Pandaigdigang Isyu

Krisis sa Huawei: Pagpalya ng kagamitan nagtutulak sa Kanlurang alternatibo

Lumilitaw sa mga ulat ng ilang tech company ang paulit-ulit na kaso ng pagkasira ng kagamitan ng Huawei, na hindi lamang simpleng aberya kundi nagdudulot pa ng panganib.

Mga mamamayan habang pinag-aaralan ang mga produkto ng Huawei sa Huawei Select store sa Deji Plaza, Nanjing, Jiangsu Province, China, Setyembre 22, 2025. [Costfoto/NurPhoto via AFP]
Mga mamamayan habang pinag-aaralan ang mga produkto ng Huawei sa Huawei Select store sa Deji Plaza, Nanjing, Jiangsu Province, China, Setyembre 22, 2025. [Costfoto/NurPhoto via AFP]

Ayon sa Global Watch |

Habang umuunlad ang pandaigdigang industriya ng telco, lumilipat ang mga lider sa teknolohiya sa mga kanluraning alternatibo kapalit ng Huawei ng China—isang tagapagbigay ng Information and Communications Technology infrastructure—dahil sa dumaraming hinaing ng mga kumpanyang nasa digitalization laban sa kagamitan ng naturang kumpanya.

Sa kabila ng agresibong estratehiya sa pagpepresyo at matatag na presensya sa merkado ng Huawei, ang mga ulat ng pagkasira ng kagamitan, kabilang ang mga insidente ng "biglaang pagkasunog" ng hardware, ay nagdudulot ng pag-aalinlangan sa kakayahan ng tech giant ng China sa mga proyektong kritikal na imprastruktura.

Mas nagiging bukas ang mga lider sa industriya ng telekomunikasyon sa pagpapahayag ng kanilang karanasan sa Huawei. Lumilitaw sa mga ulat ng ilang tech company ang paulit-ulit na kaso ng pagkasira ng kagamitan ng Huawei, na hindi lamang simpleng aberya kundi nagdudulot pa ng panganib. Ang pagtangkilik sa mga Amerikanong tatak tulad ng Cisco ay nakabatay hindi lamang sa geopolitika kundi sa maaasahang operasyon at pangmatagalang cost effectiveness nito.

Bagama’t mukhang sulit sa umpisa ang alok ng Huawei na mas murang presyo kapalit ng mas mababang kalidad na kagamitan, naniniwala ang mga lider sa digitalization na mas makabubuti pa rin ang pag-invest sa mas maaasahang gamit. Mas malaki kasi ang nagiging gastos sa maintenance, kapag may aberya,o banta sa kaligtasan kaysa sa naunang natipid sa mas murang alternatibo.

Nasa sentro ang estratehikong awtonomiya

Ang mga alalahanin sa katatagan ng Huawei ay kasabay ng mas malawak na mga usaping heopolitika, tulad ng ipinakita sa kamakailang desisyon ng Spain na bawiin ang 10 milyong euro ($11.7 milyon) na kontrata sa Huawei sa huling sandali. Inilahad ng pamahalaan ng Spain ang "estratehikong awtonomiya" bilang dahilan ng pagwawalang-bisa sa kasunduan, na magpapalawak sana ng fiber optic equipment ng Huawei sa isang 16,000km network sa buong bansa.

Isinagawa ang hakbang na ito sa kabila ng paunang pag-apruba sa kontrata, na nagpapakita ng tumitinding tensyon sa pagitan ng gastos at seguridad. Pinilit ang Madrid na bawasan ang pagdepende sa kagamitan ng Huawei, lalo na sa 5G network, dahil sa mga alalahanin sa seguridad na patuloy na itinanggi ng kumpanya.

Sa kabila ng mga hamon, ang Huawei, na gumagawa rin ng mga smartphone, ay patuloy na nagpapakita ng kumpiyansa sa kakayahan nito sa teknolohiya. Kamakailan ay iginiit ni senior executive Tao Jingwen na "halos nalampasan na ng China ang matinding limitasyon sa teknolohiya na ipinatupad ng US" at ang Huawei ay "nakabuo na ng isang ecosystem na hindi nakadepende sa United States."

Gayunpaman, tila natatabunan ang mga teknolohikal na tagumpay na ito ng paulit-ulit na isyu sa pangunahing imprastraktura ng telekomunikasyon. Bagamat maaaring manguna ang Huawei sa ilang high-end computing application, nananatiling pangunahing tanong kung kaya ng kumpanya na maghatid ng tuluy-tuloy at maaasahang operasyon na kinakailangan para sa kritikal na imprastraktura.

Sa merkado kung saan pangunahing tagapagsuplay ang Huawei sa Mascom, BTC, at Orange, may pagkakataon para sa ibang kumpanya na palawakin ang kanilang presensya. Ang pangunahing suliranin ay ang mga procurement process na lalong pinahahalagahan ang pinakamababang inital bid kaysa sa pangmatagalang kalidad.

Ipinakikita ng krisis ng Huawei ang mas malawak na isyu sa pagbili ng teknolohiya: ang maling pananaw na mas nakatitipid sa pagpili ng pinakamurang kagamitan nang hindi isinasaalang-alang ang kabuuang gastos.

Kapag ang kagamitan ay pumalya, nasunog, o nangailangan ng madalas na maintenance, mabilis na nauubos ang unang natitipid. Mas napagtatanto ng mga organisasyong inuuna ang pangmatagalang pagiging maaasahan at pagiging epektibong gamitin, na mas sulit ang pag-invest sa subok na kagamitan sa paglipas ng panahon.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *