Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Danish Navy, nag-test ng sea drone sa Baltic at North Sea laban sa Russia
Lalong tumindi ang tensyon sa Baltic Sea mula nang magsagawa ang Russia ng malawakang pananakop sa Ukraine noong 2022.
![Isang maritime drone na ginawa at pinatatakbo ng American company na Saildrone ang makikita sa screenshot ng isang video na kinunan sa Køge, Denmark. Layunin ng drone program na palawakin ang pagbabantay sa Baltic Sea at North Sea. [Camille Bas-Wohlert/AFP]](/gc7/images/2025/06/27/50913-drone_sea-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Nagpakalat ang Denmark ng dalawang unmanned surveillance ship sa Baltic at North Sea noong Hunyo 16 bilang bahagi ng misyon ng NATO, upang paigtingin ang pagbabantay sa karagatan sa gitna ng lumalalang tensyon mula sa Russia.
Dalawa pang drone ang inilunsad isang linggo na ang nakalipas at kasalukuyang kalahok sa misyon ng NATO na Task Force X.
Ayon kay Kim Jorgensen, direktor ng Danish National Armaments, ang mga unmanned ship na ito ay isasailalim sa tatlong buwang pagsubok ng Danish navy para sa mga “surveillance mission.”
"Gagawin nila ito sa Baltic, sa North Sea, at sa iba pang katubigan sa loob ng Denmark," ani Jorgensen.
"Medyo matao ang ilan sa aming mga katubigan, kaya interesado akong makita kung paano gagana ang ganitong klase ng unmanned vessel."
Ayon sa datos mula sa Higher Institute of Maritime Economics ng France, ang Baltic Sea, na tanging nadaraanan sa pamamagitan ng makikipot na katubigan ng Denmark ay may mahigit 8% na bahagi sa pandaigdigang maritime traffic.
‘Hybrid’ na pakikidigma ng Russia
Lalong tumindi ang tensyon sa Baltic Sea mula nang magsagawa ang Russia ng malawakang pananakop sa Ukraine noong 2022.
Ilang undersea cable sa Baltic ang nasira noong nakaraang taon, na tinawag ng maraming eksperto bilang bahagi ng isang "hybrid war" na isinasagawa ng Russia laban sa mga bansa sa Kanluran.
Ang tumitinding agresyon ng Russia ang nagtutulak ng mas malawak na pagpapalakas ng militar, ayon sa mga opisyal ng Denmark.
"Kailangang kumilos pa ang Europe para depensahan ang sarili at para masuportahan ang Ukraine. Dahil nasa napakakritikal tayong panahon sa kasaysayan ng mundo," ayon kay Danish Foreign Minister Lars Lokke Rasmussen sa AFP noong Pebrero 19 sa Copenhagen.
Ilang oras matapos ang kanyang pahayag, inanunsyo ng Copenhagen ang dagdag na 50 bilyong DKK ($7.7 bilyon) sa budget para sa depensa sa susunod na dalawang taon bilang tugon sa tinawag niyang "lumalaking banta mula sa Russia." Ang dagdag na pondong ito ay magtataas sa gastos ng Denmark para sa depensa sa 3% ng GDP nito.
'Mga mata at tainga'
Ang mga unmanned ship -- na tinatawag na Voyagers -- at sinusubukan ng Denmark ay may habang 10 metro (33 talampakan) at kayang maglayag nang walang gabay ng tao sa loob ng tatlong buwan.
May sensors ang mga ito na kayang mag-scan sa lalim na hanggang 300 metro.
Ang mga drone ay gawa at pinapatakbo ng Saildrone, isang kumpanyang may kontrata sa US Navy.
"Itong mga sasakyan ay idinisenyo para sa maritime domain awareness. Kaya maaari mo na ring isipin na may mata at tainga ka sa ibabaw at ilalim ng dagat, nakakakita ng mga bagay na dati ay hindi natin kayang matukoy o makita," paliwanag ni Richard Jenkins, tagapagtatag at CEO ng Saildrone.
"Maraming kahina-hinalang bagay ang nangyayari sa karagatan, mula sa pagpupuslit -- pagpupuslit ng tao, armas, at droga -- sa mapanirang mga gawain, tulad ng mga kable sa ilalim ng dagat, undersea pipeline, at ilegal na pangingisda," dagdag niya.
“May mga bagay na kailangan nating bantayan at tutukang mabuti, pero sa ngayon ay hindi pa natin ito magawa,” sabi ni Jenkins, at binanggit na kulang ang mga barkong may tauhan para masaklaw ang pagbabantay sa buong karagatan.