Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Russia, pinalalakas ang paniniktik sa ilalim ng dagat at nakita ng mga nakatagong sensor ang nuclear submarines ng UK
Maaaring gamitin ng Moscow ang mga sensor para subaybayan at patigilin ang mga nuklear na armas ng UK kung magkaroon ng digmaan.
![Bumalik sa Plymouth, England ang Royal Navy frigate na HMS Somerset, sa larawang ito noong Abril 11 matapos ang higit 100 araw ng masidhing pagtupad sa pambansang tungkulin — kabilang ang anim na operasyon ng pagsubaybay sa mga barkong Ruso sa katubigan ng UK. [Royal Navy]](/gc7/images/2025/04/16/50001-ukship-370_237.webp)
Ayon kay Robert Stanley |
Russia:panatitindi ang mga lihim nitong operasyon sa Atlantic sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga spy submarines at mga espesyal na research vessel upang magtanim ng mga underwater sensor malapit sa mga kritikal na imprastruktura upang subaybayan ang nuclear submarine fleet ng United Kingdom, ayon sa isang ulat.
Lumalabas na nakatuon ang misyon sa pagmamanman ng mahahalagang communications at power cables na nag-uugnay sa Britain, Europe, at mga Nordic at Baltic countries; marami sa mga ito ay dating bahagi ng Soviet Union, ayon sa The Times noong Abril 5 matapos ang 3 buwang iimbestigasyon.
Natuklasan ng Royal Navy ang ilang device na nakatanim sa seabed, habang ang iba ay inanod papunta sa dalampasigan, ayon sa ulat.
Naniniwala ang mga military at intelligence chiefs na ang mga ito ay itinanim upang mangalap ng intelihensya tungkol sa apat na nuclear submarines ng UK na may mga nuclear missile.
Inihalintulad ng mga opisyal ng Britanya ang pinakabagong aktibidad ng Russia sa teknolohikal na labanan noong panahon ng Cold War, kung saan nagtunggali ang United States at Soviet Union para sa pamamayani sa ilalim ng dagat.
Nagbabala sila na lalong umiinit ang labanan para sa kapangyarihan sa ilalim ng dagat.
“Walang kaduda-duda, may digmaan ngayon sa Atlantic,” ayon sa isang mataas na opisyal ng militar ng UK na hindi pinangalanan. “Ito ay isang laro ng pusa at daga na nagpatuloy noong natapos ang Cold War, at ngayon ay muling umiinit.”
“Napakaraming aktibidad ang mga Russian na nakikita namin,” dagdag ng opisyal.
Paghahanap ng mga Russian device
Hindi itinanggi ni Andrey Kelin, Russian Ambassador sa United Kingdom, ang mga alegasyong gumagamit ang Russia ng mga sensor upang subaybayan ang mga nuclear submarine ng UK.
Kasabay nito, itinanggi ni Kelin na ang mga ganitong aktibidad ay isang banta sa United Kingdom.
Nang tanungin siya sa Sunday with Laura Kuenssberg sa BBC One kung itinatanggi niya ang mga paratang, sinabi ni Kelin: "Hindi."
"Hindi ko ito itatanggi, pero iniisip ko kung may tunay ba kaming interes na subaybayan ang lahat ng British submarine na may mga luma at lipas nang mga nuclear warheads... sobrang pinalalaki ang mga bantang ito,” aniya noong Abril 13.
Bilang tugon, ipinadala ng Britain ang RFA Proteus, isang espesyal na barkong ginagamit sa pagsubaybay sa malalim na karagatan, upang hanapin ang mga Russian surveillance device, ayon sa The Times.
May dalang submersible drone ang Proteus na maaaring ibaba sa ilalim ng dagat upang maghanap ng mga nakatagong sensor at listening device, na pinaghihinalaang inilalagay ng mga submarino at unmanned underwater vehicles (UUVs) ng Russia, ayon sa mga Briton.
Ang mga sensor na ito, na inilagay malapit sa mahahalagang data at energy cables ay maaaring gamitin ng Moscow upang sumubaybay at magdulot pa nga ng pinsala sa mga mahahalagang nuclear asset ng United Kingdom sakaling sumiklab ang digmaan.
Lubhang nakasalalay ang nuclear deterrent ng United Kingdom sa apat nitong Vanguard-class submarines, na idinisenyong manatiling hindi matutunton habang nagpapatrolya sa kailaliman ng Atlantic.
Ang mga submarine na ito, na may dalang mga ballistic missile na may nuclear warheads, ay mahalagang bahagi ng diskarte ng NATO upang pigilan ang agresyon ng Russia.
Gayunman, ang patuloy na paggamit ng Russia ng mga sensor at drone sa ilalim ng dagat ay maaaring makasira sa kakayahan ng mga submarine na manatiling hindi natutunton, na maaaring ilantad sa panganib ang depensa ng Britain laban sa posibleng pagsubaybay at pagwasak.
Mga 'mother ship' submarine
Ang mas nagpapahirap pang kontrahin ang mga operasyon ng Russia ay ang paggamit ng tinatawag na mother ship submarines, ayon sa The Times. Kayang maglunsad ng mga autonomous UUV ang mga sasakyang pandagat na ito sa malalim na bahagi ng karagatan, na nagpapalalim pa ng lihim sa kanilang mga operasyon.
Ang mga lihim na submarine na ito ay idinisenyo upang maging mahirap ma-detect, at ang mga UUV na kanilang ipinapadala ay maaaring maglakbay ng malalayong distansya nang hindi ito nade-detect habang nangangalap ng mahahalagang intelihensiya o sumisira sa mga imprastrukturang nasa ilalim ng dagat.
Ang sentro ng programa ng pananaliksik ng Russia sa ilalim ng dagat ay angYantar, isang makabagong barkong paniktik na ilang beses nang namataan sa baybayin ng United Kingdom, ayon sa Janes, isang open-source intelligence-gathering na publikasyong.
May dalawang mini-submarine ito na kayang sumisid hanggang 6,000 metro ang lalim, kaya ng Yantar na i-mapa ang mga imprastruktura sa ilalim ng dagat at magtanim ng mga kagamitang paniktik sa mga kritikal na data cable, ayon sa ulat ng The Times.
Kaya rin ng mga drone ng barkong ito na putulin o manipulahin ang mga undersea cable, isang taktika na maaaring magdulot ng pagkaantala sa mahahalagang sistema ng komunikasyon at enerhiya, dagdag pa ng ulat.
Shadow fleet ng Russia
Ang pagkaantala sa undersea communication at mga power cable ay nagdulot na ng mga epekto sa tunay na buhay.
Hindi bababa sa 11 kable ang naputol simula noong 2023. Ang mga barkong konektado sa "shadow fleet" ng Russia — mga hindi rehistradong barko na kadalasang sangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng pagpapadala ng langis ng Russia sa mga pamilihang pinatawan ng parusa — ang nagdulot ng pinsala sa ilan sa mga ito.
Bilang tugon sa tumitinding banta, inilunsad ng NATO ang isang bagong sistema ng depensa na tinatawag na Nordic Warden, na gumagamit ng artificial intelligence at mga navy patrol upang masubaybayan ang shadow fleet ng Russia, ayon sa The Times.
Gayunpaman, hindi lang paniniktik ang kinahaharap na banta.
May mga pangamba na maaaring targetin ng mga undersea drone ng Russia ang mga offshore wind farm ng Britain — na nagsu-supply ng halos 20% ng kuryente sa bansa — o putulin ang mga mahahalagang cable na naghahatid ng natural gas mula Norway patungong United Kingdom, dagdag pa nito.
Bilang pag-iingat, iminungkahi ng Royal Navy ang pagbuo ng isang fleet ng mga drone -- parehong pang-ibabaw at pang-ilalim ng tubig -- na magpapatrolya sa North Atlantic, lalo na sa lugar na kilala bilang GIUK Gap (Greenland, Iceland, at United Kingdom), ayon sa UK Defence Journal, isang website na nakatuon sa mga isyu ng depensa at seguridad sa UK.