Pandaigdigang Isyu
Tigil-putukan ng Cambodia at Thailand: Hakbang tungo sa katatagan ng rehiyon
Ang kapayapaan ay nagbibigay ng pagkakataon upang muling buuin ang tiwala at ituon ang pansin sa mga pinagkakasunduang interes ng dalawang bansa.
![Lumahok ang mga Cambodian Buddhist monks sa isang martsa para sa kapayapaan sa Independence Monument sa Phnom Penh noong Agosto 10 kasunod ng alitan sa border laban sa Thailand. [Tang Chhin Sothy/AFP]](/gc7/images/2025/08/19/51579-camboida-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang kasunduan sa tigil-putukan sa pagitan ng Cambodia at Thailand, na pinamagitan sa Malaysia, ay nagsilbing mahalagang pagbabago sa alitan na nagdulot ng paglikas ng mahigit 260,000 katao at pagkasawi ng dose-dosenang buhay.
Habang mabilis na tumindi ang tensiyon sa pinagtatalunang border, ang tigil-putukan ay nagbibigay ng pagkakataon para sa kapayapaan at katatagan na hindi lamang pakikinabangan ng dalawang bansa kundi pati ang malawak na rehiyon ng Southeast Asia.
Nagsimula ang alitan sa isang pagsabog ng landmine sa border na nakasugat sa limang sundalong Thai, at mabilis na nauwi sa palitan ng putok ng artileriya at mga airstrike. Umabot ang labanan hanggang sa mga pinagtatalunang lugar gaya ng sinaunang Ta Moan Thom temple, kung saan kapwa isinisi ng dalawang panig ang karahasan sa isa’t isa. Inakusahan ng Cambodia ang Thailand ng paglulunsad ng mga airstrike, habang iginiit naman ng Thailand na naglagay ng panibagong mga landmine ang Cambodia.
Ang labanan, ang pinakamatindi sa pagitan ng dalawang bansa sa mahigit isang dekada, ay naglantad ng matagal nang mga alitan hinggil sa border na nag-ugat pa sa mga mapa noong panahon ng kolonyalismo. Pinatindi pa ng politikal na kaguluhan sa Thailand ang krisis, nang masuspinde si Prime Minister Paetongtarn Shinawatra sa kanyang posisyon kasunod ng mga paratang na pinahina nito ang pambansang seguridad.
Sa gitna ng kaguluhan, pinangunahan ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim ang mga pag-uusap para sa tigil-putukan sa Kuala Lumpur, kung saan nagsama ang mga delegasyon mula sa Cambodia at Thailand. Ang kasunduan, na inilalarawan bilang tigil-putukan "sa pamamagitan ng kalakalan," matapos himukin ni US President Donald Trump ang dalawang bansa na itigil ang karahasan at nagbabala na ihihinto ng US ang mga negosasyon sa kalakalan hangga’t nagpapatuloy ang labanan.
Pagsusulong ng Kapayapaan
Ang tigil-putukan ay higit pa sa isang diplomatikong tagumpay -- ito ay pangangailangan ng rehiyon. Kung magpapatuloy ang labanan, malaki ang magiging pinsala sa mga sibilyan, maraming pamilya ang mapipilitang lumikas, at maaapektuhan ang kabuhayan. Maaapektuhan din ang ekonomiya ng rehiyon, dahil ang kalakalan at pagtutulungan sa border ay susi sa paglago at katatagan sa Southeast Asia.
Para sa Cambodia at Thailand, ang kapayapaan ay nagbibigay ng pagkakataon upang muling buuin ang tiwala at ituon ang pansin sa kanilang mga pinagkakasunduang interes. Nangako ang dalawang bansa na magsasagawa ng mga pag-uusap militar at pagpupulong ng border committee upang maibsan ang tensiyon at makabuo ng mekanismo upang bantayan ang tigil-putukan. Mahalaga ang mga hakbang na ito upang matiyak ang pangmatagalang kapayapaan at maiwasan ang muling paglala ng alitan.
Epekto sa rehiyon
May mas malaking epekto para sa Southeast Asia ang tigil-putukan. Ang katatagan sa pagitan ng Cambodia at Thailand ay susi sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon at pagpapalago ng kooperasyong pang-ekonomiya. Ipinakikita ng paglahok ng Malaysia bilang tagapamagitan ang kahalagahan ng pamumuno sa rehiyon sa paglutas ng mga alitan, habang ang presensya ng mga Chinese at US ambassador ay nagpapahiwatig ng pandaigdigang interes sa katatagan ng rehiyon.
Para sa mga karatig-bansa, ang tigil-putukan ay nagsisilbing paalala ng kahalagahan ng diplomasya at dayalogo sa paglutas ng mga alitan. Ipinakikita rin nito ang panganib na dulot kapag hinayaan ang mga makasaysayang hinaing at politikal na kawalang-tatag na umusbong bilang karahasan.
Bagamat positibong hakbang ang tigil-putukan, nananatili ang mga hamon. Dapat ipakita ng dalawang panig ang sinseridad sa pagtupad sa kanilang mga pangako, dahil maaaring masira ang kasunduan sa kawalan ng tiwala. Ang pagsusulong ng Cambodia sa internasyonal na arbitrasyon at ang pagbabanta ng Thailand ng mas mahigpit na aksyon kung muling lalabag ay nagpapakita ng nananatiling tensiyon na dapat tugunan sa pamamagitan ng patuloy na dayalogo.
Pagkakataon para sa katatagan
Ang tigil-putukan sa pagitan ng Cambodia at Thailand ay isang mahalagang hakbang tungo sa kapayapaan, ngunit nakasalalay ang tagumpay nito sa tuluy-tuloy na pagsisikap na buuin ang tiwala at tugunan ang mga ugat ng alitan. Para sa rehiyon, ang katatagan ay hindi lamang diplomatikong layunin -- ito ay isa ring pang-ekonomiya at makataong pangangailan.
Habang pinatutupad ng dalawang bansa ang tigil-putukan, dapat manatiling nakatuon ang pansin sa mas malawak na benepisyo ng kapayapaan: protektahan ang mga sibilyan, isulong ang kooperasyon, at tiyakin ang isang matatag at maunlad na Southeast Asia. Bagamat puno ng hamon ang daraanan, higit na mahalaga ang mga pakinabang ng kapayapaan kaysa sa gastos ng patuloy na alitan.