Mga Umuusbong na Krisis
Korapsyon, binubuksan ang pinto para sa planong gawin ng Tsina sa Palau
Lumilitaw ang mga alegasyon ukol sa korapsyon at panghihimasok ng mga dayuhan sa mga bansang may estratehikong kahalagahan tulad ng Palau, habang pinalalakas ng Tsina ang mga kampanya nito para palawakin ang impluwensiya.
![Nakatingin ang mga US airmen sa mga isla ng Micronesia habang isinasagawa ang Operation Christmas Drop noong Disyembre 14, 2010. Nagsimula pa noong 1952, ang Operation Christmas Drop ay ang pinakamatagal nang humanitarian mission ng Air Force. Hanggang ngayon, ipinagpapatuloy ng mga airmen ang tradisyong ito ng paghahatid ng mga supply sa mga liblib na isla ng Commonwealth of the Northern Mariana Islands, Yap, Palau, Chuuk at Pohnpei. [StockTrek Images via AFP]](/gc7/images/2026/02/23/54699-afp__20260201__stk104124m__v1__highres__airmenpushoutapalletofdonatedgoodsfromac130h-370_237.webp)
Pandaigdigang Pagsubaybay |
Ang mga paratang ng korapsyon laban kay Palauan Senate President Hokkons Baules ay nagbibigay-diin sa patagong pagsisikap ng Tsina na palawakin ang impluwensya nito sa Pasipiko.
Noong Pebrero 10, pormal na pinagbawalan ng US si Baules at ang kanyang pamilya na makapasok sa Amerika.
"Inabuso ni Baules ang kanyang pampublikong posisyon sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga suhol kapalit ng pagtataguyod ng adbokasiya at pagsuporta sa mga interes ng pamahalaan, negosyo, at ng mga kriminal mula sa Tsina," pahayag ni Tommy Pigott, tagapagsalita ng US Department of State.
"Ang kanyang mga pagkilos ay maituturing na kapansin-pansing korapsyon at nagdulot ng masamang epekto sa mga interes ng US sa Palau," dagdag pa niya.
Si Baules ay naging simbolo kung paano nagiging daan ang korapsyon upang mabuksan ang pinto para sa mga plano ng Beijing sa rehiyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Baules, nakapasa ang Senado ng Palau ng mga resolusyon na kritikal sa mga aktibidad ng militar ng US. Samantala, isa si Baules sa pinakamatapang na tagapagsalita para sa Tsina sa isla, sa kabila ng pagkakaroon ng opisyal na diplomatikong ugnayan ng Palau sa Taiwan.
Ipinahayag din ng mga talaan ng korporasyon na ang pamilya ni Baules ay nagpapatakbo ng isang lokal na negosyo, ang Fuji Restaurant, na iniuugnay ng mga awtoridad ng Palau sa kriminal na aktibidad ng mga Chinese.
Gabay sa korapsyon
Lumilitaw ang mga alegasyon ukol sa korapsyon at panghihimasok ng mga dayuhan sa mga bansang may estratehikong kahalagahan tulad ng Palau, habang pinalalakas ng Tsina ang mga kampanya nito para palawakin ang impluwensiya.
Bahagi ang pagpapalawak na ito ng mas malawak na estratehiyang geopolitical, kabilang ang mabilis na pagdamii ng armas nukleyar ng Tsina, kung saan tinatayang aabot sa mahigit 1,000 nuclear warheads ang Beijing pagsapit ng 2030.
Noong Abril 2025, iniulat ng Reuters na natuklasan sa kanilang imbestigasyon ang ebidensya ng isang organisadong kampanya ng impluwensya mula sa mga indibidwal na may kaugnayan sa pamahalaan ng Tsina, na naglalayong pigilan ang Estados Unidos sa pagpapalawak ng imprastrakturang militar nito sa Palau.
Sinabi ni Joel Ehrendreich, ambassador ng US sa Palau, sa Reuters noong panahong iyon, na ginagamit ng Tsina sa Palau ang parehong mga taktika na ipinatupad na nito sa iba pang bahagi ng Pasipiko.
“Paulit-ulit na naming nakita ang parehong paraan sa buong rehiyon, at naging napaka-epektibo nito,” sabi niya.
"Papasok sila gamit ang mapanlinlang na pamumuhunan, kokontrolin ang mga piling pinuno sa pamamagitan ng korapsyon, at susubukang guluhin ang lipunan sa pamamagitan ng droga, human trafficking, at iba pang krimen. At madali itong gawin kapag inisa-isa mo ang maliliit na bansang kaya mong daigin.”
Malinaw ang diskarte ng Tsina sa Pasipiko: samantalahin ang kahinaan sa ekonomiya upang makamit ang impluwensya.
Sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga oportunidad sa pag-unlad at sa ekonomiya, sinusubukan ng Beijing na makuha ang loob ng mga bansang tulad ng Palau at Marshall Islands -- dalawang bansa sa Pasipiko na may estratehikong lokasyon, at mga kaalyado ng US na may opisyal na diplomatikong ugnayan sa Taiwan.
"Ang korapsyon ay isang bukas na pinto para isulong ang agenda [ng Tsina], lalo na ng mga bansang kumikilala sa Taiwan at may mahahalagang base militar ng US," sinabi ni Cleo Paskal, isang eksperto sa mga estado ng Compact of Free Association (COFA) mula sa think tank na Foundation for Defense of Democracies.
Pagtutol ng US
Ang nagkukubling agenda ng Tsina ay nagsisilbing matinding paalala sa pangangailangan ng pagbabantay sa Pasipiko.
Ang mga bansang tulad ng Palau at Marshall Islands ay hindi lamang maliliit na estado sa isla -- sila ay mahahalagang bahagi sa balanse ng kapangyarihang geopolitical.
Ang kanilang estratehikong lokasyon at ugnayan sa pandaigdigang komunidad ang dahilan kung bakit sila nagiging puntirya ng mga kampanya ng impluwensya ng Beijing.
Ang pagbabawal kay Baules na makapasok sa US ay isang malaking hakbang sa pagtugon sa korapsyon at panghihimasok ng mga dayuhan sa Pasipiko, na nagpapadala ng malinaw na mensahe na ang mga pagkilos na nagpapahina sa katatagan ng rehiyon at nagpapalakas sa agenda ng Beijing ay hindi pahihintulutan.