Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

Lithuania pinalalakas ng ang depensa: Mga Baltic states naghahanda sa posibleng banta ng Russia

Ang mga hakbang sa depensa ng bansa ay nagpapakita ng tumataas na pangamba sa silangang bahagi ng NATO dahil sa tila ambisyon ng Moscow na muling buuin ang dating saklaw ng impluwensya nito.

Tinitingnan ng mga sundalo ang paglipad ng mga helikopter ng German air force mula sa isang paliparan sa Panevezis, Lithuania, noong Mayo 6 sa gitna ng Griffin Lightning 2025 na ehersisyong militar. Ang Griffin Lightning 2025 ay inorganisa ng Multinational Corps Northeast ng NATO at sumasaklaw sa malaking bahagi ng mga kasalukuyang ehersisyong isinasagawa sa Lithuania, Latvia, Poland, at Estonia. Layunin ng Griffin Lightning na sanayin ang pagpapatupad ng mga plano sa depensa ng NATO. [Petras Malukas/AFP]
Tinitingnan ng mga sundalo ang paglipad ng mga helikopter ng German air force mula sa isang paliparan sa Panevezis, Lithuania, noong Mayo 6 sa gitna ng Griffin Lightning 2025 na ehersisyong militar. Ang Griffin Lightning 2025 ay inorganisa ng Multinational Corps Northeast ng NATO at sumasaklaw sa malaking bahagi ng mga kasalukuyang ehersisyong isinasagawa sa Lithuania, Latvia, Poland, at Estonia. Layunin ng Griffin Lightning na sanayin ang pagpapatupad ng mga plano sa depensa ng NATO. [Petras Malukas/AFP]

Ayon kay Robert Stanley |

Labis na pinalalakas ng Lithuania ang depensa sa mga hangganan nito gamit ang mga trench, drone, at mga bombang nakatanim sa lupa bilang bahagi ng mas malawak na pagsusumikap ng Baltic na pigilan ang posibleng pagsalakay ng Russia..

Ayon sa pahayag ng Defense Ministry noong Mayo 5, gagastos ang bansa ng €1.1 bilyon ($1.25 bilyon) sa loob ng susunod na dekada para sa mga hakbang na ito sa depensa.

Ang pangakong ito ay kasunod ng naunang desisyong inilabas noong Enero na itaas ang pondo para sa depensa sa 5%–6% ng GDP taun-taon mula 2026 hanggang 2030.

Tinatayang €800 milyon ($898 milyon) ang ilalaan para sa mga antitank mine at mga kaugnay na sistema, ayon sa Defense Ministry.

Karagdagang pondo ang ilalaan para sa depensa laban sa drone, mga likas na balakid, mga sistema ng pagmamanman at maagang babala, at may mga reserbang kuta na planong itayo sa mga lungsod at bayan na nasa pagitan ng mga hangganan ng Lithuania sa Belarus at sa Kaliningrad, teritoryo ng Russia na hiwalay dito.

“Isinasakatuparan din ng Lithuania, kasama ang Latvia at Estonia, ang proyektong Baltic Defense Line,” sabi ni Deputy Minister of National Defense Tomas Godliauskas sa pahayag noong Mayo 5.

“Kasama ang mga Latvian at Estonian, bumubuo kami ng mga hakbang laban sa mga galaw ng kalaban sa silangang hangganan ng NATO na magbibigay-daan upang epektibong hadlangan at pigilan ang posibleng paglusob ng kalaban sa hangganan.”

Pagpapalakas ng mga pangunahing daan

Ang humigit-kumulang 879km-habang hangganan ng Lithuania sa Belarus, isang matatag na kaalyado ng Russia na nagsilbing base nang sinalakay ang Ukraine noong 2022, at ang 274km-habang hangganan nito sa militarisadong teritoryo ng Kaliningrad ng Russia ay naglalagay sa bansa sa matinding panganib.

Sa pagitan ng mga hangganang ito ay matatagpuan ang estratehikong Suwalki Gap, isang makitid na 70km-habang koridor na nag-uugnay sa Lithuania at Poland at nagsisilbing tanging landas patungong mga bansa ng Baltic.

Pinalalakas ng bansa ang dalawang pangunahing daan na tumatawid sa Suwalki Gap: ang Via Baltica na mula Warsaw hanggang Tallinn, at isang mas maikling kalsada na nag-uugnay sa Vilnius at sa lungsod ng Augustow sa Poland. Pinalalakas ng mga manggagawa ang mga rutang ito upang matiyak na kakayanin nitong suportahan ang mabibigat na kagamitang militar para sa depensa ng Baltic.

“Napakahalaga sa amin ng mga daang ito para sa seguridad at depensa,” sinabi ni Godliauskas sa POLITICO noong Abril. “Palagi na itong bahagi ng aming civil-military planning bilang pangunahing ruta sa lupa para sa tulong ng mga kaalyado sa panahon ng krisis.”

Ayon sa mga estratehistang militar, ang pag-atake ng Russia sa mga bansa ng Baltic ay malamang na layuning putulin ang rehiyon mula sa mga kaalyado ng NATO sa pamamagitan ng sabayang paglusob mula sa Belarus at Kaliningrad.

Dahil sa bantang ito, binibigyang-diin ng Lithuania ang mga depensang antitank at ang desisyon nito—kasama ng Estonia at Poland—na kumalas sa Ottawa Accord na nagbabawal sa mga antipersonnel mine. Ayon sa mga kritiko, kadalasang nawawala ang mga mapa ng minefield tuwing may digmaan, na nag-iiwan ng mapanganib na mga mina na nagbabanta sa mga sibilyan kahit tapos na ang labanan.

Inisyatiba kasama ang Latvia at Estonia

Sumusuporta sa posisyon ng depensa ng Lithuania ang humigit-kumulang 700 sundalong Aleman na nakatalaga na sa bansa, bahagi ng 4,800-kataong puwersang permanenteng itatalaga sa susunod na dalawang taon.

Ang puwersang ito ay magsisilbing tripwire para sa mas malawak na paglahok ng NATO at upang tulungan ang Lithuania na labanan ang isang paunang pagsalakay mula sa Russia.

Ang mga hakbang ng Lithuania ay bahagi ng mas malaking inisyatiba kasama ang Latvia at Estonia upang magtayo ng mga “hakbang laban sa mga galaw ng kalaban” sa buong 1,633km-habang silangang hangganan ng mga bansa ng Baltic sa Russia.

Kaakibat ng Poland sa"East Shield" project, pinalalakas ng Lithuania ang Suwalki Gap sa pamamagitan ng 27 engineering depot na naglalaman ng dragon’s teeth, hedgehog, Spanish Horse barriers, razor wire, roadblock, at mga shipping container na maaaring punuin upang pigilan ang mga tangke at mga umaatakeng sasakyan.

Ginagamit din ng Lithuania ang mga likas na balakid bilang bahagi ng depensa, kabilang ang pangangalaga sa mga kagubatan sa loob ng 20km mula sa mga hangganan, pagtatanim ng mga puno sa kahabaan ng mga daan, at pagpapalawak ng mga kanal sa irigasyon at mga kanal ng paagusan upang maging mga hukay na pang-antitank.

Ang mga hakbang sa depensa ng bansang may 2.6 milyong populasyon ay nagpapakita ng tumataas na pangamba sa silangang bahagi ng NATO dahil sa tila ambisyon ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia na muling buuin ang dating saklaw ng impluwensiya ng bansa..

Idineklara ng Lithuania, Latvia, at Estonia ang kanilang kalayaan mula sa Moscow noong 1991, habang pinutol ng Poland ang ugnayan nito sa Russia noong 1989 at pormal na kumalas sa Warsaw Pact noong 1991.

Noong Disyembre, nagbabala si Pangulong Gitanas Nausėda ng Lithuania tungkol sa “umuusbong na axis of evil” na kinabibilangan ng Russia, Belarus, China, Iran, at North Korea, at nanawagan para sa “nagkakaisang paninindigan” ng mga kaalyadong bansa sa Kanluran laban sa lumalakas na alyansang awtoritaryan na ito.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *