Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Drone warfare, pinopondohan ng Denmark laban sa banta ng Russian sa Baltics
Ang inisyatiba ay ibinatay sa mga aral na napulot mula sa naganap na digmaan sa Ukraine at may layuning patatagin ang Denmark laban sa posibleng pagsalakay.
![Ang mga military drone ay nakunan ng litrato sa mga kaganapan sa labas ng isang news conference kaugnay ng paglulunsad ng drone center sa Paliparan ng Hans Christian Andersen sa Odense, Denmark noong Marso 28. [Mads Claus Rasmussen/Ritzau Scanpix/AFP]](/gc7/images/2025/04/24/50072-denmarke_drone-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Habang ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay tumatagal attumitindi ang tensyon sa rehiyon ng Baltic, pinapalakas ng Denmark ang pambansang depensa nito sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang bagong testing center para sa mga military drone na layuning paunlarin ang makabagong teknolohiya.
Ang drone center ay itatayo sa Paliparan ng Hans Christian Andersen sa Odense, na tahanan na ng isa sa pinakamalalaking airspace sa Europe na nakalaan para sa pagsusuri ng mga drone. Ang UAS Denmark Test Center ay sumasaklaw sa halos 2,000 kilometro kuwadrado ng lupa at dagat.
"Ang industriya ng drone sa Denmark at pati na rin ang akademikong larangan tungkol sa mga drone ay natatangi para sa laki ng isang bansang tulad ng Denmark," sabi ni Andreas Graae, isang military technology researcher at assistant professor sa Royal Danish Defense College, sa panayam ng AFP noong Abril.
Sa huling bahagi ng Marso, inanunsyo ng Ministry of Defense ng Denmark na ang military drone testing hub ay makakatanggap ng 725 milyon DKK ($110 milyon) na pondo. Ang inisyatibo ay ibinatay sa mga aral na napulot mula sa naganap na digmaan sa Ukraine at may layuning patatagin ang Denmark laban sa posibleng pagsalakay.
![Nagdaos ng news conference ang Minister of Defense Troels Lund Poulsen (L) at Deputy Chief of Defense ng Denmark na si Kenneth Pedersen kaugnay sa paglulunsad ng drone center sa Paliparan ng Hans Christian Andersen sa Odense, Denmark noong Marso 28. [Mads Claus Rasmussen/Ritzau Scanpix/AFP]](/gc7/images/2025/04/24/50073-den_drone2-370_237.webp)
Pagsapit ng 2026, tinatayang 100 kagawad ng militar ng Denmark ang inaasahang magsasanay doon bilang mga drone operator. Ang pasilidad ay susuporta sa kooperasyon sa pagitan ng militar, pribadong sektor at mga mananaliksik upang mapanatiling nangunguna sa makabagong teknolohiya ang Denmark.
Pagtukoy sa radar ng kalaban
Para sa mga mananaliksik na tulad ni Jerome Jouffroy, isang propesor ng mechanical at electrical engineering sa University of Southern Denmark, ang drone center ay magbibigay ng pagkakataong maiangkop ang mga proyekto ayon sa tunay na pangangailangan ng militar.
"Minsan para kaming namumuhay sa makitid na mundo," sabi niya sa AFP. "Nagsisikap kaming maghanap ng solusyon, pero ang mga ito nga ba talaga ang maituturing na pinakaepektibo sa labanan sa hinaharap?"
Sa bagong drone center, "matututunan ko ang mga kaalamang taktikal: Paano ginagamit ang mga drone? Ano ang pinakamahusay na teknolohiyang kayang paunlarin para sa mga operasyon?"
Sa labas lamang ng kumpanyang Quadsat sa Odense, maririnig ang malalakas na ugong ng mga drone na may satellite-reading software sa isinagawang test run kamakailan. Ang startup mula sa Denmark, na itinatag isang dekada na ang nakalipas, ay gumagawa ng mga drone na ginagamit sa pagmamanman at pamamahala ng radio spectrum. Sa larangang militar -- kabilang na sa Ukraine -- nakatutulong ang mga drone upang matukoy ang lokasyon at galaw ng mga radar system ng kalaban.
"Kaya ng teknolohiya namin ang magtukoy ng pinagmumulan ng mga signal at ang pagkilos ng mga ito, at nagbibigay ito ng panibagong antas ng impormasyon sa larangan ng labanan," sabi ni Joakim Espeland, CEO at co-founder ng Quadsat, sa panayam ng AFP.
Ang digmaan sa Ukraine ay itinuturing na testing ground para sa mga drone at nakatulong sa mabilis na paglago ng industriya.
'Lubhang kritikal na panahon'
"Halos 70% ng pagkatalo ng Ukraine ay dulot ng mga drone," ani Graae. "Nakikita namin ang paglago sa industriya ng depensa ng Denmark ... lalo na sa mga kumpanya ng software pati na rin sa mga kumpanya ng robotics at drone."
Ayon kay Jouffroy, ang military drone hub ay makakatulong upang tiyakin ang pagiging mapagkumpitensya ng Europe sa larangan ng teknolohiya.
Ang tumitinding agresyon ng Russia ay nag-uudyok ng mas malawak na paghahandang militar, paliwanag ng mga opisyal ng Denmark.
"Mas marami pa ang kailangang gawin ng Europe para ipagtanggol ang sarili at para na rin suportahan ang Ukraine. Dahil tayo ay nasa isang napakakritikal na panahon sa kasaysayan," sabi ni Danish Foreign Minister Lars Lokke Rasmussen sa panayam ng AFP sa Copenhagen noong Pebrero 19.
Lumabas ang kanyang mga pahayag ilang oras lamang matapos inanunsyo ng Copenhagen ang pagtaas ng gastusin sa depensa ng 50 bilyon ($7 bilyon) sa susunod na dalawang taon bilang tugon sa tinawag niyang "tumitinding banta mula sa Russia." Ang pagtaas ng gastusin sa depensa ng Denmark ay katumbas ng 3% ng kanilang GDP.
Mula nang salakayin ng Russia ang Ukraine noong 2022, tinatayang humigit-kumulang $7.5 bilyon ang naipagkaloob ng Denmark bilang suportang militar at humigit-kumulang $741 milyon bilang tulong sa mga sibilyan, ayon sa Foreign Ministry -- dahilan upang maituring itong isa sa pinakamalalaking tagasuporta ng Kyiv.
"Simula’t sapul, kapanalig na kami ng Ukraine dahil alam naming hindi lang ito tungkol sa Ukraine. Kung tutuusin, tungkol ito sa estruktura ng seguridad sa Europe," ani Lokke.
Maaaring bantaan ng Russia ang mga karatig-bansa nito, kabilang na ang mga kaalyado ng NATO, sa loob ng ilang taon kung humina ang Ukraine, babala niya. Ipinahayag sa isang intelligence report ng Denmark na lumabas kamakailan ang parehong pananaw, na ipinagpapalagay na ang Russia ay maaaring handa na para sa isang malawakang digmaan sa Europe sa loob ng limang taon kung magtapos o matigil ang labanan sa Ukraine.