguridad ng Lithuania kundi isa ring panindak. [Ang paghamon sa Germany] ay magkakaroon ng mabigat na kapalit para sa Moscow."

Kinakailangan ng Lithuania ang pwersa ng NATO sa mismong teritoryo nila at hindi lamang sa kasunduan na wala namang aktwal na sundalo ng NATO ang nakikita, ani Kishinevsky, ang journalist.

Kung lalaki ang pwersa ng NATO sa mga estado sa Baltic, binanggit niya, "magiging mas mahirap para sa Russia na salakayin [sila], lalo na ang Lithuania, dahil ito ay magiging isang magkaibang uri ng labanan."

Itinuturing ng Germany ang pagbibigay ng isang malaking unit bilang tanda ng pagkakaisa sa loob ng NATO sa panahon ng Zeitenwendeisang pagbabago ng direksyon sa patakarang pang-depensa na inihayag ni Chancellor Olaf Scholz ilang araw matapossalakayin ng Russia ang Ukraine.

"Tinatanggap namin ang hamong kinahaharap namin ngayon -- nang may malinaw at matatag na pasya," sabi ni Scholz sa kanyang talumpati sa parliyamento noong 2022.

Ang naturang pagpapadala ng pwersa, na inilalarawan bilang pagpapakita ng pagkakaisa sa NATO, ay isinakatuparan bilang pagtupad sa pangako ng Germany na ipagtanggol ang isang malaya at demokratikong Europe.

Pananagutan sa sariling depensa

Ang pagpapadala ng Germany ng isang permanenteng brigada sa Lithuania ay pinupuri ng mga analyst sa larangan ng seguridad.

"Dapat ipagdiwang ng Washington ang bagong base militar ng Germany sa Lithuania at hikayatin ang iba pang... mga bansa sa Western Europe na tularan ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga base sa Latvia at Estonia," isinulat ni Wilson Beaver, isang senior policy advisor sa Heritage Foundation, noong Abril.

"Ito ay magiging batayan," ayon kay Jerzy Mazur, isang military analyst at retiradong opisyal ng Poland. "[Ito'y] nangangahulugang ang NATO ay kumikilos upang mapalakas ang depensa, at hindi lamang sa pagpapahayag ng suporta. Isa rin itong pagpapakita ng pakikiisa ng Germany sa Lithuania at sa buong silangang bahagi ng alyansa.”

Ayon sa kanya, ang desisyong ito ay maaaring magdulot ng mas marami pang pagpapadala ng mga kaalyadong pwersa sa rehiyon. “Mapapalakas nito ang kabuuang antas ng seguridad sa rehiyon.”

Nagsimula na ang pagsasanay ng ika-45 Armored Brigade ng Germany, at patuloy ang pagpapatayo ng magiging base nito sa Rūdninkai.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *