Pandaigdigang Isyu

Mga underwater drone ng China, banta sa seguridad ng Pilipinas

Ang pinaghihinalang underwater drone ng China na maaaring gamitin sa underwater warfare (labanan sa ilalim ng dagat) ay ikinababahala sa usaping pambansang seguridad sa gitna ng mga alitan sa teritoryo.

Ipinakita ni Philippine naval Rear Adm. Roy Trinidad ang mga underwater drone na na-recover noong Abril 15, na nagpapatunay sa kakayahan nitong mangolekta ng datos na posibleng magamit sa 'underwater warfare.' [Ted Aljibe/AFP]
Ipinakita ni Philippine naval Rear Adm. Roy Trinidad ang mga underwater drone na na-recover noong Abril 15, na nagpapatunay sa kakayahan nitong mangolekta ng datos na posibleng magamit sa 'underwater warfare.' [Ted Aljibe/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Sa gitna ng tumitinding alitan ng China at Pilipinas sa teritoryo sa South China Sea, ang kamakailang pagkakatuklas ng mga hinihinalang underwater drone na inuugnay sa China ay nagdulot ng matinding pagkakabahala sa usaping seguridad.

Ayon sa military ng bansa noong Abril 15, ang limang underwater drone na natagpuan ng mga Pilipinong mangingisda ay may kakayahang mangolekta ng datos na magagamit sa "underwater warfare," binanggit din na mayroon itong signal na naipadala patungong China.

Ang pagbubunyag na ito ay kasunod ng mga buwang kumprontasyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa South China Sea at naganap habang naghahanda ang Manila para sa malawakang pagsasanay militar kasama ang kaalyadong US ngayong buwan.

Ang limang underwater drone ay natagpuan sa pagitan ng 2022 at 2024 sa mga lugar na itinuturing na "mahalaga sa pangmatagalang seguridad" para sa depensa at seguridad ng bansa at para sa international maritime navigation, pahayag ng mga opisyal ng Philippine military noong Abril 15.

Nagsagawa ng pagsusuri ang Philippine National Police sa mga underwater drone na inuugnay sa China na natuklasan ng mga Pilipinong mangingisda sa baybayin ng Isla ng Masbate noong nakaraang Disyembre 30. [Philippine National Police Kasurog Bicol/Facebook]
Nagsagawa ng pagsusuri ang Philippine National Police sa mga underwater drone na inuugnay sa China na natuklasan ng mga Pilipinong mangingisda sa baybayin ng Isla ng Masbate noong nakaraang Disyembre 30. [Philippine National Police Kasurog Bicol/Facebook]
Itong litrato na walang petsa ay nagpapakita ng isang underwater drone na may mga tatak na Chinese na natuklasan sa katubigan sa gitnang bahagi ng Pilipinas noong nakaraang Disyembre 30. [Handout/Philippine National Police Regional Office 5]
Itong litrato na walang petsa ay nagpapakita ng isang underwater drone na may mga tatak na Chinese na natuklasan sa katubigan sa gitnang bahagi ng Pilipinas noong nakaraang Disyembre 30. [Handout/Philippine National Police Regional Office 5]

"Ang mga ito ay may kakayahang makatanggap, magproseso, mag-imbak ng datos at magpadala ng datos sa pamamagitan ng mga komunikasyon sa satellite patungo sa estasyon sa lupa, sa punong barko, o sa iba pang mga drone," ani Rear Adm. Roy Trinidad, ang tagapagsalita ng Philippine navy para sa mga usaping tungkol sa South China Sea, ayon sa Philippine News Agency.

Ang pagkolekta ng datos ay magagamit sa layuning "higit pa sa nabigasyon," ayon kay Trinidad, dinagdag din na ang mga kagamitan ay ginamit sa pag-mapa sa ilalim ng dagat at pag-imbak ng bathymetric data na mahalaga sa estratehiyang militar sa ilalim ng dagat.

Nagmula sa China

Kinumpirma ng mga opisyal ng Pilipinas na ang isa sa limang na-recover na drone -- isang dilaw na modelong "HY-119" na nakuha mula sa Isla ng Masbate noong Disyembre 30 -- ay nagmula sa China.

"Ito ay isang submersible drone na gawang-Chinese," sabi ni Philippine National Police Maritime Group chief Jonathan Cabal sa isang pagdinig sa Senado noong Enero 15, ayon sa Philstar.com.

"Walang ganitong submersible drone na pangkomerso dito sa atin. Kaya palagay namin ay hindi ito ginagamit pangkomersyal, kung hindi, isang kagamitang militar o sa larangang siyentipiko."

Itinuro ni Brig. Gen. Andre Dizon, hepe ng Masbate, ang kakayahan ng drone na magkaroon ng komunikasyong satellite para sa pagpapadala at pagtanggap ng datos at mga voice message, ayon sa ulat ng Naval News noong Enero 3.

"Batay sa nakitang tatak, isa itong underwater navigation at communication system ng China," ani Dizon.

Ayon sa isang ulat ng Naval News noong Enero, ipinakita na ang drone ay isang "Sea Wing" glider na ginawa ng Chinese Institute of Oceanology, na may kakayahang umabot sa lalim na mahigit 6.4km at maaaring magpalakas sa submarine fleet ng China sa pamamagitan ng kakayahang magmatyag at magsiyasat.

Bagaman hindi pa tahasang tinukoy ng mga awtoridad ng Pilipinas ang China bilang pinagmulan ng mga iba pang drone, malinaw ang ebidensyang tumuturo sa kanila.

Ang isa sa mga drone ay mayroong subscriber identity module card, na huling nakipag-ugnayan sa isang mainland Chinese network, habang ang iba naman ay mayroong tatak na Chinese.

Ayon sa pagsusuri ng mga opisyal ng Pilipinas, tinatayang may 55% hanggang 80% na posibilidad na ang mga drone ay ipinadala ng China, batay sa mga pyesa at ugnayang pangkomunikasyon ng mga ito.

Ibinahagi rin ni Trinidad ang natuklasang iridium transceiver na may serial number mula sa HWA Create. Ang HWA Create, na may punong-tanggapan sa Beijing, ay nakatuon sa pagbibigay ng mga solusyong pangdepensa, sibilyan, pampamahalaan, at pang-industriya.

Samantala, natagpuan ang isa pang drone na may mga sensor para sa konduksyon, temperatura, at lalim (CTD) at isang battery pack na may tatak na "China Electronics Technology Group (CETG)."

Ang CETG Corporation ay pag-aari ng estado na nakatuon sa integrasyong sibil-militar ng teknolohiyang impormasyon. Ang mga CTD sensor ay maaaring magbigay ng mahahalagang datos upang maunawaan ang mga pisikal na katangian ng karagatan.

Estratehikong pagkakalagay

Ang mga lokasyong kung saan natuklasan ang mga drone, mula sa hilagang Luzon hanggang sa katimugang Mindanao, kabilang ang dalawang malapit sa Balintang Channel sa timog bahagi ng Taiwan at iba naman sa hilagang baybayin ng Luzon, ay nagpapakita ng kanilang estratehikong pagkakalagay sa mga pangunahing daluyan ng dagat at kritikal na masisikip na salubungan tulad ng Isla ng Masbate at Mindanao.

Ang malawak na heograpical na pagkakalat na ito ay nagpapabahala sa mga opisyal ng Pilipinas hinggil sa isang pangmatagalang lihim na pagmamatyag na tumututok sa mga katubigan ng Pilipinas.

Hindi agad nagbigay ng tugon ang Chinese embassy nang hingan ng komento.

Nagbabala si Department of Energy Undersecretary Alexander Lopez, tagapagsalita ng National Maritime Council, na ang ganitong uri ng aktibidad sa ilalim ng dagat ay nagpapakita ng pagnanasang magpalakas ng impluwensya sa mga pinag-aagawang lugar.

"Sa madaling salita, ganoon na kalayo ang gusto nilang pasukin sa ating teritoryo sa karagatan," aniya noong Abril, ayon sa mga ulat ng balita.

Bagamat ang mga datos tulad ng bathymetric readings ay maaaring gamitin sa larangang siyentIpiko, iginiit ni Trinidad ang pangunahing papel ng mga ito sa operasyong kaugnay sa submarino, pag-iwas sa sonar at labanan sa ilalim ng dagat -- isang larangang mapanganib para sa isang bansang napapaligiran ng katubigan, gaya ng Pilipinas.

"Isa itong usapin sa pambansang seguridad," sabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino noong Abril. Hinihikayat niya ang pagbabantay ng seguridad ng publiko. Ginagamit umano ng China ang mga drone na ito sa pag-imbak ng datos sa ilalim ng dagat para sa layuning militar, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.

Binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan sa pangangalaga ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng mga diplomatiko at legal na pamamaraan.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *