Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Sweden pinalalakas ang air defense sa gitna ng banta ng Russia
Pinabilis ng Sweden ang pagtaas ng budget para sa militar matapos ang malawakang paglusob ng Russia sa Ukraine at ang pagsapi nito sa NATO noong 2024.
![Isang Swedish CB90-class fast assault craft ang lumahok sa isang military demonstration noong Pebrero 20, 2024, sa Berga Naval Base ng Swedish Armed Forces sa timog ng Stockholm. [Jonathan Nackstrand/AFP]](/gc7/images/2025/12/01/52967-swed-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Bibili ang Sweden ng anti-air defense equipment na nagkakahalaga ng 3.5 bilyong kronor ($233 milyon) upang protektahan ang sarili laban sa mga missile, drone, at combat aircraft sa gitna ng tumitinding banta mula sa Russia.
Mamumuhunan ang bansa ng humigit-kumulang 2 bilyong kronor ($212 milyon) para bumili ng mga IRIS-T surface-to-air short-range missile, at 1.5 bilyong kronor ($159 milyon) para sa mga sasakyang gagamitin sa kanilang pag-deploy, ayon sa pahayag ng Swedish Armed Forces noong Nobyembre 25.
“Ito ay isang mahalagang pagpapalakas ng ating depensa sa himpapawid,” sinabi ni Defense Minister Pål Jonson sa mga mamamahayag sa isang press conference sa isang air defense regiment sa Halmstad sa katimugang Sweden.
Gagamitin ang mga kagamitang ito upang “pabagsakin ang mga fighter jet, mga cruise missile, at iba’t ibang uri ng mga drone,” dagdag niya.
Kinumpirma ng defense group na Saab na nakatanggap ito ng order mula sa Swedish Defense Materiel Administration (FMV) para sa mga sensor at command-and-control system ng isang ground-based air defense system na nagkakahalaga ng 2.1 bilyong kronor.
Magaganap ang mga delivery sa pagitan ng 2027 at 2028, ayon sa grupo.
“Halimbawa, ang radar ay kayang matukoy ang mga drone na hindi lalampas ang laki sa isang karton ng gatas mula sa higit 4 na kilometro (2.5 miles) ang layo,” sinabi ni Jonson.
Pinabilis ng Sweden ang pagtaas ng paggasta sa militar matapos ang malawakang paglusob ng Russia sa Ukraine at ang pagsapi nito sa NATO noong 2024.
Pagpapalakas ng produksyon ng bala
Matapos ang Cold War, ibinaba nang husto ng Sweden ang paggasta sa depensa habang nakatuon ang militar sa mga misyon ng pandaigdigang peacekeeping.
Binaliktad ito ng Sweden matapos ang pag-angkin ng Russia sa Crimea noong 2014, at nagsimulang taasan ang paggasta sa militar.
Plano ng Sweden na maglaan ng 300 bilyong kronor ($32 bilyon) para sa paggasta sa depensa sa susunod na dekada.
Ipinahayag ni Finnish Defense Minister Antti Hakkanen sa AFP noong Nobyembre 12 na pinalalakas din ng iba pang Nordic at Baltic na bansa ang kanilang kooperasyon sa depensa upang harapin ang mga posibleng banta sa hinaharap, habang sabay na pinatitibay ang kakayahan ng NATO sa hilagang rehiyon.
“Ngayon, tinalakay na natin ang paggamit ng 250 Nordic fighter aircraft mula sa mga air force bilang isang pinag-isang pwersa,” ani niya.
Dagdag pa niya, plano ng Finland, Sweden, Iceland, Norway, at Denmark na triplehin ang produksyon ng bala at bumuo ng mga military mobility corridor sa rehiyon ng Nordic.
Ipinahayag din ng mga Nordic at Baltic na bansa noong Nobyembre 13 na magbibigay sila ng $500 milyon para sa isang programa na itinatag upang bumili ng mga sandata mula sa US para sa Ukraine.
Ayon sa isang joint statement ng Finland, Denmark, Estonia, Iceland, Latvia, Lithuania, Norway, at Sweden, ilalaan ang pondo para sa mga kagamitang militar at bala, alinsunod sa NATO’s Prioritized Ukraine Requirements List (PURL).
Inilunsad noong Hulyo ni US President Donald Trump at NATO Secretary General Mark Rutte ang mekanismong nagpapahintulot sa pagbili ng mga stockpile ng US.