Mga Umuusbong na Krisis

Solusyon ng Tsina sa hadlang na First Island Chain

Hindi lamang pagpapabuti ng paglalayag ang layunin ng patuloy na pagsisiyasat ng Beijing sa kailaliman ng dagat, kundi pati ang gawing mas maluwag ang heograpiyang matagal nang pumipigil sa kapangyarihang pandagat ng Tsina, lalo na sa panahon ng krisis.

Isang sasakyang-pananaliksik ng Tsina na Dong Fang Hong 3 ang namataan sa Qingdao, China noong 2024. Iniuugnay ang barko sa paulit-ulit na mga aktibidad ng pagsisiyasat sa mga estratehikong mahalagang katubigan malapit sa Taiwan, Guam, at mga pangunahing chokepoint sa Indo-Pacific. [Liang Xu/XINHUA/AFP]
Isang sasakyang-pananaliksik ng Tsina na Dong Fang Hong 3 ang namataan sa Qingdao, China noong 2024. Iniuugnay ang barko sa paulit-ulit na mga aktibidad ng pagsisiyasat sa mga estratehikong mahalagang katubigan malapit sa Taiwan, Guam, at mga pangunahing chokepoint sa Indo-Pacific. [Liang Xu/XINHUA/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Matagal nang itinakda ng First Island Chain ang estratehikong mapa ng Silangang Asya. Mula sa Japan, dumaraan ito sa Taiwan hanggang sa Pilipinas, na naghihiwalay sa mga baybaying katubigan ng Tsina mula sa mas malawak na Pasipiko, habang pinadaraan ang mga sasakyang-dagat sa iilang lagusang pandagat.

Ang heograpiya na iyon ang sentro ng problema ng Beijing.

Sa anumang komprontasyon, maaaring bantayan, higpitan, o kuwestyunin ng Estados Unidos at ng mga kaalyado nito ang mga daanan sa chain, na nililimitahan ang kalayaan ng People’s Liberation Army Navy na makalampas sa mga karatig-dagat ng Tsina sa kapaki-pakinabang na mga kondisyon.

Nakakatulong itong ipaliwanag kung bakit labis na nababahala ang mga estratehista ng Tsina sa naturang chain.

Isang eroplano ng U.S. Navy na P-8 Poseidon na ginagamit sa pagmamanman ang namataan na umiikot malapit sa barko ng Chinese Coast Guard sa South China Sea noong 2023. [Ted Aljibe/AFP]
Isang eroplano ng U.S. Navy na P-8 Poseidon na ginagamit sa pagmamanman ang namataan na umiikot malapit sa barko ng Chinese Coast Guard sa South China Sea noong 2023. [Ted Aljibe/AFP]

Sinabi ng dating naval attaché ng Australia na si Peter Leavy sa Reuters na ang Tsina ay "paranoid dahil napapalibutan ito o naipit sa First Island Chain." Direkta ang pahayag na iyon, pero inilalarawan nito ang estratehikong lohika sa likod ng kampanya ng Beijing sa pagmamapa.

Natuklasan ng Reuters na ang mga barkong pananaliksik ng Tsina ay nakatuon sa mga katubigang malapit sa Taiwan, Guam, at sa mga daanan patungong Malacca Strait, na diumano’y nangangalap ng sensitibong datos militar at nagdudulot ng pangamba sa maraming bansa.

Hindi lang basta karaniwang lugar ng pananalik ang mga ito. Sa halip, ito ang mga daanang magiging pinakamahalaga kung sakaling magtangkang magpadala ang Beijing ng mga submarine at barkong pandigma patungo sa mas malawak na Pasipiko sa panahon ng krisis.

Ang mga ito rin ang parehong mga lagusan na humuhubog sa kung paano kikilos ang mga submarine ng U.S. at mga kaalyado nito patungong South China Sea.

Ito ang nagbibigay ng kahalagahan sa mga lugar gaya ng Bashi Channel at Luzon Strait: hindi ito mga nasa gilid na katubigan lamang, kundi mga estratehikong daanan sa magkabilang direksiyon.

Heograpiya bilang pananggalang

Ang detalyadong kaalaman sa kailaliman ng dagat ay hindi lamang nagpapabuti sa mga nautical chart. Binabawasan din nito ang kawalang-katiyakan sa mga lugar kung saan ito ang pinakamahalaga.

Noong Marso, sinabi ni Rear Admiral Mike Brookes ng Office of Naval Intelligence sa U.S.-China Economic and Security Review Commission na ang bathymetric intelligence ay nakatutulong sa "submarine navigation, pagtatago, at paglalagay ng mga seabed sensor o armas." Sa madaling salita, ang mas mahusay na pagmamapa ay maaaring magamit upang mapahusay ang access sa militar.

Ang lohika ring ito ang tumutulong magpaliwanag kung bakit nagdudulot ng pangamba ang mga misyong ito sa mga kalapit na bansa. Marami sa mga ito ang isinasagawa sa loob ng exclusive economic zones ng ibang bansa, lalo na malapit sa Pilipinas at sa paligid ng Taiwan, kung saan napakasensitibo na ng mga usaping legal at pulitikal.

Ipinapakita ng Beijing ang mga paglalakbay na ito bilang siyentipikong pananaliksik. Madalas tinitingnan ng mga pamahalaan sa rehiyon ang mas malaking epekto: paghahanda para sa mas pangmatagalan at mas kapaki-pakinabang na presensyang militar ng Tsina sa mga pinagtatalunang karagatan.

Para sa Pilipinas, hindi abstract ang isyu. Ang mga aktibidad sa mga pinagtatalunang saklaw ng dagat ay nakaaapekto sa access sa pangingisda, mga posibilidad sa enerhiya sa dagat, at sa pang-ekonomiyang seguridad ng mga komunidad sa baybayin, sa gitna ng pinalakas na presensya ng Beijing sa pagpapadala ng mga barkong militia paggawa ng mga artipisyal na isla at panggugulo sa mga mangingisdang Pilipino.

Ngunit may epekto sa dalawang panig ang heograpiya.

Sinisikap ng Tsina na mapabuti ang access sa mga katubigan na ilang dekada nang sinusubaybayan ng Estados Unidos at mga kaalyado nito sa pamamagitan ng nakakalat na pagmamanman sa ilalim ng dagat at matagal nang itinatag na kooperasyong panrehiyon.

Mahalaga ito dahil ang bentahe ng mga kaalyado rito ay hindi lamang nakasalalay sa mga Amerikano. Nakabatay ito sa mas malalim na network: mga sistema ng pagmamanman sa ilalim ng dagat ng U.S. na nag-ugat sa SOSUS legacy noong Cold War, pagbabantay sa dagat ng Japan, kakayahan ng Australian P-8 patrol, at mga kaayusan sa pagbabahagi ng impormasyon na magkakasamang lumilikha ng mas malawak na larawan ng mahahalagang daanan na hindi pa kayang gawin ng Tsina sa sarili nitong kakayahan.

Paghihigpit sa pagdaan

Hindi lamang sa galaw ng hukbong-dagat ang kahalagahan nito. Lubos na umaasa sa matatag na access sa mga katubigan ang mga bansang nasa kahabaan ng First Island Chain.

Umaasa ang Japan sa mga daloy ng enerhiya mula sa dagat. Nakadepende naman ang Taiwan sa maaasahang komersyal na pagpapadala. Nakaugnay ang Australia sa parehong mas malawak na sistemang pangkalakalan sa Indo-Pacific, kung saan ang pagkaantala sa ilang lagusan ay mabilis na nakakaapekto sa gastos ng kargamento, pagkaantala sa iskedyul ng paghahatid, at panganib sa kalakalan.

Mas lalong nalalantad ang maliliit na bansa sa Pasipiko. Marami sa kanila ang kulang sa kakayahang pandagat upang maimpluwensiyahan ang mga pangyayari sa nakapaligid na karagatan, ngunit nananatiling lubhang sensitibo sa mga pagkaantala, pagbabago ng ruta ng trapiko, at pagtaas ng halaga ng insurance.

Iyan ang dahilan kung bakit hindi lamang tungkol sa kaalaman sa kailaliman ng dagat ang kampanya ng Tsina sa pagmamapa. Bahagi ito ng mas malawak na pagsisikap na bawasan ang hadlang na dulot ng heograpiya at gawing mas maluwag ang mahahalagang ruta sa panahon ng krisis.

Gayunpaman, nakatuon ang mga survey na ito sa mga daanan na matagal nang bahagi sa plano ng mga kaalyado, sa kanilang pagmamanman, at sa nakatagong arkitektura ng komunikasyon sa ilalim ng dagat.

Hindi nagbubukas ng bagong hangganang pandagat ang Tsina. Sa halip, sinisikap nitong gawing hindi na gaanong mabigat ang isang matagal nang hadlang.

Iyan ang tunay na kahalagahan ng kampanyang ito. Hindi basta nagmamapa ang Beijing ng mga katubigang walang estratehikong halaga. Sinisikap nitong paluwagin ang isang estratehikong hadlang na patuloy na humuhubog sa access, panganib, at tiyempo ng operasyong militar sa buong kanlurang Pasipiko.

Gusto mo ba ang artikulong ito?