Mga Istratehikong Usapin

Pinuno ng North Korea umamin: Mga sundalo nila, naglinis ng mga mina para sa Russia

Kinumpirma ng North Korea noong Abril na nagpadala ito ng mga sundalo para suportahan ang Russia at may mga nasawi sa labanan.

Sa pool photo na ipinamahagi ng Russian state agency na Sputnik, makikitang nagkita sina Russian President Vladimir Putin at North Korean leader Kim Jong Un (kaliwa) matapos dumalo sa isang military parade sa Beijing noong Setyembre 3, bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng tagumpay laban sa Japan at pagtatapos ng World War II. Pinasalamatan ni Putin si Kim sa pagpapadala ng mga sundalo upang paalisin ang mga sundalong Ukrainian mula sa Kursk border region sa Russia, at sinabing “kabayanihan” ang kanilang ipinakitang pakikipaglaban. [Alexander Kazakov/POOL/AFP]
Sa pool photo na ipinamahagi ng Russian state agency na Sputnik, makikitang nagkita sina Russian President Vladimir Putin at North Korean leader Kim Jong Un (kaliwa) matapos dumalo sa isang military parade sa Beijing noong Setyembre 3, bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng tagumpay laban sa Japan at pagtatapos ng World War II. Pinasalamatan ni Putin si Kim sa pagpapadala ng mga sundalo upang paalisin ang mga sundalong Ukrainian mula sa Kursk border region sa Russia, at sinabing “kabayanihan” ang kanilang ipinakitang pakikipaglaban. [Alexander Kazakov/POOL/AFP]

Ayon sa AFP |

Nagpadala ang North Korea ng mga sundalo upang magtanggal ng mga mina sa rehiyon ng Kursk sa Russia noong unang bahagi ng taon, ayon kay Kim Jong Un sa isang talumpating inilabas ng state media noong Disyembre 13. Isa itong bihirang pag-amin ng Pyongyang sa mapanganib at nakamamatay na tungkuling iniatas sa mga ipinadalang sundalo.

Nagpadala ang North Korea ng libu-libong sundalo upang suportahan ang halos apat na taong pananakop ng Russia sa Ukraine, ayon sa mga intelligence agency ng South Korea at ng mga bansa sa Kanluran.

Ayon sa mga analyst, kapalit nito ay nagbibigay ang Russia sa North Korea ng tulong pinansyal, teknolohiyang militar, at mga suplay ng pagkain at enerhiya, na nagbibigay-daan sa diplomatically isolated na bansa upang makaiwas sa mahihigpit na mga international sanction kaugnay ng mga nuclear at missile program nito.

Habang pinupuri ang pagbabalik ng isang engineering regiment, sinabi ni Kim na nagsulat umano ang mga sundalo ng “mga liham para sa kanilang mga bayan at nayon tuwing nagpapahinga mula sa paglilinis ng mga mina,” ayon sa Korean Central News Agency (KCNA).

Siyam na miyembro ng regiment ang nasawi sa loob ng 120-araw na deployment na nagsimula noong Agosto, ayon kay Kim sa kanyang talumpati sa isang welcome ceremony noong Disyembre 12, iniulat ng KCNA.

Iginawad niya sa mga nasawi ang state honors upang “bigyan ng walang hanggang dangal” ang kanilang katapangan.

“Kayong lahat, mga opisyal man o mga sundalo, ay nagpakita ng sama-samang kabayanihan sa kabila ng halos araw-araw na hindi masukat na pasanin sa isip at katawan,” sabi ni Kim.

Ayon kay Kim, nagawa ng mga sundalo ang isang “milagro, ang gawing ligtas ang isang malawak na danger zone sa loob ng wala pang tatlong buwan.”

Ipinakita sa mga larawang inilabas ng KCNA ang nakangiting si Kim na niyayakap ang mga nagbalik na sundalo, ang ilan ay tila sugatan at naka-wheelchair, sa seremonya sa Pyongyang.

Isa sa kanila ang kapansin-pansing emosyonal habang hawak ni Kim ang kanyang ulo at kamay, habang nakaupo ito sa isang wheelchair at naka-unipormeng militar.

Sa iba pang mga larawan, makikitang inaalo ni Kim ang mga pamilya ng mga nasawi at lumuluhod sa harap ng litrato ng nangamatay na sundalo bilang pag-alala, habang naglalagay ng mga medalya at bulaklak sa tabi ng mga litrato ng mga yumao.

Binanggit din ng pinuno ng North Korea ang “sakit ng 120 araw na paghihintay, na hindi raw niya kinalimutan kahit sandali ang mga minamahal na anak.”

Nasawi sa labanan

Noong Setyembre, nakita si Kim kasama sina Xi Jinping ng China at si President Vladimir Putin ng Russia sa isang engrandeng military parade sa Beijing.

Hindi tumugon si Kim sa alok ni Donald Trump na makipagpulong sa kanya sa gitna ng Asia trip ng US President noong Oktubre.

Noong Abril lamang kinumpirma ng North Korea ang pagpapadala ng mga sundalo sa Russia at ang pagkasawi ng ilan sa labanan.

Sa isang naunang seremonya noong Agosto, ipinakita sa mga larawang inilabas ng KCNA ang emosyonal na si Kim na niyayakap ang isang nagbalik na sundalo na tila labis na naapektuhan, habang isinubsob nito ang mukha sa dibdib ng pinuno.

Noong unang bahagi ng Hulyo, ipinakita ng state media ang emosyonal na si Kim habang nagbibigay-pugay sa mga kabaong na binalutan ng bandila, na pinaniniwalaang naglalaman ng mga labi ng mga nasawing sundalo.

Gusto mo ba ang artikulong ito?