Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Germany magpapatrolya sa Arctic laban sa banta ng Russia at China sa rehiyon
Ang mga tumitinding pagkilos ng Russia at China sa Arctic ay nagdulot ng panawagan para sa mas pinalakas na presensiyang militar ng US at mga kaalyado nito.
![Mga Italian na marinero sa isang demonstrasyon ng pandagat na pagsalakay bilang bahagi ng ehersisyong militar na Nordic Response 24 noong Marso 10, 2024, sa karagatang malapit sa Sorstraumen, hilaga ng Arctic Circle sa Norway. Lumahok sa pagsasanay ang mahigit 20,000 sundalo, 100 fighter jet, at 50 barko. [Jonathan Nackstrand/AFP]](/gc7/images/2025/07/08/51028-arctic-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Ipinahayag ng Germany na magsisimula itong magpadala ng mga barkong pandigma upang magpatrolya sa mga katubigang Arctic sa gitna ng lumalawak na presensiyang militar ng Russia at China sa rehiyon.
"Tumitindi ang mga banta sa karagatan... Kabilang na ang paglawak ng presensyang militar ng Russia sa Arctic," sinabi ni German Defense Minister Boris Pistorius sa isang press conference noong Hunyo 30.
"Nasasaksihan namin ang mga tumitinding pagkilos ng mga submarinong mula Russia sa lugar na iyon,” dagdag ng ministro, kasama si Danish Defense Minister Troels Lund Poulsen.
Bilang resulta, "simula ngayong taon, ipapakita na ng Germany ang presensiya nito sa North Atlantic at Arctic," ani Pistorius.
Inanunsyo ng pamahalaan ng Denmark noong unang bahagi ng taon ang paglalaan ng 14.6 bilyong DKK ($2.3 bilyon) para sa pagpapalakas ng seguridad sa rehiyon, kasama ang Greenland at Faroe Islands -- na mga awtonomong teritoryo ng Denmark.
Sinabi ni Pistorius na ang German support ship na Berlin ay maglalakbay mula Iceland patungong Greenland at Canada bilang bahagi ng operasyong "Atlantic Bear."
"Sa kahabaan ng ruta, magsasanay kami kasama ang aming mga kaalyado sa rehiyon, at nakatakda na ang unang port call ng barkong pandagat ng Germany sa Nuuk, Greenland," ani Pistorius.
'Isang estratehiyang pokus'
“Sa unang pagkakataon, sasali kami sa Canadian Arctic exercise na Nanook,” dagdag ng ministro, at sinabi pa niyang “ipadadala namin ang aming mga maritime patrol aircraft, submarino, at mga frigate upang ipakita ang aming suporta sa rehiyon.”
Ang pahayag ng Germany ay ginawa kasabay ng pagtaas ng interes sa seguridad ng rehiyon ng Arctic.
Ang lumalawak na presensiya ng Russia at China sa rehiyon -- kasabay ng magkasanib na mga ehersisyong militar at lumalawak na impluwensya -- ay nagdulot ng panawagan para sa mas pinalakas na presensiyang militar ng US at mga kaalyado sa rehiyon.
Isang military think tank na nakabase sa US ang nananawagan sa Pentagon na bumuo ng Arctic Combined Interagency Task Force upang kontrahin ang dalawang makapangyarihang bansa at siguraduhin ang seguridad ng Arctic bilang isang mahalagang rehiyon.
"Ang ganitong uri ng interagency task force ay maaaring magsilbing tulay sa mga magkakahiwalay na bahagi ng rehiyon at gawing isang estratehikong pokus ang Arctic,” isinulat nina William Woityra at Grant Thomas, kapwa kapitan ng US Coast Guard, sa isang artikulong inilathala noong Marso ng US Naval Institute -- isang nonprofit na samahang militar na nakatuon sa mga isyung may kaugnayan sa pambansang seguridad.
Nanawagan ang US Defense Department na dagdagan ang pondo para sa Arctic upang makasabay sa China at Russia. Sa isang ulat ng Pentagon noong Hulyo 2024, binigyang-diin ang pangangailangang mamuhunan sa mga sensor, komunikasyon, at teknolohiyang pangkalawakan sa rehiyon.
Pinalalakas ng NATO ang depensa nito sa rehiyon ng Arctic, kabilang na rito ang pagsasagawa ng pinakamalaking ehersisyong militar ng Kanluraning alyansa mula noong matapos ang Cold War. Sa mga pagsasanay noong Marso 2024, humigit-kumulang 90,000 sundalo mula sa lahat ng 32 kasaping bansa ng NATO ang lumahok, na nagsanay para sa isang senaryong pag-atake sa mga border ng Arctic.